“Kapag Kinapitan Ka ng Paulit-ulit na Karamdaman,” Liahona, Ene. 2023.
Pagtanda nang May Katapatan
Kapag Kinapitan Ka ng Paulit-ulit na Karamdaman
Ang pagharap sa araw-araw na paghihirap ay makakatulong sa atin na mas magkaroon ng habag, pakikiramay, at katatagan.
Bago siya pumanaw mula sa isang nakakapanghinang sakit, madalas ngumiti at magsabi ang nanay ko ng, “Walang isa man sa atin ang makakalabas dito nang buhay, kaya pakinabangan na natin nang husto ang anumang mayroon tayo.”
Iyon ay kapag masaya ang mga araw niya. At sa buhay niya, marami siyang masasayang araw.
Pero may mga araw din siya na hindi gaanong masaya. Sa mga araw na iyon sinasabi niya, “Tanggapin ninyo ang anumang dumating sa buhay ninyo at tingnan ninyo kung may magagawa pa rin kayong kabutihan sa mundo.”
Sa buong mundo, mas mahaba ang buhay ng mga tao ngayon kaysa noon.1 Pero kahit mas mahaba ang buhay natin, mas malamang din tayong magkaroon ng paulit-ulit na sakit: diabetes, Parkinson’s, kanser, depresyon, Alzheimer’s, at marami pang iba. Kaya, kapag dumating sa buhay ninyo ang paulit-ulit na karamdaman, paano kayo dapat tumugon?
Sumulong nang May Pananampalataya
“Harapin ang masamang nangyayari, kahit hindi ninyo alam kung ano ang kahihinatnan nito,” sabi ng isang brother na napilitang mag-file ng disability leave habang pabalik naman ang kanyang asawa sa trabaho para suportahan ang kanilang pamilya. Naniniwala siya na napakadalas nating magpakita na masaya tayo, at humahadlang iyan sa atin na maunawaan ang ating nadarama o pagandahin ang ating pananaw. “Sa halip na sumulong nang may pananampalataya, hindi tayo umuunlad habang naghihintay tayo ng himala o nagrereklamo kapag walang himalang dumarating,” sabi niya. Nagagawa niyang makibagay sa pamamagitan ng pakikinig sa mga banal na kasulatan at sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya at sa pakikipag-usap sa mga kaibigan at pamilya sa telepono.
“Ang pagiging karaniwan ng bawat araw ang nagpapahina sa akin,” sabi ng isang sister na ang asawa ay may paulit-ulit ang karamdaman. “Hinding-hindi na bubuti ang kalusugan ng asawa ko. Tanggap ko na iyan. Pero sa nakakabagot na paulit-ulit na gawain, ang maliliit na gawain ang nakakapagod sa isipan, katawan, at espiritu.” Pinasasalamatan niya ang mga pagbisita ng mga ministering sister. “Kapag dumaraan sila, talagang sumasaya ang araw ko.”
“Kung minsan, nalilimutan naming mag-asawa ang mga bagay-bagay at naiinis kami sa isa’t isa,” sabi ng isa pang tumatandang brother. “Nadidismaya kami sa pagiging masyadong malilimutin, at lalo pang nagsisisi pagkatapos makapagsalita nang pagalit sa isa’t isa.” Natuto silang magtala para matulungan silang makaalala. Binibigyan nila ng panahon ang isa’t isa na kumalma bago magsalita. “At,” sabi niya, “mas natutuhan pa namin ang kahalagahan ng pagsasabi ng, ‘Salamat,’ at ‘Mahal kita.’”
Nakaraos ang isa pang nakatatandang mag-asawa sa pirmihang kita hanggang sa dumoble ang halaga ng kanilang mga gamot. Salamat sa mga kapamilya at sa kanilang ward, natugunan ang mga pangangailangan nila. “Noong una nahiya kaming humingi ng tulong, lalo na sa mga anak namin,” sabi ng brother. “Pero lahat ay sabik na makatulong.”
Mga Mungkahi at Puna
Narito ang ilang mungkahi at puna mula sa mga taong may paulit-ulit na karamdaman:
-
Ang mga bumabaling sa Tagapagligtas ay makasusumpong ng pag-asa. “Akala ko walang makakaunawa sa pinagdaraanan ko,” sabi ng isang brother na may chronic fatigue syndrome (CFS). “Isang araw ng Linggo habang tumatanggap ng sakramento, natanto ko na naunawaan ng Tagapagligtas ang aking pagdurusa. Alam ko na makakaya kong magtiis sa pamamagitan ng paglapit sa Kanya.” (Tingnan sa Alma 7:11–12; Doktrina at mga Tipan 121:8; 122:8.)
-
Nadaragdagan ang habag sa mga taong “[nagtitiis na] mabuti” (Doktrina at mga Tipan 121:8). “Kanino tayo lalapit, sa oras ng dalamhati at kapahamakan, para humingi ng tulong at pag-alo? … Sila’y mga lalaki’t babaeng nakaranas na ng pagdurusa, at dahil sa pagdurusa nilang iyon sagana sila sa awa at pakikiramay para pagpalain ang mga nangangailangan ngayon. Magagawa ba nila ito kung hindi nila naranasan ito mismo?”2
-
Huwag magmadali. “Ilang taon na ang nakalipas, napakatindi ng sakit kaya hindi ko nakita kung paano ko pa ito matatagalan. Nagsimula akong makaramdam na gusto kong magpakamatay,” sabi ng isang sister na dumaranas ng multiple sclerosis (MS). Nagpatingin siya sa mental health unit sa isang ospital. Sa oras ng counseling, ang naging motto niya ay hindi lamang “magtiis hanggang wakas” (1 Nephi 22:31) kundi sa halip ay “magtiis hanggang sa paglubog ng araw.”
-
Magkaroon ng mga bagong interes at maghanap ng mga bagong paraan para makapaglingkod. Sa halip na magdalamhati tungkol sa hindi mo na kayang gawin, tumuklas ng mga bagong hilig. Natuklasan ng isang sister na may MS na hindi niya magawa ang mga bagay na gustung-gusto niyang gawin dati, tulad ng pagsakay sa kabayo o softball. Sa halip, natuto siya ng calligraphy. Ngayo’y ginagamit niya ang bago niyang talento para lumikha ng mga manuskrito ng Aklat ni Mormon para sa kanyang pamilya.
Kapag naging bahagi na ng buhay ang paulit-ulit na sakit, talagang isang hamon ito. Pero sa pagsampalataya, pag-asa kay Cristo, at hangaring patuloy na maglingkod, ang pagharap sa araw-araw na paghihirap ay makakatulong sa atin na maragdagan ang ating habag, pakikiramay, at katatagan.
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.