2023
Paglilingkod nang May Higit na Kaalaman
Enero 2023


“Paglilingkod nang May Higit na Kaalaman,” Liahona, Ene. 2023.

Mga Alituntunin ng Ministering

Paglilingkod nang May Higit na Kaalaman

Hindi mo kailangang malaman ang lahat ng sagot, pero makakatulong sa atin ang mas makilala Siya para makapaglingkod na tulad ng ginawa ng Tagapagligtas.

ang batang Jesus sa templo

Detalye mula sa Christ in the Temple [Si Cristo sa Templo], ni Heinrich Hofmann

Ipinakita sa Atin ni Jesus ang Isang Huwaran ng Pagkatuto

Habang lumalaki si Jesus, Siya ay “lumakas, na puno ng karunungan: at sumasakanya ang biyaya ng Diyos” (Lucas 2:40). Ang ibig sabihin dito ng katagang lumakas ay unti-unting lumalago, tulad ng buwan na unti-unting nabubuo sa paglipas ng buwan. Idinagdag ni Lucas na “lumago si Jesus sa karunungan, sa pangangatawan, at naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao” (Lucas 2:52). Hindi biglaan ang pagkakaroon ni Jesus ng ganap na kaalaman—nakamtan Niya iyon sa paglipas ng panahon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 93:12–14).

Noong si Jesus ay 12 taong gulang, natagpuan Siya ng Kanyang mga magulang sa templo—ang pinakamahalagang sambahan sa Jerusalem—“nakaupo sa gitna ng mga guro, at sila ay nakikinig sa kanya, at nagtatanong sa kanya” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Lucas 2:46 [sa Lucas 2:46]). Dahil ang pagkatuto ay naging mahalagang bahagi na ng Kanyang paglago, nang dumating ang pagkakataon para turuan ang mga nasa templo, handa na Siya. Ang pagtuturo Niya roon ay nagkaroon ng kamangha-manghang epekto sa kanila at sa Kanyang mga magulang.

Paggamit ng Kaalaman sa Ministering

Narito ang tatlong paraan na makakatulong sa atin ang pagkakaroon ng kaalamang tulad ng angkin ni Cristo sa ating ministering:

  1. Kapag nakilala natin ang Tagapagligtas at nalaman natin ang Kanyang mga katangian, mas malalaman natin kung ano ang gagawin Niya para makapaglingkod kung Siya ang nasa ating katayuan.

  2. Habang nadaragdagan ang ating kaalaman at pag-unawa sa ebanghelyo, magiging mas maganda ang ating katayuan para ipaalala sa atin ng Espiritu Santo ang kailangan natin kapag kailangan natin ito (tingnan sa Juan 14:26). Maipapaunawa nito sa atin ang mga pangangailangan ng ating mga pinaglilingkuran at masasagot natin ang kanilang mga tanong o alalahanin.

  3. Kapag pinag-ibayo natin ang ating kakayahang matuto, mas makakaugnay o makapaglilingkod tayo sa iba. Maaari nating matutuhan ang iba pa tungkol sa isang paksa para makaugnay sa isang kaibigang interesado rito. O maaari tayong matuto ng ilang kasanayang makakatulong sa pagtugon sa isang pangangailangan.

Ang pagtatamo ng kaalaman ay makakatulong sa atin na maglingkod sa maraming paraan. Bukod pa riyan, “anumang alituntunin ng katalinuhan ang ating matamo sa buhay na ito, ito ay kasama nating babangon sa pagkabuhay na mag-uli” (Doktrina at mga Tipan 130:18).

young adult na nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Pagkakaroon ng Kaalaman

Paano tayo magkakaroon ng kaalamang tulad ng katangian ni Cristo? Narito ang ilang ideya:

  1. Alalahanin na kahit si Jesus ay unti-unting natuto sa paglipas ng panahon. Maging masigasig, pero maging mapagpasensya sa iyong sarili. Ang pagkatuto ay nangyayari nang “taludtod sa taludtod, [na]ng tuntunin sa tuntunin” (2 Nephi 28:30).

  2. Matutong tukuyin ang mga mapagkakatiwalaang pinagmumulan ng impormasyon. (Tingnan sa “Paghahanap ng Katotohanan sa Misinformation Age” sa digital Liahona ng Oktubre 2022.)

  3. Maging mausisa. Matuto sa nangyayari sa paligid ninyo araw-araw. Magtanong. Magbasa ng mabubuting aklat at manatiling maalam. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:79, 118; 90:15.)

  4. Matuto sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:118). Ang kakayahan ninyong maunawaan ang katotohanan sa anumang paksa ay madaragdagan kapag pinagsama ninyo ang inyong pinakamahusay na intelektuwal na pagsisikap at ang inyong pinakamahusay na espirituwal na pagsisikap. Mamuhay sa paraan na makakamtan ninyo ang tulong ng Espiritu Santo.