“Ang Bisa ng Halimbawa,” Liahona, Ene. 2023.
Mga Larawan ng Pananampalataya
Ang Bisa ng Halimbawa
Alam ko na ang tanging paraan para madala ko ang asawa ko sa Simbahan ay sa pamamagitan ng aking halimbawa. Nang baguhin ko ang aking pag-uugali, unti-unti niyang nadama ang Espiritu ng Diyos.
Isang araw papasok sa trabaho, nakita ko ang dalawang binatang nangangaral ng salita ng Diyos sa kalsada. Sinalubong nila ako at tinanong kung gusto kong malaman ang iba pa tungkol sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa panahong iyon, hindi ko alam kung saan patungo ang pamilya ko. Wala kaming espirituwal na patnubay para makita ang aming daan.
Umiinom ako ng alak noong umagang iyon, kaya hindi ko masyadong maalala ang sinabi sa akin ng mga missionary. Pero binigyan nila ako ng Aklat ni Mormon at ng polyeto tungkol kay Propetang Joseph Smith, pati na ng numero ng cell phone nila. Kalaunan noong araw na iyon, nagsimula akong magbasa. May nakaantig sa aking kaluluwa nang basahin ko ang Aklat ni Mormon, at namangha ako kung paano nagkaroon ng gayon kadakilang pangitain ang isang 14-na-taong-gulang na binatilyo.
Naghahanap ako noon ng katotohanan, kaya nagsimula akong makipagkita sa mga missionary. Matapos makinig sa halos lahat ng lesson, nalaman ko na kailangan kong magpabinyag. Pero habang papalapit ang araw ng aking binyag, nagkaroon kami ng isang lesson na nahirapan akong pakinggan. Ang lesson na iyon ay tungkol sa Word of Wisdom.
Mahirap para sa akin ang lesson na iyon dahil malakas akong uminom. Mahirap ang sitwasyon ko sa trabaho. Lahat ng kasama ko sa trabaho ay manginginom, kaya gayon din ako. Madalas akong lumabas para uminom ng alak pagkatapos ng trabaho at gabing-gabi na akong umuuwi.
Pero maganda ang ginawa ng mga missionary. Mahal ko pa rin sila dahil doon. Itinuro nila sa akin na nais ng Diyos na maging malakas tayo at ibinigay Niya sa atin ang Word of Wisdom para pagpalain tayo. Mahirap talaga para sa akin na sundin ang batas na ito, pero unti-unti, sinimulan kong sundin ito. Naaalala ko na tinatawagan ko ang mga missionary araw-araw, inuulat ko sa kanila ang aking progreso, at sinasabi sa kanila na hindi ako uminom ng alak sa araw na iyon. Masayang-masaya sila sa progreso ko.
Sa tulong nila, nabinyagan ako at pumasok sa kawan ni Jesucristo. Nadama ko ang Espiritu noong magandang araw na iyon! Pero nag-iisa ako nang sumapi ako sa Simbahan. Ginusto kong makasama ko ang pamilya ko.
Nang kausapin ko ang asawa kong si Clirime tungkol sa Simbahan, ayaw niyang makinig noong una. Iba ang relihiyon ng kanyang lolo, at nagtaka siya kung bakit dumating pa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Albania. Alam ko na ang tanging paraan para madala ko siya sa ebanghelyo ay sa pamamagitan ng aking halimbawa. Sa pamamagitan ng ating mga kilos, makikita ng mga tao kung sino talaga tayo.
Napansin nI Clirime ang mga pagbabago sa akin nang isuko ko ang alak at nagsimula akong umuwi nang maaga mula sa trabaho. Dahil sa mga pagbabagong ginagawa ko, unti-unti niyang nadama ang Espiritu ng Diyos nang sabihin ko sa kanya ang tungkol sa Simbahan. Hindi ko maipaliwanag ang masayang pakiramdam ko nang sabihin niya sa akin na balang-araw ay mabibinyagan din siya. Hindi nagtagal ay nagsimula na siyang magpaturo sa mga missionary, at tinulungan kong magturo ang mga missionary. Napakasaya ko nang magtakda siya ng petsa para sa kanyang binyag, anim na buwan matapos akong mabinyagan.
Sa kanyang binyag, at sa binyag ng dalawa naming anak nang magwalong-taong-gulang sila, nadama ko na maaari kaming maging walang-hanggang pamilya. Pero ang binyag ay simula pa lamang. Para makapaghanda sa pagpunta sa templo, alam namin na kailangan naming sundin ang Diyos hanggang sa katapusan ng aming buhay, tuparin ang mga kautusan, magsimba, tumanggap ng sakramento, maglingkod sa mga calling, magbasa ng mga banal na kasulatan, at pag-aralan ang iba pa tungkol sa mga tipan at plano ng kaligtasan.
Ang araw na nabuklod kami bilang pamilya sa Frankfurt Germany Temple ay isa pang magandang araw. Sa templo, mas naunawaan ko ang plano ng kaligayahan ng ating Diyos para sa atin, at nadama ko ang Kanyang pagmamahal.
Naaalala ko pa ang mga pangakong ginawa namin ni Clirime sa templo. Tuwing may nangyayaring mali o nahihirapan kami, naaalala ko ang mga pangakong iyon.
Bilang isang pamilya sinisikap naming magkasundu-sundo sa buhay dahil iyon ang nadama namin sa templo. Tuwing iniisip ko ang templo, nadarama ko na masaya ako at mapalad. Alam ko na ang Diyos ay tunay at mahal Niya tayo at nais Niya tayong maging masaya.