“Ang mga Pamilya ay Walang Hanggan,” Liahona, Ene. 2023.
Mga Pangunahing Aral ng Ebanghelyo
Ang mga Pamilya ay Walang Hanggan
Ang pamilya ang pangunahing unit ng lipunan at ng Simbahan. Naniniwala ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na ang mga pamilya ay maaaring maging walang hanggan. Nagsisikap kaming patatagin ang aming pamilya sa lupa. Sumasampalataya rin kami na matatanggap namin ang pagpapala ng isang walang-hanggang pamilya.
Ang Pamilya ng Diyos
Lahat ng tao ay mga espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit. Lahat tayo ay bahagi ng pamilya ng Diyos. Lahat tayo ay may likas na kabanalan at tadhana. Kung mamumuhay tayo nang matwid, makakabalik tayo sa piling ng ating Ama sa Langit bilang bahagi ng Kanyang pamilya magpakailanman.
Mga Walang-Hanggang Pamilya
Kapag ang isang lalaki at isang babae ay ikinasal sa templo at tinutupad ang kanilang mga tipan, tatagal ang kanilang kasal o pagsasama hanggang sa kawalang-hanggan. Ang ordenansang ito sa templo ay tinatawag na pagbubuklod. Ang mga anak na isinilang matapos mabuklod ang kanilang mga magulang ay isinilang sa tipang iyon. Ang mga anak na isinilang bago mabuklod sa templo ang kanilang mga magulang ay maaaring mabuklod sa kanila sa templo upang sila ay maging isang pamilya magpakailanman. Ang mga miyembro ng Simbahan ay gumagawa ng family history at gawain sa templo upang mabuklod nila ang kanilang pamilya nang magkakasama sa lahat ng henerasyon. Ang pagpapala ng walang-hanggang pamilya ay naging posible dahil kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala.
Kasal
Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay inorden ng Diyos. Itinuturo ng ebanghelyo ni Jesucristo sa mga mag-asawa na maging tapat sa isa’t isa at tapat sa kanilang mga tipan sa kasal. Dapat silang maging tapat sa isip, salita, at gawa. Ang pag-aasawa ay pantay na pagtutuwang, at dapat hikayatin, panatagin, at tulungan ng mag-asawa ang isa’t isa.
Mga Magulang at mga Anak
Inutusan ng Diyos sina Adan at Eva na magkaroon ng mga anak. Itinuro ng mga pinuno ng Simbahan na ang utos na ito ay umiiral pa rin. Ang mga ina at ama ay nagtutulungan para mapalaki ang kanilang mga anak sa pagmamahal at kabutihan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 68:25–28). Tinuturuan ang mga bata na igalang at sundin ang kanilang mga magulang (tingnan sa Exodo 20:12).
Pagtuturo at Pagkatuto
Tinuturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak na mahalin ang Diyos at sundin ang Kanyang mga utos. Ang buhay-pamilya ay nagbibigay sa atin ng mga pagkakataong makadama ng kagalakan at matutong magpasensya at hindi maging makasarili. Ang mga katangiang ito ay makakatulong sa atin na maging higit na katulad ng Diyos at maghahanda sa atin na mabuhay nang maligaya bilang mga pamilya magpakailanman.
Pagpapalakas ng mga Pamilya
Kailangan ang pagsisikap, dedikasyon, at pasensya para makabuo ng isang matagumpay na pamilya. Ang mga alituntunin ng ebanghelyo tulad ng pananampalataya, panalangin, pagpapatawad, pagmamahal, trabaho, at kapaki-pakinabang na kasiyahan ay makakatulong sa atin na magkaroon ng kagalakan sa buhay-pamilya. Maaari din tayong tumanggap ng personal na paghahayag para malaman kung paano patatatagin ang ating pamilya.
Mga Pagpapala para sa Lahat
Hindi lahat ay may pagkakataong maging bahagi ng isang ulirang pamilya dito sa lupa. Pero nangako ang Diyos na tatanggapin ng lahat ng sumusunod sa Kanyang mga utos ang lahat ng pagpapala ng walang-hanggang pamilya. Maaari tayong magtiwala sa Kanya at sumampalataya sa Kanyang takdang panahon.