Digital Lamang: Mga Young Adult
Hindi Komo Nahaharap Ka sa Paghihirap ay Mali na ang mga Bagay-Bagay
Nang maharap ako sa sunud-sunod na mga pagsubok, sa halip na alisin ang mga problema, biniyayaan ako ng Diyos ng lakas at pag-asa.
Noong tinedyer ako, nagkasakit ako nang malubha. Walang sapat na pera noon ang mga magulang ko para dalhin ako sa ospital, kaya nagpalipat-lipat kami ng simbahan sa paghahanap ng makakatulong, pero wala kaming nakita. Hindi nagtagal ay sumuko kami, at naiwan akong nagdurusa kapwa sa pisikal at emosyonal.
Naaalala ko na nagtanong ako, “Ano ang layunin ng buhay? Bakit ako narito? Totoo nga ba ang mga himala?”
Nang magkaroon ako ng kaunting lakas sa karamdamang ito, nagbasa ako ng mga sagradong aklat mula sa iba’t ibang denominasyon, sa pagsisikap na makahanap ng mga sagot at kapayapaan. Isang araw ay tahimik akong nagdasal sa Diyos, at sinabi ko sa Kanya ang hangarin kong sumapi sa isang simbahan—pero hindi ko alam kung aling simbahan!
Makalipas ang isang taon gumaling ako sa pisikal pero marami pa rin akong tanong. Isang araw nakita ko ang kapatid kong lalaki na kausap ang dalawang binatang nakasuot ng puting polo. Inanyayahan nila ako at ang iba ko pang mga kapatid na sumali sa pag-uusap nila.
Ito ang unang pagkakataon na nakarinig ako tungkol sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at sa Aklat ni Mormon.
Nang linggo ring iyon, inanyayahan nila kaming magsimba, at hindi nagtagal ay inanyayahan akong magpabinyag. Pumayag ako nang walang pag-aatubili. Naging miyembro na ako mula noon at kalaunan ay nagkaroon na ng pribilehiyong maglingkod sa full-time mission.
Gayunman, may mga pagkakataon na nakaranas ako ng oposisyon mula sa mga kapamilya, kaibigan, at iba pa sa paligid ko. Sinubukan ng ilan sa kanila na pahinain ang loob ko, hamakin ako, at insultuhin ang bago kong relihiyon. Pero, sa kabila ng mga paghihirap, nagpatuloy ako.
Pinalalago Tayo ng Paghihirap
Itinuro sa akin ng karanasan ko sa pagsapi sa Simbahan na kung minsa’y dumaranas ng mahihirap na panahon ang mabubuting tao. Ang paghihirap at mga pagsubok ay maaaring magpadama sa atin ng kawalang-katiyakan tungkol sa hinaharap. At kung minsa’y nagdududa pa tayo sa ating potensyal o kung nasa tamang landas tayo. Pero nalaman ko na hindi ako dumaranas noon ng paghihirap dahil may nagawa akong mali. Sa katunayan, kabaligtaran ito.
Dumanas ako ng hirap dahil ang paghihirap ay bahagi ng plano ng Diyos.
Sabi ng Panginoon kay Joseph Smith: “At kung ikaw ay itatapon sa hukay, o sa mga kamay ng mga mamamatay-tao, at ang kahatulan ng kamatayan ay ihahatol sa iyo; … kung ang pinakapanga ng impiyerno ay ibubuka nang malaki ang bibig sa iyo, alamin mo, aking anak, na ang lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti.” (Doktrina at mga Tipan 122:7).
Sa ating mortal na paglalakbay sa lupa, maaari tayong dumanas ng mga pagsubok, kabiguan, kalungkutan, karamdaman, o iba pang mga dalamhati, pero hindi natin maaaring talikuran o lisanin ang landas ng ebanghelyo. Ang mga paghihirap na ito ang daan para tayo ay maging higit na katulad ng Diyos.
Mahal Tayo ng Diyos at Sinasagot ang Ating mga Dalangin
Sa paglalarawan sa karanasan niyang manalangin sa Diyos, sinabi ni Enos, “At ang aking kaluluwa ay nagutom; at ako ay lumuhod sa harapan ng aking Lumikha, at ako ay nagsumamo sa kanya sa mataimtim na panalangin at hinaing para sa aking sariling kaluluwa; at sa buong araw ako ay nagsumamo sa kanya” (Enos 1:4).
Gaya ni Enos, taimtim akong nanalangin noong nagkaroon ako ng sakit sa puso at muli nang maharap ako kalaunan sa oposisyon sa pagsapi sa Simbahan. Sinagot ng Diyos ang aking mga dalangin sa pagbibigay sa akin ng kapanatagan at pag-asang kinailangan ko sa bawat karanasan.
Kahit hindi Niya talaga pinagaling ang sakit ko sa puso o hinadlangan ang mga tao na usigin ako sa pagsapi sa Simbahan, binigyan pa rin Niya ako ng espesyal na katiyakan at pag-asa na nakatulong sa akin na manatiling matatag sa landas ng tipan.
Kapayapaan Pagkaraan ng Unos
Alam ko na narito tayo sa lupa para matuto, lumago, at maghandang humarap sa Diyos. Masaya ako na ang paghihirap ko ang umakay sa akin na tanggapin ang ebanghelyo, malaman ang tunay kong pagkatao, at mapaglingkuran ang mga anak ng Diyos. Nagpapasalamat ako na hindi ako sumuko nang maharap ako sa paghihirap sa pagsapi sa Simbahan. Mula noon, pinalad akong matanggap sa Brigham Young University–Idaho at nakapaglingkod bilang missionary para sa BYU–Pathway Worldwide.
Gagabayan, dadalisayin, at aakayin tayo ng Diyos tungo sa ating banal na tadhana na naihanda Niya para sa bawat isa sa atin. Alam ko na kapag nanatili tayo sa Kanyang landas ng tipan, makasusumpong tayo ng kaligayahan sa buhay na ito gayundin sa buhay na darating.