2023
Ang Wika ng Espiritu
Enero 2023


“Ang Wika ng Espiritu,” Liahona, Ene. 2023.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Ang Wika ng Espiritu

Nalaman ko na matutulungan tayo ng Espiritu na iparating ang pagmamahal ng Ama sa Langit, kahit pakiramdam natin ay may kakulangan tayo.

bus

Larawang kuha sa kagandahang-loob ng awtor; larawang-guhit ni Jennifer M. Potter

Larawang-guhit ni Jennifer M. Potter

Dati-rati ay ginugugol ko ang mga summer sa paglalakbay sa Europe kasama ang isang dance team. Iba-iba ang aming mga manonood, pagtatanghal, at sigla, pero may isang tradisyon kami na hindi na nagbago: tinatapos namin ang bawat pagtatanghal sa pagkanta ng “Patnubayan Ka Nawa ng Diyos”1 sa wika ng bansang binibisita namin. Dahil karamihan sa aking dance team ay kabilang sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, gustung-gusto namin ang tradisyong ito. Magandang paraan iyon para makaugnay sa aming mga manonood at maibahagi ang pagmamahal ng Ama sa Langit.

Malapit sa pagtatapos ng isa sa mga trip na ito, katatawid pa lang namin sa hangganan papasok sa Germany at pinapraktis namin ang awitin sa German para sa paparating na mga pagtatanghal. Pero pagdating namin, nalaman namin na ang partikular na rehiyong ito ng Germany ay nagsasalita ng Sorbian, isang dialektong may kaunting pagkakatulad sa awiting lagi naming pinapraktis.

Sakay ng bus papunta sa aming pagtatanghal, pagod na pagod ako at gusto ko na lang matulog sa buong biyahe. Pero may ibang mga ideya ang mga direktor namin. Hiniling nila sa aming mga guide na isalin ang himno sa Sorbian. Ngayon ay nais nilang pag-aralan ng buong bus ng inaantok na mga magtatanghal ang awitin ilang oras lang bago kami magtanghal.

Ginawa namin ang aming makakaya. Sa pagtatapos ng show, sama-sama kaming tumayo sa harapan ng entablado at nagsimulang kumanta. Naaalala ko na nagulat ako nang madaling pumasok sa isipan ko ang di-pamilyar na mga salitang napaghalu-halo ko ilang oras pa lang ang nakalipas. Nadama kong naglaho ang mga pagdududa ko noong una tungkol sa kahandaan naming kumanta nang umasa ako sa Espiritu na ipaalala sa akin ang mga salita.

mag-asawang sumasayaw

Nang matapos kaming sumayaw at magsimulang kumanta, ipinaalala sa akin ng Espiritu ang mga titik ng awitin.

Larawang kuha sa kagandahang-loob ng awtor

Mukhang nagulat ang mga manonood at pagkatapos ay natuwa. Nang matapos ang awitin, natahimik ang madla. Pagkatapos ay tumayo sila at nagsimulang kantahan kami bilang ganti, na kalaunan ay ipinaliwanag nila na awit ng pasasalamat na karaniwang laan nila para sa mga espesyal na okasyon.

Nadama ko nang napakalakas ang Espiritu sa sandaling iyon, kahit hindi ko maunawaan ang kinakanta nila. Lubos akong nagpasalamat na tinulungan ako ng Panginoon na maiparating ang Kanyang pagmamahal sa kabila ng nadama kong kakulangan. Naalala ko na ang pagmamahal ng Ama sa Langit ay isang pangkalahatang mensahe. Sa kabila ng anumang mga pagkakaiba natin, mauunawaan nating lahat ang wika ng Espiritu.