2023
Naniniwala Ako sa mga Himala
Disyembre 2023


“Naniniwala Ako sa mga Himala,” Liahona, Dis. 2023.

Naniniwala Ako sa mga Himala

Naniniwala ako na kayang mamagitan at mamamagitan ang Diyos sa ating buhay para sa ating ikabubuti ngayon, tulad ng ginawa Niya sa Kanyang buong mortal na ministeryo. Naniniwala ako na ginagawa Niya ito araw-araw.

kamay mula sa estatwa ni Cristo

Larawan ng kamay mula sa estatwang Christus na kuha ni Shannon Leanne Law

Kung minsa’y malalaking pangyayari ang mga himala. Pero kadalasa’y hindi.

Habang nasa assignment para sa mga magasin ng Simbahan sa Taiwan, naglalakbay ako noon kasama ang isang interpreter at isang drayber. Kahit may mga oras ng trabaho pa rin akong gagawin, kinailangan akong iwanang mag-isa ng interpreter ko sa drayber, na hindi nagsasalita ng anumang Ingles. Walang paraan para matapos ko ang aking trabaho nang hindi kinakausap ang drayber. Habang pinag-uusapan nila ang mga opsiyon, natawa ang interpreter ko. Ipinaliwanag niya na nagsasalita ng Spanish ang drayber, na alam niyang natutuhan ko sa aking misyon. Naging masaya ang pagsasama namin ng drayber, at natapos ko ang trabaho ko nang walang problema.

Hindi ito malakihang pagpapagaling o paglilipat ng bundok. Pero ito ay pamamagitan ng langit na isa ang drayber ko sa iilang tao sa Taiwan na nagsasalita ng Spanish.

Kailangan Natin ng mga Himala

Naniniwala ako na kailangan natin ng mga himala araw-araw o hindi tayo uusad sa ating paglalakbay pabalik sa Diyos. Kung ang pamilya ni Nephi ay “may pananampalatayang maniwala na magagawa ng Diyos na ipaturo sa [Liahona] ang daan na drapat nilang tahakin, masdan, ito’y naganap; anupa’t taglay nila ang himalang ito, at marami pa ring himala ang naisagawa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, sa araw-araw” (Alma 37:40).

Nauuna ang ating pananampalataya bago ang himala, pero mapagtitibay ng himala ang ating pananampalataya, matutulungan itong umunlad, at isusulong tayo sa landas.1

Napapaligiran Tayo ng mga Himala—Kung Titingin Tayo

Naniniwala ako na ang mga himala ay dumarating sa lahat ng hugis at sukat, mula sa malalaking himala hanggang sa mga madaling ipaliwanag na nagkataon lamang. Naniniwala ako na bibiyayaan tayo ng Panginoon ng mga ito nang mas madalas kung ating hahanapin, papansinin, at kikilalanin ang mga ito nang may pasasalamat.2

Naniniwala ako na ang paghahanap ng mga himala ay iba kaysa paghahanap ng mga tanda. Ang paghahanap ng mga himala ay nagpapahiwatig ng pananampalataya, o pag-asa man lang; ang paghahanap ng mga tanda ay nagpapahiwatig ng pag-aalinlangan. Ang isang nananampalataya at isang nagdududa ay maaaring masaksihan ang iisang himala, pero isa lamang sa kanila ang makapapansin na himala nga iyon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 63:7). Ang pag-aalinlangan ay hindi maaaring makagawa ng mga himala, samantalang sinabi ng Tagapagligtas na ang mga himala at “mga [tanda ay] tataglayin ng mga nananampalataya” (Marcos 16:17; Mormon 9:24; Eter 4:18; Doktrina at mga Tipan 84:65; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 58:64; 63:9; 68:10; 124:98).

Pagkilala sa mga Himala

Dumarating ang mga himala sa maraming anyo. Sabi ng Tagapagligtas:

“Ang mga tandang ito ay tataglayin ng mga nananampalataya: sa paggamit ng aking pangalan ay magpapalayas sila ng mga demonyo, magsasalita sila ng mga bagong wika;

“Sila’y hahawak ng mga ahas, at kung makainom sila ng bagay na nakamamatay, hindi ito makakasama sa kanila, ipapatong nila ang kanilang mga kamay sa mga maysakit, at sila’y gagaling” (Marcos 16:17–18).

At pagkatapos ay isinasama Niya ang isang himala na madalas nating makaligtaan: “Sinuman ang maniniwala sa aking pangalan, nang walang pag-aalinlangan, patutunayan ko sa kanya ang lahat ng aking salita” (Mormon 9:25). Naniniwala ako na ang patotoo sa katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo ay isang himala—isang himala na maaaring makamtan ng bawat isa sa atin kung pipiliin nating maniwala at ipamuhay ang Kanyang mga salita (tingnan sa Juan 7:17; Doktrina at mga Tipan 84:44).

Nasaan ang Aking Himala?

Marami nang nakaranas ng mga pagsubok at trahedya, at nang hinangad nilang mamagitan ang langit, wala. Maaari nilang itanong, “Nasaan ang aking himala?”

May ilang himalang hindi natin nakikita kailanman. Ang iba naman ay lumalagpas nang hindi napapansin dahil iba ang ating inaasahan.3

Pero sa huli, natanggap man natin o hindi ang himalang hinangad natin, sumasa-bawat isa sa atin ang pinakadakilang himala sa lahat—ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, na nangangako na muli nating makakasama ang mga mahal sa buhay na nawala sa atin; na ang mga pasanin ay mapapagaan at mapapanatag tayo; at na hindi lamang alam na alam ng ating Tagapagligtas ang bawat pasakit, kalungkutan, at pagdurusa natin kundi alam din Niya kung paano tayo tutulungang malagpasan ang mga ito.4

Piliing Maniwala

“Tumigil na ba ang araw ng mga himala?… Hindi; sapagkat sa pamamagitan ng pananampalataya ang mga himala ay nagagawa; at sa pamamagitan ng pananampalataya ang mga anghel ay nagpapakita at naglilingkod sa mga anak ng tao; kaya nga, kung ang mga bagay na ito ay tumigil, sa aba sa mga anak ng tao, sapagkat ito ay dahil sa kanilang kawalang-paniniwala” (Moroni 7:35, 37).

Nawa’y piliin nating maniwala. At pagkatapos ay mamuhay nawa tayo nang may pasasalamat para sa mga himalang susunod.