2023
Saan Ka Nanggaling?
Enero 2023


“Saan Ka Nanggaling?,” Liahona, Ene. 2023.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Saan Ka Nanggaling?

Kinailangan kong tanggapin ang takdang panahon at mga layunin ng Diyos nang matutuhan kong mahalin ang lola ko tulad ng pagmamahal sa kanya ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

lola at apo na nagtatawanan

Sa kabila ng karamdaman ni Lola, lahat ng ginagawa niya para sa akin ay dahil mahal niya ako.

Larawang kuha sa kagandahang-loob ng awtor

“Saan ka nanggaling, anak ko?” tanong ng lola ko nang pagbuksan niya ako ng pinto. Kauuwi ko lang noon mula sa full-time mission sa El Salvador. Puno ng kagalakan ang mga mata ni Lola nang makita akong muli. Malambot at mainit ang kanyang mga bisig nang yakapin niya ako.

Masaya kaming nag-usap nang sagutin ko ang kanyang mga tanong tungkol sa aking misyon. Naging emosyonal ako nang magkuwento ako sa kanya tungkol sa mga tao, pagkain, pagsisikap, at mga himala sa aking misyon. Nang matapos ako, bigla siyang tumahimik. Pagkatapos ay itinanong niya, “Saan ka nanggaling, anak ko?”

Mukhang hindi siya nakikinig. Kaya, sinimulan naming muli ang aming pag-uusap. Halos 20 minuto kalaunan, nagtanong siya sa ikatlong pagkakataon, “Saan ka nanggaling, anak ko?”

May mali. Hindi nagtagal, nalaman ko na mga isang taon matapos akong umalis para magmisyon, nasuring may sakit na Alzheimer ang lola ko.

Nakadama ako ng matinding hangaring tulungan si Lola. Sa loob ng dalawang taon, ipinangaral ko ang pagmamahal ng Diyos para sa Kanyang mga anak. Ngayon ay pagkakataon ko nang ipamuhay ang mga turong iyon. Bagama’t alam ko na magiging mahirap ito, nag-alok akong tumira sa bahay niya para matulungan ko siya.

Ang unang ilang buwan ang pinakamahirap. Tulad sa misyon, ang pagpapasensya at pagpipigil na mayamot ay naging full-time na trabaho. At tulad noong nasa misyon ako, kinailangan kong tanggapin ang takdang panahon at mga layunin ng Diyos nang matutuhan kong mahalin ang lola ko tulad ng pagmamahal sa kanya ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

Ang pamumuhay sa piling ni Lola kung minsan ay parang pamumuhay sa piling ng tatlong iba-ibang tao. Kung minsa’y hindi niya matiis na may ibang tao sa bahay. Kung minsa’y gusto niyang alagaan at pansinin ko siya, masaya siya na hindi siya nag-iisa. Kung minsan ang tanging iniisip niya ay kung ano ang ipapakain sa kanyang apo na kauuwi lang mula sa kanyang misyon. Ang “Huwag mong gawin iyan!” ay biglang nagiging “Bakit hindi mo gawin iyan?”

Magkagayunman, naging malaking pagpapala sa akin ang lola ko. Alam ko na sa kabila ng kanyang karamdaman, lahat ng ginagawa niya para sa akin ay dahil mahal niya ako.

Ang pinakamatamis at pinakataos na mga salita ng lola ko ay dumarating tuwing uuwi ako mula sa paaralan o trabaho. Magiliw niya akong tinitingnan, niyayakap, hinahagkan sa pisngi, at mapagmahal akong tinatanong, “Saan ka nanggaling, anak ko?”