2023
4 na Ideya sa Pagbuo ng Kaugnayan sa mga Taong Iba ang Relihiyon
Disyembre 2023


Digital Lamang

4 na Ideya sa Pagbuo ng Kaugnayan sa mga Taong Iba ang Relihiyon

“Hindi lang isang grupo ng mga tao ang ginagamit ng Diyos para maisakatuparan ang kanyang dakila at kagila-gilalas na gawain.”1

dalawang lalaking nakangiti

Ano ang maaaring mangyari kapag nagsama-sama ang mga indibiduwal ng maraming relihiyon at paniniwala? Ang mga komunidad, pamilya, at maging ang mundo ay maaaring mapagpala! Halimbawa, sa pangkalahatang kumperensya ng Abril 2020, inanyayahan ni Pangulong Russell M. Nelson ang lahat—kapwa mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at ang mga hindi natin kasapi—na mag-ayuno at manalangin para guminhawa mula sa pandemyang COVID-19.2

Bilang tugon sa paanyaya ni Pangulong Nelson sa buong mundo na mag-ayuno, maraming tao mula sa iba’t ibang relihiyon sa buong mundo ang nagkaisa sa iisang layunin.

Sinimulang anyayahan ng iba’t ibang Facebook group ang libu-libong tao na magbahagi ng kanilang mga karanasan. Sabi ni Brandi, isang miyembro ng grupo: “Mula nang sumapi ako sa grupong ito, talagang nagbago na ang buhay ko. Naantig ako nang husto nang makita ko ang lahat ng kabutihan. … Sa pagiging bahagi ng pambihirang grupong ito, kasama ang mga tao mula sa iba’t ibang katayuan sa buhay na nagkakaisa sa pagmamahal at kapayapaan, para akong nasa ibang mundo. … Sa naranasan at nadama ko sa grupong iyon, pati na ang mahigit kalahating milyong iba pa, para talagang nasa langit ako. Lahat ng mga anak ng Diyos ay nagkaisa.”3

Patuloy na hinikayat ng mga pinuno ng Simbahan ang mga indibiduwal na makipagtulungan sa mga taong iba ang relihiyon para bumuo ng mga pagkakaibigan, palakasin ang mga komunidad, at magkaroon ng pagkakaisa.

Sabi ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Sa kabila ng lahat ng tuwirang ginagawa ng ating Simbahan, karamihan sa pagkakawanggawa sa mga anak ng Diyos sa buong mundo ay isinasagawa ng mga tao at organisasyon na walang pormal na kaugnayan sa ating Simbahan. Tulad ng ipinahayag ng isa sa ating mga Apostol: ‘Hindi lang isang grupo ng mga tao ang ginagamit ng Diyos para maisakatuparan ang kanyang dakila at kagila-gilalas na gawain. … Napakalawak, napakahirap nito para gawin ng isang grupo lamang.’”4

Ano ang magagawa natin para masunod ang payo ng propeta at makilahok sa pagtutulungan ng iba’t ibang relihiyon bilang mga indibiduwal, pamilya, at ward o branch? Narito ang apat na ideya para makapagsimula ka:

  1. Gumawa ng isang service activity, tulad ng blood drive. Sa California, USA, nakiisa ang mga miyembro ng Simbahan sa mga kapwa Kristiyano para sa isang interfaith blood drive. Pagkatapos–sinabi ng Area Seventy na si Elder Robert N. Packer, “Ginagawa ito dahil matindi ang pagmamahalan sa pagitan ng komunidad ng mga Katoliko at ng komunidad ng mga Banal sa mga Huling Araw.”5

  2. Magplano at makilahok sa isang interfaith day camp para sa mga bata o kabataan. Nakilahok ang ilang miyembro ng Simbahan sa Manila, Philippines, sa isang taunang interfaith camp ng Religions for Peace Asia & the Pacific Interfaith Youth Network. Ang camp ay naglalaan sa “mga lider ng mga tool na kailangan nila para magtulungang lutasin ang napakaraming problemang kinakaharap ng mga kabataan.”6

    Ang mga interfaith camp at aktibidad ay maaaring maglaan ng mga pagkakataong makiisa sa iba, kung saan madarama nating lahat ang kapayapaang dumarating sa paglilingkod na katulad ni Jesucristo.

  3. Makilahok sa mga lokal na food drive. Sabi ni Walker N., edad 7, mula sa Alberta, Canada: “Nagsasagawa ng interfaith food drive ang aming lungsod taun-taon. Namamahagi kami ng mga flier at pagkatapos ay kinukuha namin ang pagkaing iniwan sa mga pintuan. Nang ihatid namin ang pagkain sa depot, talagang tuwang-tuwa ako. Sabi ng nanay ko, ang damdaming iyon daw ay ang Espiritu Santo.”7

  4. Makilahok sa mga interfaith concert. Nakilahok sina Megan C., 18; Ethan M., 19; at Romy C., 17, mula sa Florida, USA, sa isang Interfaith Music Festival na may mithiing “tulungan ang mga tao mula sa iba’t ibang pinagmulan na maging magkakaibigan.”8

“Sa isang mundo na napakaraming pang-uusig sa relihiyon at pananampalataya, mainam na lahat tayo ay magsama-sama at magkausap-usap. … [Walang pakialam ang mga dumalo] sa relihiyon ng sinuman. Naroon lamang sila upang mag-alok ng tulong,” sabi ni Romy.9

Habang nasa G20 Interfaith Forum sa Italy, ipinaalala sa atin ni Elder Jack N. Gerard ng Pitumpu ang kahalagahan ng pakikipagtulungan sa mga taong magkakaiba ang paniniwala habang nagsisikap tayong tularan ang halimbawa ni Jesucristo: “Ang mga ugnayan ay humahantong sa tunay na pagkakaunawaan. … Kailangan nating iwaksi ang polarisasyong nakikita natin sa mundo ngayon. At kailangan nating manguna sa pagpapaalala sa sarili nating mga miyembro na ipakita sa pamamagitan ng halimbawa sa buong mundo na sa mga tradisyon sa ating relihiyon ang Tagapagligtas mismo ay isang dakilang manggagamot. Pinagsama-sama Niya tayo at hinikayat ang iba na huwag husgahan ang isa’t isa kundi magpigil, mag-ingat sa pakikitungo natin sa isa’t isa. Maaari tayong magsama-sama at madaig ang ilan sa [mga bagay na] tinutulutan sa makabagong teknolohiya, at matagpuan ang ating sarili sa mas mabuting lugar, na tunay na napagaling ang puso’t kaluluwa ng buong sangkatauhan, may tradisyon man o wala sa relihiyon nila.”10