2022
Maaari Tayong Makahanap ng mga Pang-araw-araw na Paraan para Magmahal, Magbahagi, at Mag-anyaya
Disyembre 2022


“Maaari Tayong Makahanap ng mga Pang-araw-araw na Paraan para Magmahal, Magbahagi, at Mag-anyaya,” Liahona, Dis. 2022.

Mga Alituntunin ng Ministering

Maaari Tayong Makahanap ng mga Pang-araw-araw na Paraan para Magmahal, Magbahagi, at Mag-anyaya

Ang ministering ay maaaring maging bahagi ng kung sino tayo, hindi isa pang bagay lang na gagawin.

pamilya na magkakasama sa isang parke

Si Carl (binago ang mga pangalan) ay inatasan kamakailan na mag-minister kay Gus. Sa pagsisikap na malaman ang mga bagay na interesado sila pareho, nalaman ni Carl na hilig ni Gus ang pagsusulat. Kaya inanyayahan siya ni Carl na pumunta sa miting ng grupo ng mga lokal na manunulat. Sa huli, wala ni isa sa kanila ang may oras para sa grupo, ngunit dahil sa pag-anyaya nagkaroon sila ng masayang kwentuhan, na humantong sa magkasamang pagkain ng tanghalian paminsan-minsan—na nakatulong para mabuo ang pagkakaibigan na maaasahan ni Gus kapag kailangan niya ang tulong.

Kapag nagmiministering, naghahanap si Carl at ang kanyang asawang si Julie ng paraan para balansehin ang pormal at di-pormal na ministering. May mga pagkakataon na mapanalangin nilang pinaplano ang isang bagay na may layuning suportahan ang pagsulong ng iba sa landas ng tipan. Ngunit sinubukan din nilang gawin ang ministering sa normal at natural na bahagi ng kanilang pang-araw-araw na buhay.

Nang tanggapin ni Julie ang assignment na maglaan ng oras sa umaga para magproseso ng pagkain sa plantang pinamamahalaan ng Simbahan, nagpasiya siyang anyayahan si Shawna na sumama sa kanya. Ilang beses lamang nagsimba si Shawna mula nang lumipat siya sa lugar maraming taon na. Masayang nagkasamang maglingkod sina Julie at Shawna sa planta. Hindi nagtagal, nagplano sina Julie at Carl ng isang panggabing palaro para sa home evening. Nagpasiya silang anyayahan ang pamilya ni Shawna na sumama sa kanila. Dahil naisip ni Julie na isama si Shawna sa mga aktibidad na ito na pinaplano niya, naging malalim ang pagkakaibigan ng dalawa. Kalaunan, nang magkaproblema si Shawna, humingi siya ng tulong sa asawa ni Julie na si Carl para sa basbas ng priesthood.

Ang makabuluhang ministering ay maaaring mangyari kapag nakahanap tayo ng mga simpleng paraan para maipakita ang ating pagmamahal, at anyayahan ang iba na lumapit sa Kanya at sumama sa atin—kahit sa mga bagay na gagawin naman natin.

batang babae na nakaupo sa tabi ng larawan ng Tagapagligtas

Larawang kuha ni Monica Georgina Alvarado Zarate

Bahagi ng Ating Pang-araw-araw na Pamumuhay

Tinulungan ng propetang si Zacarias ang kanyang mga tao na makahanap ng mga pang-araw-araw na paraan upang mailakip sa kanilang buhay ang pag-iisip tungkol sa Panginoon. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, isinulat ng mga tao ang mga salitang “Kabanalan sa Panginoon” sa mga nakikita nila sa karaniwang takbo ng kanilang buhay, tulad ng mga kampanilya ng mga kabayo at mga mangkok, upang ipaalala sa kanila na isipin ang Panginoon (tingnan sa Zacarias 14:20–21).

Hinihikayat din tayo ng mga propeta ngayon na humanap ng mga likas na paraan para mapanatili nating prayoridad ang Diyos sa ating buhay at magmahal, magbahagi, at mag-anyaya sa natural na pamamaran. Kapag mas komportable at natural ang ating mapagmahal na mga paanyaya, mas magiging komportable tayo sa pagpapaabot ng ating pagmamahal at mga paanyaya, at magiging mas komportable ang iba na tanggapin ang mga ito.

babaeng nakatingin sa cell phone

Mga Alituntuning Dapat Pag-isipan

Ang ministering ay isang bagay na natutulungan ng pagpaplano nang may panalangin. Kapag nagiging bahagi ito ng kung sino tayo, ang ministering ay maaari ding maging kasingsimple ng pag-iisip na isama ang iba sa mga bagay na maaaring ginagawa na natin. Halimbawa:

  • Nakahanda na ang iyong telepono para mag-message sa isang kaibigan. Maglaan ng 10 segundo para kumustahin ang isang taong pinaglilingkuran mo.

  • Mas marami kang inilutong pagkain kaysa sa ipinlano mo. Hatiran ng pagkain ang isang taong maaaring nangangailangan nito.

  • May nagustuhan ka sa pinag-aaralan mong mga banal na kasulatan ngayong umaga. Ibahagi ito sa isang kaibigan.

  • Pupunta ang pamilya mo sa isang parke para sa gabi ng pamilya. Maaari mong yayaing sumama sa inyo ang mga kapitbahay ninyo.

  • Inanyayahan kang magsalita sa sacrament meeting. Anyayahan ang isang katrabaho na pumunta para mapakinggan ka.

Ano ang Magagawa Natin?

Paano mo magagamit ang isang bagay na ginagawa mo na sa linggong ito para matulungan at maisama ang iba?