2023
Kung Kaya Niyang Gawing Alak ang Tubig …
Enero 2023


“Kung Magagawa Niyang Alak ang Tubig … ,” Liahona, Ene. 2023.

Ang mga Himala ni Jesus

Juan 2:4–11

Kung Magagawa Niyang Alak ang Tubig …

Tatlong bagay na natutuhan ko mula sa madalas na nakakaligtaang himalang ito.

mga banga na may tubig at alak

Si Juan ang nag-iisang manunulat ng Ebanghelyo na nagkukuwento kung paano ginawang alak ng Tagapagligtas ang tubig (tingnan sa Juan 2:1–11). Sapat pa ang tindi ng kanyang nadama tungkol sa karanasan para sabihin sa atin na ito ang “una sa mga [himala]” ng Tagapagligtas (Juan 2:11).

Ayon sa kultura, ang mga bunga ng pagkaubos ng alak ay maaaring makasira sa katayuan sa lipunan ng mga taong sangkot doon. 1 At bagama’t hindi ako naniniwala na kailangang maging malaki ang isang himala para makapagpabago ng buhay, naisip ko kung bakit nadama ni Juan na napakahalaga ng himalang ito sa lahat ng napakaraming himala na kapwa malaki at nagpapabago ng buhay.

Bakit May mga Himala?

Bakit napakahalaga ng mga himala sa buong ministeryo ng Tagapagligtas? Tiyak na ito kahit paano ay dahil sa pagkahabag Niya sa mga nangangailangan (tingnan sa Marcos 1:41). Bukod pa rito, ang mga himala ay mahalagang katibayan ng Kanyang banal na kapangyarihan at awtoridad (tingnan sa Marcos 2:5, 10–11). Ang mga mahimalang pangyayari ay maaari ding magpalakas ng pananampalataya at magbigay-pansin sa Kanyang mensahe (tingnan sa Juan 2:11; 6:2).

Pagkatapos ay may nagturo sa akin na ang mga himala ng Tagapagligtas ay hindi lamang naghikayat sa mga tao na pakinggan ang mensahe; nakatulong ang mga ito na ituro ang mensahe.2 Nang tanungin ko ang sarili ko kung ano ang matututuhan ko tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang banal na misyon nang gawing alak ang tubig, unti-unti akong nakakita ng mga bagong bagay.

Narito ang tatlong aral na natutuhan ko mula sa himala sa Cana tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang kapangyarihang magligtas.

1. “Ang aking oras ay hindi pa dumating”

Nang humingi ng tulong si Maria kay Jesus, sumagot Siya, “Ang aking oras ay hindi pa dumating” (Juan 2:4). Kung walang dagdag na mga detalye, hindi malinaw sa tala ni Juan kung ano ang eksaktong inasahan ni Maria o kung ano ang ibig sabihin ni Jesus sa Kanyang sagot na hindi pa dumating ang Kanyang oras.

Bigla kong nakita ang kahalagahan ng pariralang ito. Posible na tinutukoy ni Jesus ang mangyayari sa malapit na hinaharap, tulad ng pagsisimula ng Kanyang ministeryo sa publiko. Kasabay nito, ang kataga ay inulit-ulit sa buong talaan ni Juan, na kadalasa’y nakaturo sa huling himala ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo (tingnan sa Juan 4:21–23; 5:25–29; 7:30; 8:20). Sa huli, muling inulit ang katagang ito sa pagtatapos ng Kanyang ministeryo sa lupa, na “alam na ni Jesus na dumating na ang oras ng kanyang pagpanaw sa sanlibutang ito patungo sa Ama” (Juan 13:1, idinagdag ang diin; tingnan din sa Juan 12:23, 27; 16:32). At bago umalis papuntang Getsemani, nanalangin Siya, “Ama, dumating na ang oras, luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang luwalhatiin ka ng Anak” (Juan 17:1, idinagdag ang diin).

Ang makitang inuulit ni Juan ang katagang ito sa kanyang buong talaan ay nakatulong sa akin na makita ang wakas mula sa simula. Una, ginawang alak ni Jesus ang tubig para mapawi ang pisikal na pagkauhaw. Pagkatapos, sa huli, ginamit Niya ang alak ng sakramento para kumatawan sa Kanyang nagbabayad-salang dugo, na naging dahilan para maging posible ang buhay na walang hanggan at naging sanhi para hindi na muling mauhaw kailanman ang mga naniniwala sa Kanya (tingnan sa Juan 4:13–16; 6:35–58; 3 Nephi 20:8).

2. “Gawin ninyo ang anumang sabihin niya sa inyo”

Matapos humingi ng tulong kay Jesus, sinabi ni Maria sa mga alipin, “Gawin ninyo ang anumang sabihin niya sa inyo” (Juan 2:5). May aral sa pahayag na ito at sa kamangha-manghang mga pagkakatulad ng salaysay na ito sa salaysay tungkol kay Jose sa Egipto.

“Nang ang buong lupain ng Ehipto ay nagutom, ang taong-bayan ay humingi ng pagkain sa Faraon. Kaya’t sinabi ng Faraon sa lahat ng mga Ehipcio, ‘Pumunta kayo kay Jose; ang kanyang sabihin sa inyo ay inyong gawin’” (Genesis 41:55, idinagdag ang diin).

Maaaring hindi nilayon ni Maria na gawin ang koneksyong ito, at marahil ay hindi rin ito nilayon ni Juan. Pero nang mapansin ko ang mga pagkakatulad, dalawang ideya ang pumasok sa isip ko.

Una, nakakita ako ng isa pang paraan na ibinadya ni Jose at ng iba pang mga tauhan sa Lumang Tipan si Jesucristo at ang Kanyang misyon. Pero, ang mas mahalaga, ipinaalala sa akin ng mga kuwento ng Ehipto at Cana na hindi lamang tayo maliligtas ni Jesucristo mula sa kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala—na kalaunan ay isinagisag Niya sa tinapay at alak—kundi maliligtas din Niya tayo mula sa mga hamon na ukol sa pisikal, pakikisalamuha, at iba pa. Nang maubusan ng tinapay ang mga tao, sinabi sa kanila ni Faraon na gawin ang anumang sabihin ni Jose. Ginawa nila ito at binigyan sila ng tinapay at naligtas sa pisikal na paghihirap. Nang maubusan ng alak ang mga tagapagsilbi, sinabi sa kanila ni Maria na gawin ang anumang sasabihin ni Jesus. Ginawa nila ito at binigyan sila ng alak, at naligtas sila sa kabiguang gampanan ang kanilang mga obligasyon.

si Jesus na may kasamang lalaki at bata

Kung handa tayong gawin ang anumang sabihin ni Jesus, makakagawa Siya ng mga himala sa ating buhay.

Balm of Gilead [Pamahid na Gamot sa Gilead], ni Annie Henrie Nader, hindi maaaring kopyahin

Kung handa tayong gawin ang anumang sabihin ni Jesus, magagawa rin Niya ito para sa atin at gagawa Siya ng mga himala sa ating buhay (tingnan sa Mga Hebreo 10:35–36). Ang maligtas ang pinakadakila sa lahat ng Kanyang mga himala, at kailangan dito ang ating pagsunod (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 14:7; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3).

3. “[At] kanilang pinuno ang mga ito hanggang sa labi”

Inutusan ng Tagapagligtas ang mga tagapagsilbi na punuin ng tubig ang anim na banga. “[At] kanilang pinuno ang mga ito hanggang sa labi” (Juan 2:6–7).

Bagama’t nagmungkahi ng iba’t ibang dami ng tubig ang mga eksperto, malamang na ligtas na sabihin na bawat banga ay mga ilang galon ang laman. Mas mahirap mang gawing alak ang isang galon o ang 100 galong tubig, hindi ko alam. Ang nakapagpabago sa buhay ko ay ang ideya na si Jesus ay may kapangyarihang baguhin ang isang bagay at gawin itong ibang-iba. Hindi lang Siya gumawa ng tubig na lasang alak; kumuha Siya ng tubig, sa simpleng molecular structure nito, at ginawa itong alak, isang kumplikadong halo ng daan-daang chemical compound.

Kung magagawa Niya iyon, magagawa Niyang mga pagpapala ang mga hamon sa buhay ko—hindi lamang magbibigay ng tanda ng pag-asa pagkaraan ng unos kundi talagang babaguhin ang pagsubok at gagawin iyong isang bagay na nagpapala sa akin (tingnan sa Roma 8:28; 2 Nephi 2:2).

At kung magagawa Niya iyon sa isang hamon, magagawa Niya iyon sa lahat ng hamon. Kaya kapag tila punung-puno na ng mga pagsubok ang buhay, tandaan na kaya Niyang gawing alak ang tubig. Kaya Niyang palitan ng kagandahan ang abo (tingnan sa Isaias 61:3). Kaya Niyang gawing mabuti ang masama (tingnan sa Genesis 50:20). Kaya Niyang gawing paglago ang aking mga pagkakamali at kunin ang aking mga kasalanan at gawing pag-unlad ang mga ito sa halip na kaparusahan.3

At, para sa akin, ang pagkatantong iyan ang pinakamakabuluhan sa lahat. Naituro sa akin ng himalang ito na minsa’y nakaligtaan ko na sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan, kung may pananampalataya tayong gawin ang Kanyang ipinagagawa, mababago Niya tayo mula sa kung ano tayo dati tungo sa maaari nating kahinatnan—katulad Niya.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Peter J. Sorensen, “The Lost Commandment: The Sacred Rites of Hospitality,” BYU Studies, tomo 44, blg. 1 (2005), 4–32.

  2. Tingnan sa Bible Dictionary, “Miracles.”

  3. Tingnan sa Bruce C. Hafen, “Ang Pagbabayad-sala: Lahat para sa Lahat,” Liahona, Mayo 2004, 97–99.