2022
Mayroon Ka bang Pananampalataya kay Cristo na Tulad sa isang Bata?
Disyembre 2022


Para sa mga Ina ng mga Batang Musmos

Mayroon Ka bang Pananampalataya kay Cristo na Tulad sa isang Bata?

Nabigyang-inspirasyon ako ng pananampalataya ng sarili kong mga anak sa napakaraming paraan.

isang ina na inilalapit ang kanyang mukha sa anak niyang nakangiti

Nang dumalaw si Jesucristo sa mga lupain ng Amerika, ang isa sa mga unang bagay na hinikayat Niyang gawin ng Kanyang mga disipulo ay “maging katulad ng isang maliit na bata” (3 Nephi 11:38).

Bakit kaya? Hindi alam ng mga bata ang lahat ng bagay. Napakaraming tanong sa akin ng apat-na-taong-gulang kong anak—hindi kukulangin sa isandaan sa isang araw! Ngunit ang kanyang pag-uusisa at pagkauhaw sa kaalaman ay maaaring ilan sa mga likas na katangian ng bata na nais ng Tagapagligtas na tularan natin.

Habang minamasdan ko ang paglaki ng aking mga anak, may tatlong natatanging aral akong natutuhan mula sa kanilang halimbawa tungkol sa kanilang pananampalataya na tulad sa isang bata:

  1. Lubos ang tiwala nila sa kanilang mga magulang.

Kapag may problema o nasaktan o natatakot ang mga anak kong babae, ako o ang asawa ko ang agad nilang tinatawag. Hindi sila tumitigil at nag-iisip kung nararapat ba silang tulungan. Hindi sila nag-iisip kung sapat ba silang naging masunurin. Ang alam lang nila ay mahal namin sila at handa kaming tumulong.

Maaari tayong magtiwala sa Ama sa Langit sa gayon ding paraan.

Mahal ko ang aking mga anak. Subalit ang pagmamahal ko sa kanila ay hindi maikukumpara sa pagmamahal ng Ama sa Langit para sa atin. Sa sandaling manawagan tayo sa ating Ama sa Langit, paririyan Siya (tingnan sa Josue 1:9). Agad nating madarama ang Kanyang kapanatagan at kapayapaan, at, kapag tayo’y nagtiis at nanampalataya, matatanggap natin ang mga sagot sa ating mga tanong.

Halimbawa, ilang taon na ang nakararaan may nag-alok sa akin ng napakagandang trabaho. Pero nag-alala ako na baka kailanganin kong magtrabaho nang Linggo. Habang nahihirapan akong magpasiya kung ano ang gagawin, nagdasal ako at nag-ayuno. Napuspos ako ng kapayapaan at nakatanggap pa nga ng pahiwatig na hilingin sa manager kung maaari akong hindi pumasok sa mga araw ng Linggo. Kung hindi dahil sa tiwala ko sa Ama sa Langit na tulad ng sa isang bata, hindi ako magkakaroon ng lakas ng loob na hilingin iyon, pero pumayag ang manager. Kaya, nagsimula ako ng isang bago at nakatutuwang kabanata.

  1. Hindi sila nag-aalinlangan sa itinuturo sa kanila.

Noong maliit pa ang anak ko, tinanong niya ako kung bakit dumidikit ang mga magnet niya sa fridge pero hindi sa pader. Ipinaliwanag ko kung paano gumagana ang mga magnet, at agad siyang naniwala sa bagong kaalamang ito at nagsimulang subukin ang magnet sa iba’t ibang lugar.

Tulad ng pagtitiwala ng anak ko sa mga sagot na ibinibigay ko sa kanya, inaasahan ng Ama sa Langit na magtitiwala tayo sa Kanyang mga sagot.

Matapos kong magsimula sa aking trabaho, dumating ang mga hamon. Nahirapang masyado ang pamilya ko dahil sa oras na ginugugol ko sa trabaho, at nadismaya sa akin ang manager ko. Nagsimula akong magduda sa sagot na natanggap ko tungkol sa pagtanggap sa trabaho.

Ang Ama sa Langit ay “Diyos ng katotohanan, at hindi maaaring magsinungaling” (Eter 3:12), kaya ipinalagay ko na hindi ko naunawaan ang Kanyang patnubay, na nagpaisip sa akin kung ilang iba pang mga pahiwatig ang hindi ko naunawaan. Pagkatapos ay naalala ko ang mga salita ng Nakababatang Alma: “[Subukan ang] aking mga salita, at [gumamit] ng kahit bahagyang pananampalataya, oo, kahit na wala kayong higit na nais kundi ang maniwala, hayaan na ang pagnanais na ito ay umiral sa inyo” (Alma 32:27).

Nagkaroon ako ng hangaring patuloy na maniwala sa Ama sa Langit, kaya pinili kong manampalataya at subukan ang Kanyang pahiwatig sa akin na tanggapin ang trabahong ito, at nagpatuloy ako.

si Cristo na naglalakad na may kasamang mga bata
  1. Matatag ang kanilang pananampalataya.

Malubha ang sakit ko noong ipinagbubuntis ko ang bunsong anak ko. Pero isang hapon, gustong mag-hiking ng isang anak ko. Sinabi sa kanya ng asawa ko na napakalubha ng sakit ko para sumama. Nagdasal ang anak ko at hiniling sa Ama sa Langit na gumanda ang pakiramdam ko at agad na naghandang umalis. Makalipas ang ilang minuto, nagulat ang asawa ko nang makitang gising ako. Sinabi niya sa akin ang panalangin ng aming anak, at ang taos-pusong pananampalataya nito ang nagbigay-inspirasyon sa akin na subukang mag-hiking. Kahit paano, nakarating ako sa tuktok ng bundok.

Ang pagsampalatayang matatapos ko ang kontrata ko sa trabaho ay nangailangan din ng pananampalatayang ipinakita ng aking anak. Hindi ko tiyak kung ano ang mangyayari. Pero patuloy akong sumulong nang may pananampalataya na inakay ako ng Ama sa Langit sa trabaho ko nang may dahilan. At kalaunan ay nahayag ang dahilang iyon.

Sa isang tahimik na araw sa trabaho, nagtapat sa akin ang isang katrabaho ko kung paano niya nalaman na miyembro ako ng Simbahan, inakala niya na wala akong ipinagkaiba sa ilang taong relihiyoso na nakipagtalo sa kanya noong araw. Sinabi niya sa akin na naantig siya sa aking paggalang at kabaitan sa kanya at sa iba pa naming mga katrabaho. Nag-usap kami nang sumunod na mga oras tungkol sa pananampalataya at kay Jesucristo.

Sinabi niya sa akin na nais niyang maniwala sa Kanya, at nag-umapaw ang Espiritu sa dibdib ko nang sabihin ko sa kanya ang tungkol sa ebanghelyo.

Natanto ko na siya ang isang dahilan kaya ako ginabayan ng Ama sa Langit sa trabahong ito. Isang himala iyon.

Tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang mga himala ay dumarating ayon sa inyong pananampalataya sa Panginoon. Ang mahalaga sa pananampalatayang iyan ay pagtitiwala sa Kanyang kalooban at panahon—paano at kailan Niya kayo pagkakalooban ng mahimalang tulong na hangad ninyo. Tanging ang kawalang-paniniwala ninyo ang pipigil sa Diyos na biyayaan kayo ng mga himala na malipat ang mga bundok mula sa inyong buhay.”1 Nang manampalataya ako na tulad sa isang bata sa Kanyang pahiwatig na tanggapin ang trabahong ito at tapusin ang aking kontrata, ipinakita sa akin ng Ama sa Langit ang Kanyang kakayahang gumawa ng mga himala.

Ang Pananampalatayang Tulad sa Isang Bata ay Magpapanatili sa Atin sa Landas

Sa buhay ay maaari tayong mahirapan na kumapit sa simple ngunit malakas na pananampalatayang tulad ng sa isang bata. Alam ito ng ating Tagapagligtas. Kaya nga inaanyayahan Niya tayong pag-isipan ang matatag na halimbawa ng mga bata. Kung may puso tayo na handang magtiwala sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang mga propeta tulad ng maliliit na bata, mararanasan natin ang pambihirang espirituwal na paglago at mas mauunawaan natin ang pagmamahal at plano Niya para sa bawat isa sa atin.