2023
Suportahan ang Iyong Anak
Enero 2023


“Suportahan ang Iyong Anak,” Liahona, Ene. 2023.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Suportahan ang Iyong Anak

Matapos mangusap ang Espiritu sa aking ama noong iorden ako sa priesthood, binago niya ang kanyang buhay.

binatilyong inoorden

Four Generations [Apat na Henerasyon], ni Kwani Povi Winder

Naging aktibo ako sa Simbahan nang isama ako ni Tito Bill pati na ang mga kapatid kong babae sa Primary. Ang guro ko sa Primary na si Jean Richardson ay parang isang butihing ina. Gusto ko siya at ang mga bago kong kaibigan sa simbahan, na mas mabait sa akin kaysa sa mga bata sa aming lugar. Kaya, nagpasiya akong manatili.

Nang malapit na ang ika-12 kaarawan ko, inanyayahan ako ni Bishop Dal Guymon na tanggapin ang Aaronic Priesthood at maorden bilang deacon. Hindi ko tiyak kung ano ang ibig sabihin niyon, pero pumayag ako. Pagkatapos ay sinabi niya, “Bakit hindi mo hilingin sa tatay mo na dalhin ka rito sa susunod na Linggo, at ioorden ka namin.”

Tumigil na si Itay at ang kanyang pamilya sa pagsisimba noong mga 13 taong gulang siya. Bilang isang adult, ginugol niya ang karamihan sa mga katapusan ng linggo sa mga lokal na bar o sa fly-fishing. Naglingkod siya sa US Navy noong World War II at sa Korean War. Nananabako siya, umiinom ng alak, at nagmumura noon, pero kilala siya sa aming munting bayan ng Montana na matapat at patas makitungo.

Nang isama ako ni Itay sa simbahan nang sumunod na Linggo, malaking bagay iyon. Nang dumating ang oras, tinawag ako ni Bishop Guymon at pinaupo ako sa isang silya. Ipinatong ng ilang kalalakihan—pero hindi ng tatay ko—ang kanilang mga kamay sa ulo ko at isinagawa ang ordenansa.

Nadama ko ang bigat ng ilang malalaking kamay sa ulo ko. Nakadama si Itay, na nakaupo sa isang bangko na ilang talampakan ang layo, ng kakaibang klase ng bigat—sa kanyang dibdib. Isang tinig ang nagsalita sa kanyang kalooban, na nagsasabing, “Kailangang naroon ka para sa anak mo sa susunod na mangyari ito.”

Sa mga linggong sumunod, nagbagong-buhay si Itay at nagsimulang magsimba tuwing Linggo. Hindi nagtagal, ang Simbahan ang naging sentro ng aming buhay-pamilya.

Si Itay ang aking naging deacons, teachers, at priests quorum adviser; ang aking naging guro sa Sunday School; at ang aking basketball, softball, at volleyball coach. Habang magkompanyon kami sa home teaching, tinulungan ni Itay ang iba pang kalalakihan at mga pamilya na bumalik sa pagiging aktibo sa Simbahan.

Sa tulong ng tatay ko, naranasan ko ang sarili kong personal na pagbabago. Mula noon, sinikap ko nang maging sensitibo sa kalalakihan na maaaring tumugon sa paanyaya, tulad ng tatay ko, na maging pinakamabuting ama na maaari nilang kahinatnan.

Pasasalamatan ko magpakailanman ang aking Tito Bill, isang mabait na guro sa Primary, isang matalinong bishop, at ang ginawa ng tatay ko para sa akin 60 taon na ang nakararaan.