2023
Bakit Hindi Ako Makapagpatawad?
Enero 2023


“Bakit Hindi Ako Makapagpatawad?,” Liahona, Ene. 2023.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Bakit Hindi Ako Makapagpatawad?

Ipinagdasal ko na tulungan ako ng Ama sa Langit na mawala ang galit ko at magpatawad.

lalaking nag-aayos ng halamanan sa bakuran ng templo

Larawang-guhit ni Allen Garns

Sumama ako sa ilang kapatid sa aming ward para tulungang makalipat ng bahay ang isang sister. Pero pagdating namin sa kanyang apartment, isang van na hindi maayos ang pagkaparada ang nakasagabal sa daan kaya hindi namin maipasok ang van namin sa kanyang lugar.

Tinawagan ko ang numero ng cell phone na nakasulat sa tagiliran ng van para hilingin na may magpunta at maglipat ng van. Sumagot ang isang lalaki at nangakong magpupunta kaagad.

Pagkaraan ng 15 minuto, tumawag akong muli, pero hindi siya sumagot. Sa huli, pagkatapos ng isa pang tawag, lumitaw siya na may kasamang dalawang bata. Galit siya at may sinabing ikinainis ko. Sinikap kong kalimutan iyon habang naghahakot kami.

Nang gabing iyon pinag-isipan ko ang karanasang iyon. Ipinagdasal ko na tulungan ako ng Ama sa Langit na limutin ang nadarama ko at patawarin ang lalaki. Sinagot Niya ang aking panalangin.

Gayunman, pagkaraan ng ilang sandali, binasa ko ang lokal na pahayagan at napansin ko ang isang artikulo tungkol sa lalaking ito. Kasama roon ang kanyang retrato. Bumalik ang galit ko sa kanya. Kaya, inulit ko ang prosesong iyon. Hiniling ko sa Panginoon na hindi na ako bagabagin ng walang-kabuluhang bagay na ito at na tulungan Niya akong mapatawad ang lalaki. Gumanda ang pakiramdam ko.

Hindi nagtagal ay nakita ko ang lalaki ring ito sa isang tindahan. Bumalik na naman ang galit ko. Namangha ako. Tinanong ko ang Panginoon kung bakit hindi ko malimutan ang karanasang ito. Makalipas ang ilang araw, tinuruan Niya ako ng isang aral.

Papaalis ako ng bakuran ng Helsinki Finland Temple nang mapansin ko ang lalaki ring ito na nagtatrabaho sa mga halamanan sa templo. Hindi ko mapaniwalaan ang nakita ko. Nabuksan ang aking isipan at naunawaan ko na siya, katulad ko, ay naglilingkod sa Panginoon at na siya, katulad ko, ay may mga nakayayamot na araw kapag hindi maayos ang lahat. Noon ko itinuring ang lalaking ito bilang kapatid. May bagong pananaw, nakadama ako ng paggalang at pagmamahal sa kanya. Pagkatapos niyon, nawalang lahat ang dating damdamin, at hindi na bumalik.

Kapag tinitingnan natin ang iba ayon sa pagtingin sa atin ng Panginoon, masusunod natin ang Kanyang utos na lubos na magpatawad (tingnan sa Mateo 6:14–15; Doktrina at mga Tipan 64:9–10). Ang karanasang ito ay isang hindi malilimutan at magiliw na awa ng Panginoon, na pinagninilayan ko pa rin sa puso ko.