2023
Ang Maling Pagkaunawa Ko Tungkol sa Tagapagligtas
Disyembre 2023


Digital Lamang: Mga Young Adult

Ang Maling Pagkaunawa Ko Tungkol sa Tagapagligtas

Nang mas tumagal ang karamdaman ko kaysa inasahan, nalaman ko na hindi ko kailangang haraping mag-isa ang mga pagsubok.

isang lalaking maysakit na nakaupo sa sopa

Nang dumapo ang pandemya noong 2020, isa ako sa mga unang naimpeksyon ng COVID-19 sa aking lugar sa Scotland. Noong una akala ko sipon lang iyon. Pero sa paglipas ng mga araw, lumala ang sakit ko, hanggang sa nahirapan na akong huminga. Lubhang nasira ang lalamunan ko at mga sinus, at palagi akong pagod.

Mahigit isa’t kalahating taon akong patuloy na nagpagaling, kung kailan hindi ako nakalahok sa anumang sport o pisikal na aktibidad. Kinailangan kong huminto sa lahat ng aktibidad. Tumigil pa ako nang isang taon sa pag-aaral sa unibersidad, at napakasaklap ng pakiramdam ko—naiinis sa aking sitwasyon at galit sa Ama sa Langit nang tila hindi ako gumagaling.

Mas Malakas Tayo Kapag Kasama Natin si Jesucristo

Sa kabila ng ganitong pag-iisip ko, patuloy kong ipinamuhay ang ebanghelyo. Patuloy akong nagsimba at ginawa ko ang makakaya ko para tulungan at paglingkuran ang iba. Unti-unti, nagsimulang bumuti ang lagay ng pag-iisip ko.

Nang magsimulang mawala ang pinakamalalang mga sintomas, nakatanggap ako ng di-inaasahang tawag na maglingkod sa aming stake high council. Sa kabila ng aking pangamba, tinanggap ko ang tawag na umaasa na maglalaan ng paraan ang Panginoon para matupad ko ang tawag sa kabila ng aking mahinang kalusugan (tingnan sa 1 Nephi 3:7).

Ang isa sa mga unang tungkuling natanggap ko ay ang magsalita tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Sa bawat mensaheng ibinigay ko sa iba pang mga alagad ni Jesucristo, lumago ang pagkaunawa ko sa Kanya at sa ginawa Niya para sa akin. Natanto ko na matagal ko nang binabalewala ang isang mahalagang bahagi ng Kanyang Pagbabayad-sala—nagdusa ang Panginoon at namatay hindi lamang para sa ating mga kasalanan kundi para sa ating mga paghihirap. Alam Niya kung paano tayo pasiglahin sa ating mga pagsubok (tingnan sa Alma 7:12).

Itinuro kamakailan ni Pangulong Camille N. Johnson, Relief Society General President:

“Mapagagaan ni Jesucristo ang bigat na dala-dala natin.

“Kayang buhatin ni Jesucristo ang mga pasanin natin.

“Nagbigay ng daan si Jesucristo para magkaroon tayo ng kaginhawahan mula sa bigat ng kasalanan.

“Si Jesucristo ay ang ating kaginhawahan. …

“… Mga kapatid, hindi ko magagawang kumilos nang mag-isa, at hindi ko kailangang gawin iyon, at hindi ko gagawin iyon. Sa pagpili na mabigkis sa aking Tagapagligtas na si Jesucristo, sa pamamagitan ng mga pakikipagtipan ko sa Diyos, ‘Lahat ng mga bagay ay aking magagawa sa pamamagitan [ni Cristo na] nagpapalakas sa akin’ [Filipos 4:13].”1

Malamang na umasa rin ako sa sarili kong lakas, at dahil sa kayabangan ko ay talagang naisip ko na kaya kong daiging mag-isa ang aking pagsubok. Pero natanto ko na hindi ako nabibigo dahil napakahirap ng pagsubok; iyon ay dahil hindi ko tinutulutan si Jesucristo na bigyan ako ng Kanyang lakas at suporta.

Sa huli ay nagbago ang lahat sa pag-unawa sa ibinibigay Niya sa akin sa pamamagitan ng Kanyang nagpapagaling na kapangyarihan. Kahit hindi magiging madali o mabilis ang aking paggaling, maaari akong makasumpong ng kapayapaan, kagalakan, at lakas habang nangyayari ito sa paglapit sa Kanya.

Pagpapatibay ng Ating Kaugnayan kay Cristo

Hindi natin kailangang haraping mag-isa ang anumang mga pagsubok. Makakaasa tayo sa ating Tagapagligtas para sa lakas. Natanto ko na ang espirituwal na paghihirap na nadama ko sa aking karamdaman ay nagmula sa kawalan ko ng pang-unawa sa aking kaugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at kung anong lakas ang maibibigay Nila sa akin kapag patuloy akong naglingkod, naghanap, at sumunod sa Kanila.

Nagbigay si Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ng makapangyarihang paalala tungkol sa ating kaugnayan sa Tagapagligtas nang sabihin niyang: “Alam Niya … ang ating mga paghihirap, dalamhati, tukso, at pagdurusa, sapagkat kusang-loob Niyang dinanas ang lahat ng ito bilang mahalagang bahagi ng Kanyang Pagbabayad-sala. At dahil dito, binigyang-kapangyarihan Siya ng Kanyang Pagbabayad-sala na tulungan tayo—na bigyan tayo ng lakas na tiisin ang lahat.”2

Sa kabutihang-palad, itinulak ako ng Panginoon na maging mas aktibo sa paghahangad na maunawaan Siya. At nang mas maunawaan ko Siya, nakita ko ang Kanyang tulong sa aking buhay nang mas sagana at nakita ko ang mga himala ng pagpapagaling, kahit mas tumagal iyon kaysa inaasahan. Tulad ng itinuro din ni Pangulong Johnson, “Ang mga tumutupad ng tipan ay pinagpapala ng kaginhawahan ng Tagapagligtas.”3

Ang pagpapaibayo ng aking pag-unawa sa Tagapagligtas at pagtupad sa aking mga tipan ay naging malaking pagpapala sa buhay ko. Binigyan Niya ako ng napakatinding espirituwal at temporal na kaginhawahan mula sa aking mga paghihirap. Maipapangako ko na kapag sinikap ninyong gawin din iyon, magiging malinaw ang pagmamahal ng Panginoon at ang inyong banal na layunin. Makakahanap kayo ng lakas na higit pa sa sarili ninyong lakas—tulad ko.