2023
Ang Ilaw ng Sanlibutan—Mga Mensahe Kamakailan mula sa mga Propeta, Apostol, at Iba pang mga Pinuno ng Simbahan
Disyembre 2023


Digital Lamang

Ang Ilaw ng Sanlibutan—Mga Mensahe Kamakailan mula sa mga Propeta, Apostol, at Iba pang mga Pinuno ng Simbahan

Tingnan kung ano ang naituro ng mga pinuno ng Simbahan kamakailan sa social media tungkol kay Jesucristo, ang Ilaw ng Sanlibutan.

si Jesucristo noong sanggol pa habang nakahiga sa sabsaban

Sa mundong patuloy na nagdidilim, laging patuloy na magniningning ang liwanag. Ang liwanag na iyon, na naghahatid ng pag-asa at kaligayahan sa atin, ay dumarating dahil kay Jesucristo, ang Ilaw ng Sanlibutan.

Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan:

“Si Jesucristo ang ilaw ng sanlibutan dahil siya ang pinagmumulan ng liwanag na ‘nanggagaling mula sa kinaroroonan ng Diyos upang punuin ang kalakhan ng kalawakan’ (D&T 88:12). Ang Kanyang liwanag ang ‘tunay na ilaw na nagbibigay-liwanag sa bawat tao na dumarating sa daigdig’ (D&T 93:2). …

“… Ang Kanyang halimbawa at mga turo ay tumatanglaw sa landas na dapat nating tahakin.”1

Nakatuon tayo sa liwanag ni Cristo lalo na sa Kapaskuhan, ngunit nagliliwanag ito para sa atin sa buong taon, at maaari nating hangaring ibahagi ang Kanyang liwanag sa lahat ng ginagawa natin. Matutulungan tayo ng mga siping ito mula sa mga pinuno ng Simbahan, na ibinahagi sa social media, na mas maunawaan kung paanong si Cristo ang Ilaw ng Sanlibutan at kung paano natin matutularan ang Kanyang liwanag sa ating buhay.

Bagong Liwanag na Nagniningas sa Bawat Isa sa Atin

Pangulong Russell M. Nelson

“Ngayong taon, ipagdiriwang ko ang Pasko sa ika-99 na pagkakataon. Sa loob ng maraming taon na ito, namangha ako sa dagdag na kabutihan at kabaitan ng tao na palaging lumalaganap sa sagradong panahong ito. Sa paggunita natin ng pagsilang Niya na Ilaw ng Sanlibutan, [nagniningas ang] bagong liwanag [sa] bawat isa sa atin. Ngayon, higit kailanman, kailangan natin ang liwanag ni Jesucristo. Sa pagsunod natin sa Kanya, makakatulong ang bawat isa sa atin [na gawing] mas maganda [ang mundong ito].”

Pangulong Russell M. Nelson, Facebook, Dis. 18, 2022, facebook.com/russell.m.nelson.

Ang Liwanag ng Pasko

Pangulong Russell M. Nelson

“Dahil napakarami sa atin ang nahihirapan sa mga hamon ng nakaraang taon at marami pang iba, maaaring mahirap malaman kung saan tayo makakahanap ng kapayapaan.

“Ngayong Pasko, inaanyayahan ko kayong ibahagi ang liwanag ng Tagapagligtas na si Jesucristo sa mga nasa paligid ninyo. Ang KANYANG liwanag at KANYANG pagmamahal ang magpapagaling sa ating puso sa panahong ito—at sa lahat ng hamon ng buhay.

Video: “Malapit at mahalaga ang Kapaskuhan sa puso ko, tulad ng alam ko na gayon din iyon para sa marami sa inyo. Sa lahat ng naranasan natin nitong nakaraang taon at higit pa, maaari ba akong magbahagi ng mensahe kung paano tayo makatutulong na baguhin ang mga buhay sa espesyal na panahong ito ng taon?

“… Inaanyayahan ko kayong mag-isip ng mga paraan na maaari kayong kumilos at tumulong sa iba na madama ang Liwanag ni Jesucristo ngayong Pasko. Ngayong Pasko, hinihintay pa rin ng ilan na muling sumindi ang mga ilaw. Kaya nga gustung-gusto nating ibahagi ang liwanag ni Jesucristo kapag napakaraming tao sa paligid natin ang nakararamdam ng takot at kawalang-katiyakan.

“Inanyayahan ko kayong bigyan ng puwang sa inyong puso ang mga tao sa paligid ninyo na maaaring nahihirapang makita ang liwanag ng Tagapagligtas at madama ang Kanyang pagmamahal. Walang mga regalong magiging makahulugan na gaya ng pagpapakita ng dalisay na pagmamahal na inaalay ninyo sa nalulumbay, napapagod, at nababagot. Ito ang mga regalong nagpapaalala sa atin at sa kanila ng tunay na dahilan ng Kapaskuhan: ang kaloob ng Anak ng Diyos na si Jesucristo na isinilang para pawiin ang lahat ng takot at maghatid ng walang-hanggang liwanag at kagalakan sa lahat ng sumusunod sa Kanya.

“Sana, mahal kong mga kaibigan, maging napakaligaya ng Pasko at napakasayang panahon ito ng pagtulong sa iba na makita at madama ang liwanag ni Jesucristo.”

Pangulong Russell M. Nelson, Facebook, Dis. 16, 2021, facebook.com/russell.m.nelson.

Ang Prinsipe ng Kapayapaan

Elder Dieter F. Uchtdorf

“Ngayong Kapaskuhan, lakasan ang inyong boses at puspusin ang inyong puso ng kagalakan at pasasalamat na si Cristo ang Prinsipe ng Kapayapaan. Siya ay buhay, at naghahatid ng liwanag at buhay sa mundo. Siya ang ating Manunubos at ating Tagapagligtas sa Pasko at sa tuwina.”

Video: “Ito ang panahon para isipin si Jesucristo. At ipakita sa ating mga gawa at sa ating mga salita na bahagi ito ng ating buhay—na habang naghahatid Siya ng liwanag at buhay sa mundo, na sinusubukan nating gawin din iyon sa limitadong sakop ng ating impluwensya. At kailangan nating ilakas ang ating boses at puspusin ang ating puso ng kagalakan at pasasalamat na si Cristo ang Hari ng Kapayapaan, ang Prinsipe ng Kapayapaan. Si Cristo ay buhay. Siya ay totoo. Siya ang ating Manunubos sa Pasko at sa tuwina.”

Elder Dieter F. Uchtdorf, Facebook, Dis. 11, 2022, facebook.com/dieterf.uchtdorf.

Mga Himala mula sa Ilaw ng Sanlibutan

Elder Quentin L. Cook

“Nakasaad sa ating mga banal na kasulatan na si Jesucristo ang liwanag at buhay ng mundo.

“Ibinabahagi ko ang aking paniniwala na kapag nagmadali tayong ipamuhay ang mga alituntunin ng kapayapaan at kabutihang-loob na matatagpuan sa ebanghelyo ni Jesucristo sa ating pamilya, komunidad, kongregasyon, at bansa, makakakita tayo ng mga himala.”

Elder Quentin L. Cook, Facebook, Nob. 30, 2022, facebook.com/quentin.lcook.

Mga Pinagmumulan ng Liwanag

Elder Quentin L. Cook

“Bilang mga Kristiyano, naniniwala ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na lahat tayo ay mga anak ng isang mapagmahal na Ama sa Langit at na si Jesucristo ang Kanyang Bugtong na Anak. Nakasaad sa ating mga banal na kasulatan na si Jesucristo ang liwanag at buhay ng mundo. Ang Kanyang ilaw ang ‘tunay na ilaw na nagbibigay-liwanag sa bawat tao na dumarating sa daigdig’ (Doktrina at mga Tipan 93:2).

“Nawa’y maging liwanag tayong lahat sa espesyal na panahong ito. Si Jesucristo ang naglaan ng liwanag at perpektong halimbawa. Inilaan Niya ang Kanyang buhay sa mga maralita, nangangailangan, maysakit at naghihirap, at sa matagumpay na pagtatapos ng walang-hanggang plano na Siya lamang ang karapat-dapat na gumawa. Siya ang liwanag at nagpakita ng halimbawa sa atin. Nawa’y mapasa-bawat isa sa atin ang diwa ng Pasko habang pinaliliwanag natin ang mundo sa pamamagitan ng ating pagmamahal at kabutihang-loob.”

Elder Quentin L. Cook, Facebook, Dis. 19, 2022, facebook.com/quentin.lcook.

Kapangyarihan at Kasigasigan

Elder D. Todd Christofferson

“Tulad ng mga naninirahan sa maraming bansa, nagkaroon ng malaking epekto ang pandemyang COVID-19 sa mga nasa Argentina at Chile. Kitang-kita pa rin ang emosyonal na paghihirap ng mga tao.

“Gayunman, nagiging mas magandang panahon ito para sa kanila. Nang magmasid ako noong bumisita ako kamakailan sa Argentina at Chile, pumapasok ang mga tao sa isang bagong yugto ng lubos na kagalakan, paglilingkod, at pagsasamahan. May kapangyarihan at kasigasigan sa likod ng bagong direksyong ito. Ito ang liwanag na nagmumula sa Tagapagligtas. Masusuportahan tayo ng Kanyang pagmamahal at ating pananampalataya kahit sa pinakamadidilim at pinakamalulungkot na panahon.”

Elder D. Todd Christofferson, Facebook, Hunyo 28, 2022, facebook.com/dtodd.christofferson.

Ang Pagsisikap Nating Mamuhay Ayon sa Kanyang Patnubay

Elder Ulisses Soares

“Ipinagdiriwang natin ang liwanag at katotohanang hatid ni Jesucristo sa mundong ito.

“Ang ating hangarin sa buhay ay hanapin ang liwanag at katotohanan at tanggapin ang dakilang pagpapalang mamuhay sa Kanyang patnubay, sa kabila ng kadilimang umiiral sa mundo ngayon. Sa buong masayang panahong ito gayundin sa natitira pang bahagi ng taon, dapat nating isipin kung paano tayo tinutulungan ng liwanag at katotohanan na mamuhay ayon sa patnubay ng Tagapagligtas. Ang pamumuhay ayon sa Kanyang patnubay ang laging pinakamainam na daan.”

Elder Ulisses Soares, Facebook, Dis. 23, 2022, facebook.com/soares.u.

Pinagmumulan ng Kapayapaan at Kagalakan

Elder Ulisses Soares

“Si Jesucristo ang ilaw ng sanlibutan para sa lahat ng anak ng Diyos. Kapag sumusunod tayo sa Kanya, naghahatid ng kapayapaan at kagalakan ang Kanyang liwanag sa bawat isa sa atin.”

Elder Ulisses Soares, Facebook, Nob. 16, 2022, facebook.com/soares.u.

Pinupuspos ng Kanyang Liwanag ang Ating Buhay

Pangulong Susan H. Porter

“Bilang mga ina, at ngayon ay mga lola, alam natin na maaaring maging medyo magulo ang Kapaskuhan. Kung minsan ay panahon ito ng kagalakan at pagtitipon, at kung minsa’y maaaring masakit o mahirap ito.

“Anuman ang pakiramdam ng inyong Kapaskuhan ngayong taon, umaasa kami na makakahanap kayo ng oras na #MagingIlawNgSanlibutan sa paglilingkod sa iba kasama ang inyong mga anak o iba pang mga mahal sa buhay. Maliliit man o mga tinedyer na ang mga bata sa buhay ninyo, handa at may kakayahan silang gumawa ng kaibhan! Kapag matapat tayong naglilingkod kasama ang ating mga anak at mahal sa buhay, mapapalakas natin ang ating kaugnayan sa isa’t isa, mapagyayaman ang pagkatuto habang sumusubok tayo ng mga bagong bagay, at bumubuo ng pagkakaisa at lakas habang ipinapaabot natin ang pagmamahal ng Tagapagligtas sa mga tao sa paligid natin. Kapag nagtuon tayo kay Jesucristo, mas mapupuno ng Kanyang liwanag ang ating buhay.

“Humanap ng paraan para magpakita ng kabaitang gumagana sa inyong pamilya at sa inyong sitwasyon. Hindi ninyo kailangang magdagdag ng anumang bagay sa inyong listahan ng mga gagawin. Ipapaalam sa inyo ng Espiritu kung paano ninyo sama-samang mapapasaya ang iba.”

Pangulong Susan H. Porter, Facebook, Dis. 11, 2022, facebook.com/PrimaryPresident.

Ang Liwanag sa Ating Puso

Sister Amy A. Wright

“Ang Kapaskuhan ay magandang panahon ng liwanag. Ang liwanag na ito ay nagniningning sa mga puno, tahanan, at lalo na sa puso. Ang liwanag na nakikita natin sa Pasko ay simbolo ng Liwanag ni Cristo. Maibabahagi natin ang Liwanag na ito kapag nagsikap tayong paglingkuran ang isa’t isa.”

Sister Amy A. Wright, Facebook, Dis. 16, 2021, facebook.com/Primary2ndCounselor.

Tala

  1. Dallin H. Oaks, “The Light and Life of the World,” Ensign, Nob. 1987, 63–64.