2023
Pang-aabuso, Pagpapaampon—at Pagpapahilom
Enero 2023


“Pang-aabuso, Pagpapaampon—at Pagpapahilom,” Liahona, Ene. 2023.

Mga Young Adult

Pang-aabuso, Pagpapaampon—at Pagpapahilom

Ang pamilya ko ay mapang-abuso at hindi matatag, pero sa pamamagitan ni Cristo, may pag-asa na ako ngayon para sa magiging pamilya ko sa hinaharap.

dalagang nakaupo sa kama at nagdarasal

Larawang ginamitan ng modelo

Lumaki ako sa isang hindi matatag na kapaligiran. Inabuso at pinabayaan ako ng tunay kong mga magulang, at dumanas ako ng maraming mahihirap na hamon. Nakibaka ako sa pagkabalisa, mga isyu sa hugis ng katawan, anorexia, at depresyon dahil sa sitwasyon na nakahadlang sa buhay ko sa loob ng maraming taon.

Ang tunay kong mga magulang ay nabuklod sa templo, pero hindi nagtagal matapos akong mabinyagan sa edad na walo, nagsimula silang lumayo sa Simbahan. At habang napapalayo sila sa kanilang mga tipan, lumala ang aming sitwasyon.

Sa edad na 14, ako ang nag-alaga sa kapatid kong lalaking autistic at sa nanay ko. Naguluhan ako at hindi mapigilan. Nagalit ako nang husto sa sarili ko at sa sitwasyon ko at naniwala ako na hindi na magbabago ang buhay ko.

Pero may himalang nangyari. Natanto ng tunay kong ina na hindi niya ako kayang alagaan at tinawagan ang kapatid niyang lalaki sa Singapore para itanong kung gusto niya akong ampunin. Bitbit ang mga bagahe at lumuluha, sumakay ako ng eroplano para magsimula ng bagong buhay—isang buhay na walang pang-aabuso. Pero nahirapan akong makibagay sa pamilyang nag-ampon sa akin at sa bagong kultura, at nahirapan akong sumulong.

Ginawa ng mga magulang na nag-ampon sa akin ang lahat ng makakaya nila para tulungan ako. Nagpatingin ako sa mga therapist at doktor. Nagsimula rin akong magsimbang muli, pero ang pag-aaral tungkol sa isang Ama sa Langit na nagmamahal sa akin at may layunin para sa akin ay mahirap, dahil hindi ako naniwala roon pagkatapos ng lahat ng napagdaanan ko.

Hindi ako masaya. Hindi ko alam kung paano ako maghilom mula sa nakaraan at wala pa rin akong nadamang pag-asa sa hinaharap.

Hangaring Maghilom

Isang araw, pinagnilayan ko kung gaano kaikli ang mortalidad. Ayaw kong gugulin ang buhay ko sa kalungkutan. Kinailangan kong matuto mula sa aking mga pagsubok, ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyong naituro sa akin, at anyayahan si Cristo sa buhay ko.

Nanampalataya ako at nagsimulang lumuhod at humiling sa Ama sa Langit araw-araw na bigyan ako ng kapangyarihang patawarin ang tunay kong mga magulang, palitan ng pananampalataya ang takot ko, makasumpong ng paghilom at kaligayahan, at makadama ng pagmamahal sa buhay ko. Dumalo ako sa institute at sinimulan kong pag-aralan ang mga banal na kasulatan at iangkop ang mga katotohanan ng ebanghelyo sa buhay ko.

Talagang hinangad ko ang nagpapagaling na kapangyarihan ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala. At sa paglipas ng panahon, nagsimulang magbago ang buhay ko. Dahil nagtiyaga ako, tumanggap ng therapeutic at medicinal treatment, at pinuspos ko ng Espiritu ang buhay ko araw-araw, nagsimula akong maghilom: hindi na ako gaanong mailap at bumalik ang dating ako. Nadama kong ligtas ako. Pinaglingkuran ko ang iba. Minahal, pinatawad, at tinanggap ko ang sarili ko. Bumuo ako ng maganda at mapagmahal na mga relasyon. Unti-unti kong nadama ang pagmamahal ng Ama sa Langit para sa akin. At sa unang pagkakataon sa buhay ko, nakadama ako ng tunay na kagalakan.

Si Cristo ay Nag-aalok ng Pag-asa para sa Ating Hinaharap

Hindi ko mababago ang aking nakaraan, pero sabi nga sa Doktrina at mga Tipan 122:7, “Lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa [akin] ng karanasan, at para sa [aking] ikabubuti.” Alam ko na ngayon na sinuportahan ako ng Tagapagligtas sa aking mga pakikibaka. Sa kabila ng mga ito, labis akong lumago dahil sa hangarin kong magbago at dahil patuloy akong bumabaling sa Kanya.

Kung mahirap ang sitwasyon mo sa pamilya, dapat mong malaman na mayroon kang Ama sa Langit na nakakakilala at nagmamahal sa iyo at magbubukas ng mga pintuan tungo sa magandang hinaharap. Bago ako inampon, sinabi ko sa sarili ko na hinding-hindi magbabago ang sitwasyon ko, at na hinding-hindi ako mag-aasawa o magkakaanak dahil natakot ako na baka magdusa silang tulad ko. Pero natutuhan ko na anumang mga pakikibaka ang nararanasan natin sa ating pamilya, kapag hinanap natin si Cristo, mabubuo natin ang ating tahanan at walang-hanggang pamilya sa hinaharap nang may pag-asa, mga katotohanan ng ebanghelyo, at pagmamahal.

Tulad ng itinuro ni Elder Clark G. Gilbert ng Pitumpu: “Lahat tayo ay … nagsisimula sa iba’t ibang lugar na may iba’t ibang katayuan sa buhay. May mga taong isinilang na nakaaangat o mataas ang simula, puno ng oportunidad. Ang iba ay nakararanas … [ng] mahirap na katayuan sa buhay. … Pagkatapos, umuusad tayo sa isang slope ng personal na pag-unlad. Ang ating kinabukasan ay malayong mapagpasiyahan ng ating starting point [o pagsisimula], at mas higit [na mapagpapasiyahan] ng ating slope [o usad ng pag-unlad]. Nakikita ni Jesucristo ang banal na potensyal saan man tayo magsimula. … Gagawin Niya ang lahat para tulungan tayong ibaling patungo sa langit ang mga usad ng pag-unlad natin.”1

Anuman ang inyong sitwasyon, may pag-asa at paghilom na masusumpungan kay Jesucristo! Kasama ninyo Siya, at gagabayan Niya kayo tungo sa kapayapaan at kagalakan kapag hinanap ninyo Siya—sa tuwina.