2023
Ang Ilaw ng Buhay
Enero 2023


“Ang Ilaw ng Buhay,” Liahona, Ene. 2023.

Ang Ilaw ng Buhay

Ang Tagapagligtas na si Jesucristo ang ating ilaw, ating buhay, at ating daan—kahapon, ngayon, at magpakailanman.

larawan ni Jesucristo

Detalye mula sa Focus on Joy [Magtuon sa Kagalakan], ni Michael T. Malm

Habang papalubog ang araw sa isa pang Linggo noong 1948, natagpuan ko ang sarili ko na naglalakad sa tabi ng Trent River sa Nottingham, England. Noong ako ay 20-taong-gulang na missionary, katatawag pa lang sa akin bilang district president. Mahaba at nakakapagod ang araw iyon na puno ng mga miting at ministering, pero masaya ako at nasiyahan sa gawain.

Habang naglalakad ako sa tabi ng ilog, taos-puso akong nagdasal. Umaasang makadama ng kaunting patnubay mula sa Panginoon, nagtanong ako, “Ginagawa ko ba ang nais Ninyo?”

Nakadama ako ng nag-uumapaw na kapayapaan at pagmamahal. Sa sandaling iyon mismo, nalaman ko na kilala at mahal ako ni Jesucristo. Wala akong nakitang pangitain o narinig na tinig, pero hindi ko sana nalaman nang mas makapangyarihan ang katunayan at kabanalan ni Cristo kung tumayo Siya sa harap ko at tinawag ako sa pangalan.

Ang matamis at magiliw na karanasang ito ang humubog sa buhay ko. Mula sa araw na iyon hanggang ngayon, bawat mahalagang desisyong nagawa ko ay naimpluwensyahan ng kaalaman ko tungkol sa Tagapagligtas. Sa paglipas ng mga taon at sa halos buong mundo, napatotohanan ko na si Jesucristo ang Anak ng Diyos, ang Ilaw ng Sanlibutan. Isang pribilehiyo para sa atin ang lumapit sa Kanya, sumunod sa Kanya, at madama ang Kanyang ilaw sa ating buhay.

Ilaw ng Sanlibutan

Isang gabi maraming taon matapos ang di-malilimutang karanasang iyon bilang missionary, nakatingin kami ng asawa kong si Barbara sa kalangitan. Habang nakatingin kami, namangha ako sa milyun-milyong bituin, na tila napakaliwanag at napakaganda noong gabing iyon. Pagkatapos ay bumaling nang may pagkamangha ang isipan ko sa mga salita ng Panginoon kay Moises: “At mga daigdig na di mabilang ang aking nilalang; at akin ding nilalang ang mga ito para sa sarili kong layunin; at sa pamamagitan ng Anak aking nilalang ang mga ito, na siyang aking Bugtong na Anak” (Moises 1:33).

Nagmula sa Tagapagligtas ang kapangyarihang lumikha at nagbibigay-liwanag sa araw, buwan, mga bituin, at lupa (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:7–10). May katwiran Siyang ipahayag na, “Ako ang ilaw ng sanlibutan. Ang sumusunod sa akin ay hindi kailanman lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay” (Juan 8:12; tingnan din sa Juan 9:5).

Sa mga salita ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Si Jesucristo ang ilaw ng sanlibutan dahil Siya ang pinagmumulan ng liwanag na ‘nanggagaling mula sa kinaroroonan ng Diyos upang punuin ang kalakhan ng kalawakan’ [Doktrina at mga Tipan 88:12].” Ang ilaw ng Tagapagligtas “ang tunay na ilaw na nagbibigay-liwanag sa bawat tao na dumarating sa daigdig” (Doktrina at mga Tipan 93:2; tingnan din sa 84:46). Sa liwanag na ito, maaari nating malaman kung paano hahatulan ang “mabuti sa masama” (Moroni 7:16). Ang liwanag na ito para sa lahat ay kilala bilang “ang liwanag ng katotohanan,” “ang liwanag ni Cristo,” at “ang Espiritu ni Cristo” (Doktrina at mga Tipan 88:6; 88:7; Moroni 7:16).1

Sabi ni Apostol Juan, “Ang ilaw ay lumiliwanag sa kadiliman; at ito’y hindi nagapi ng kadiliman” (Juan 1:5). Sa ating panahon, doble-kayod si Satanas sa pag-akay sa mga anak ng Diyos patungo sa kadiliman, na pinapatay “ang ilaw, at ang buhay, at ang katotohanan ng daigdig” (Eter 4:12).

Hindi natin lubos na mauunawaan—o mapapahalagahan—ang Tagapagligtas at ang Kanyang ebanghelyo kapag nawala sa atin ang Kanyang liwanag at katotohanan. Pero kapag tayo ay nagsisisi at sumusunod, naglilingkod, at sumasamba sa Kanya, nadadaig natin ang kadiliman. Bumabalik ang Kanyang liwanag at inaalis ang mga anino ng mundo mula sa atin at sa ating isipan.

Pinagpala ng Liwanag

Habang mas dumidilim at mas gumugulo ang ating mundo, ang pagdama sa liwanag ng Panginoon sa ating buhay ay maaaring tila isang hamon. Pero ipinaalala na sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang tumitinding kadiliman na kaakibat ng pagdurusa ay higit na nagpapaningning sa liwanag ni Jesucristo.”2

Natuklasan ko na ang Kanyang ilaw ay lalong nagliliwanag sa aking kaluluwa kapag nag-uukol ako ng oras para sa mga bagay ng Espiritu sa sandali ng kapanatagan at katahimikan tulad ng gabing iyon na magkasama kami ni Barbara. Noon dumarating sa atin ang mga espirituwal na impresyon, patnubay, at liwanag. Noon natin nauunawaan kung gaano tayo kapalad na magkaroon ng isang Tagapagligtas.

Bilang Ilaw ng Sanlibutan, tinatanglawan ng Tagapagligtas ang ating landas sa buhay na ito sa Kanyang halimbawa at mga turo (tingnan sa Juan 8:12). Pinagagaan Niya ang ating pasanin sa Kanyang pagmamahal at habag (tingnan sa Mateo 11:28–30). Pinagagaan Niya ang ating puso sa pag-asa at paggaling na dulot ng Kanyang Pagbabayad-sala (tingnan sa Moroni 7:41). At nililiwanagan Niya ang ating isipan sa pamamagitan “ng Espiritu ng katotohanan” (Doktrina at mga Tipan 6:15; tingnan din sa 11:13).

Sabi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Sa bawat panahon sa ating buhay, sa lahat ng sitwasyong mararanasan natin, at sa bawat hamon na makakaharap natin, si Jesucristo ang ilaw na pumapawi sa takot, nagbibigay ng katiyakan at patnubay, at nagbubunga ng nagtatagal na kapayapaan at kagalakan.”3

si M. Russell Ballard noong binata pa siya

Si Elder Ballard ay nagmisyon sa England mula 1948 hanggang 1950.

Itaas Ninyo ang Inyong Ilawan

Noon pa man ay espesyal na sa akin ang pribilehiyong ibahagi ang liwanag ng Tagapagligtas sa iba at anyayahan silang lumapit sa Kanya at damhin ang Kanyang pagmamahal para sa kanila. Gustung-gusto ko ang pagiging missionary noon sa England. Gustung-gusto ko ang pagiging mission president noon sa Canada. At gustung-gusto ko ang calling ko ngayon bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ang calling ko ay nagbibigay sa akin ng mga pagkakataong patotohanan si Jesucristo at ibahagi ang mensahe ng Pagpapanumbalik sa buong mundo.

Noong unang panahon, sinabi ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo:

“Kayo ang ilaw ng sanlibutan. Ang isang lunsod na nakatayo sa ibabaw ng isang burol ay hindi maitatago. …

“Paliwanagin ninyo nang gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at luwalhatiin nila ang inyong Ama na nasa langit” (Mateo 5:14, 16).

Sa mga tao ni Nephi, sinabi Niya, “Masdan, ako ang ilaw na inyong itataas—yaong kung alin ay nakita ninyong aking ginawa.” Dagdag pa niya, “Alam ninyo ang mga bagay na kinakailangan ninyong gawin sa aking simbahan; sapagkat ang mga gawang nakita ninyong ginawa ko ay siya rin ninyong gagawin” (3 Nephi 18:24; 27:21).

Sa ating panahon, inaasahan din ng Tagapagligtas na gagamitin ng Kanyang mga disipulo ang Kanyang liwanag para “maitaboy ang kadiliman mula sa [atin]” (Doktrina at mga Tipan 50:25). Nagniningning ang ating liwanag kapag nagmamahal tayo na tulad ng pagmamahal ni Jesus. Nagniningning ang ating liwanag kapag nagbabahagi tayo ng ating patotoo tungkol sa Pagpapanumbalik at sa ating pag-asa kay Cristo. Nagniningning ang ating liwanag kapag ipinaririnig natin ang ating tinig sa pagtatanggol sa katotohanan. At habang nagniningning ang ating liwanag, naaakit natin ang iba tungo sa pinagmumulan ng liwanag na iyon.

Magbigay ng di-makasariling paglilingkod, at madarama ninyo ang Kanyang liwanag sa inyong puso. Mapagpakumbabang ipagdasal na magkaroon ng mga pagkakataong ibahagi ang ebanghelyo, at gagabayan kayo sa mga taong handang tanggapin ang Kanyang liwanag. Mahalin ang iba sa maliliit at malalaking paraan, at mas mapapaganda at mapapaningning ninyo ang mundong ito.

si Jesucristo habang nagtuturo

Detalye mula sa Jesus Christ [Jesucristo], ni Harry Anderson

Isang Liwanag na Walang Katapusan

Walang hanggan ang pasasalamat ko sa aking karanasan bilang isang binatang missionary sa England nang malaman ko mismo na si Jesus ang Cristo. Alam ko ito nang may higit na katiyakan ngayon dahil sa lahat ng naranasan kong pagsubok at kagalakan sa buhay.

Napagpala ako ng aking paglilingkod sa Simbahan ng pambihira at espesyal na espirituwal na mga karanasan na napakarami at ang ilan ay napakasagrado para pag-usapan. Wala na akong ibang mas mahalaga at natatanging regalong maibibigay sa aking mga anak, apo, apo-sa-tuhod, at sa inyo, mga kaibigan ko sa buong mundo, kaysa sa aking tiyak na patotoo na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng ating Amang Walang Hanggan, ang Tagapagligtas at Manunubos ng buong sangkatauhan.

Ang mahal kong asawang si Barbara ay pumanaw noong 2018. Lubos akong nagpapasalamat na malaman na dahil nabuklod kami sa templo at dahil kay Jesucristo, magkakasama kaming muli, kasama ang aming pamilya, sa buong kawalang-hanggan.

Kung minsan, napapagod ako. Sa mga sandaling iyon, tumitigil ako at tumitingin sa isang larawan ng Tagapagligtas. Naiisip ko Siya na nasa Getsemani, at pagkatapos, biglang nawawala ang pagod ko. Alam ko sa puso ko na dahil nadaig Niya ang sanlibutan, “ang kadiliman ay lumilipas at ang tunay na liwanag ay tumatanglaw na” (1 Juan 2:8).

Alam kong buhay si Jesucristo. “Siya ang ilaw … na walang hanggan, na hindi na maaaring magdilim” (Mosias 16:9). Siya ang ating ilaw, ating buhay, at ating daan—kahapon, ngayon, at magpakailanman. Nawa’y maging matatag tayo sa pagsunod sa Kanya at sa pagpapaningning ng Kanyang liwanag sa harap ng sanlibutan.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Dallin H. Oaks, “The Light and Life of the World,” Ensign, Nob. 1987, 63–64.

  2. Russell M. Nelson, “Pakinggan Siya,” Liahona, Mayo 2020, 88.

  3. David A. Bednar, “Ang Ilaw at ang Buhay ng Sanlibutan” (Pamaskong debosyonal ng Unang Panguluhan, Dis. 6, 2015), broadcasts.ChurchofJesusChrist.org.