Digital Lamang: Mga Young Adult
Inabuso Ako—Paano Ko Magagawang Magpatawad?
Nagkimkim ako ng napakalaking galit at sama-ng-loob nang maraming taon, pero tinulungan ako ng ebanghelyo ni Jesucristo na makasumpong ng pag-asa.
Noong napakaliit ko pang bata, dumanas ako ng iba’t ibang uri ng pang-aabuso at pagmamalupit sa kamay ng isang kapamilya at ng isa pang taong hindi ko kapamilya. Dahil sa pang-aabusong iyon, lumaki akong may takot, poot, at matinding sama-ng-loob sa puso ko. Paminsan-minsa’y naniwala ako na kasalanan ko ang nangyari sa akin, at nakonsiyensya ako. Pakiramdam ko ay parang ako na ang pinakamaruming nilalang sa mundo. At dala-dala ko ang mga damdaming iyon habang lumalaki ako.
Gayunman, nagbago ang lahat noong 20 anyos ako at kumatok ang mga missionary sa pinto ko para ibahagi sa akin ang isang espesyal na mensahe—isang mensaheng puno ng pananampalataya, pagmamahal, at pag-asa. Itinuro nila sa akin ang ebanghelyo ni Jesucristo.
Habang nakikinig ako sa kanila, nadama ko ang kapayapaan at katahimikan sa puso ko na halos buong buhay kong hindi nadama. Tapat kong nadama na talagang mahal ako ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at na hindi nabawasan ang halaga ko sa kabila ng lahat ng pinagdaanan ko. Ito kaya ang paraan para sa wakas ay hindi na ako makonsiyensya at mahiya na dala-dala ko sa buong buhay ko?
Pagkaalam sa Nagpapagaling na Kapangyarihan ng Tagapagligtas
Patuloy akong binisita at tinuruan ng mga missionary, at pagkaraan lamang ng dalawang buwan ay nabinyagan ako. Noon lang ako nakaramdam ng sobrang saya sa buhay ko. Habang lalo akong natututo, ipinakita sa akin ng mga alituntunin at turo ng ebanghelyo kung paano ako (posible talaga!) makasusumpong ng lakas na sumulong nang may kapayapaan, magpatawad, at wakasan ang kaguluhang matagal ko nang itinatago sa puso ko.1
Napanatag ako lalo na sa mga salita ni Elder Patrick Kearon ng Pitumpu sa pangkalahatang kumperensya nang magsalita siya tungkol sa pang-aabuso. Itinuro niya:
“Hindi ang masasamang bagay na ginawa sa inyo ang magtatakda ng kahalagahan ninyo. Kayo, sa maluwalhating katotohanan, ay kinikilala sa inyong walang hanggang identidad bilang anak ng Diyos …
“Nakaunat ang mga bisig, nais ng Tagapagligtas na pagalingin kayo. Nang may katatagan, tiyaga, at tapat na pagtutuon ng pansin sa Kanya, hindi magtatagal ay lubos ninyong matatanggap ang paggaling na ito. Maaari na ninyong pakawalan ang pasakit na nadarama ninyo at ipaubaya ito sa Kanya.”2
Alam ko na ngayon na hindi ko kasalanan ang nangyari sa akin—ako ay biktima ng kakila-kilabot na ginawa ng iba.
Lubos akong nagpapasalamat sa nagpapagaling na kapangyarihan ni Jesucristo. Ang pag-aaral tungkol sa Kanya at pagsisikap na sundin Siya ay nakatulong sa akin na sumulong nang may kaalaman na nagdusa Siya para sa akin at nauunawaan ang lahat ng pinagdaanan ko. Ang malaman na pinasan Niya ang aking mga pasanin nang sa gayon ay hindi ko kailanman kailangang pasanin ang mga ito ay isang nakamamanghang bagong kaalaman para sa akin at pinalalim nito ang aking pananampalataya sa Kanya.
Pagpalit ng Kapayapaan sa Poot
Ngunit ang sarili kong nadarama tungkol sa pang-aabuso sa akin ay hindi lamang ang dapat mapagaling. Nalaman ko na si Jesucristo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala, ay hindi lamang lilinisin ang ating mga kasalanan kundi papanatagin din tayo at tutulungan tayong sumulong, umunlad, at patawarin ang mga taong labis na nakasakit sa atin.
Mahirap magpatawad, at kung minsan ay tila imposible ito. Sa napakatagal na panahon, gayon ang naramdaman ko. Ngunit nang magtuon ako sa pagpapagaling mula sa mga epekto ng pang-aabuso, natanto ko na maaari akong magsikap na magpatawad sa paglipas ng panahon dahil kailangan ito para sa lubusang paggaling.
Nagturo si Pangulong Russell M. Nelson sa atin kamakailan tungkol sa pagpapatawad. Sabi niya: “Kung sa ngayon ay parang imposible ang pagpapatawad, humingi ng kapangyarihan na tulungan kayo sa pamamagitan ng nagbabayad-salang dugo ni Jesucristo. Sa paggawa nito, nangangako ako ng personal na kapayapaan at ng biglang paglakas ng espirituwal na momentum.”3
Upang mapalaya ang aking kaluluwa sa pagkapoot at galit, umasa ako sa Tagapagligtas na tutulungan akong tunay na magpatawad at aalisin ang galit sa aking puso. Mahabang proseso iyon, ngunit nang manampalataya ako, nadama kong pinalitan ng nakapapanatag na pagmamahal at kapayapaan ng Tagapagligtas ang mga negatibong emosyong iyon na matagal kong kinimkim. Sa wakas ay natanto ko na bagama’t hindi mabubura o mababago ang nakaraan, maaari itong tanggapin at daigin, at nakatulong iyon sa akin na makadama ng labis na pag-asa para sa hinaharap.
Kasama Natin si Cristo
Sa kabila ng pinaniwalaan ko noong bata pa ako, kasama natin ang Panginoon sa lahat ng bagay. Mahal Niya tayo nang walang hanggan. Wala talaga akong pag-asa sa kalagayan ko sa buhay, pero ipinakita Niya sa akin kung paano Niya tayo matutulungang gawing magandang pananampalataya at lakas ang ating pinakamatinding pagdurusa.
Mahal ko ang ebanghelyong ito at wala akong alinlangan sa landas na tinahak ko bilang disipulo ni Jesucristo. Alam ko sa puso ko na mahal ako ni Jesucristo at ng aking Ama sa Langit—at ang bawat isa sa atin. Handa silang tulungan tayong gawin ang tila imposible, lalo na kung ang imposible ay kinapapalooban ng pagpapatawad sa tila hindi mapapatawad kailanman. Maging matatag, magtiyaga, manampalataya, at pagpapalain kayo nang lubos.
Alam kong napagpala ako.