2023
Mga Pamilya at ang Ilaw ng Sanlibutan
Enero 2023


“Mga Pamilya at ang Ilaw ng Sanlibutan,” Liahona, Ene. 2023.

Para sa mga Magulang

Mga Pamilya at ang Ilaw ng Sanlibutan

pamilyang sama-samang nagtipon at nakangiti

Minamahal na mga Magulang,

Ang pamilya ay isang mahalagang bahagi ng plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak. Ang mga artikulo sa isyu sa buwang ito ay makakatulong sa inyo na mapagbuti ang pag-uusap sa loob ng mga pamilya at makakatulong sa pagharap sa mga hamon sa mga relasyon sa pamilya. Magagamit din ninyo ang isyung ito para tulungan kayong turuan ang mga bata ng ilang mahahalagang aral mula sa Bagong Tipan.

Mga Talakayan tungkol sa Ebanghelyo

Si Jesucristo ang Ating Tunay na Ilaw

Ibahagi sa inyong pamilya ang ilang turo mula sa artikulo ni Pangulong Ballard sa pahina 4 tungkol sa papel ni Jesucristo bilang Ilaw ng Sanlibutan. Bilang pamilya, gumawa ng listahan ng iba’t ibang pinagmumulan ng liwanag sa inyong tahanan at talakayin ang iba’t ibang bagay na ginagawa ng liwanag para sa atin. Sa anong mga paraan tayo tinutulungan ni Jesucristo, bilang pinakadakilang pinagmumulan ng espirituwal na liwanag?

Tapatang Pag-uusap sa mga Pamilya

Mahalagang maging espirituwal na handa para sa mga hamon ng buhay. Sa pahina 12, basahin ang ilang payo mula sa isang mental health counselor kung paano magkaroon ng mahalaga at nagpapalakas na mga pakikipag-usap sa inyong mga anak. Alin sa mga ideya at mungkahing ito ang puwede ninyong ipatupad sa sarili ninyong pamilya?

Paghahanda ng Ating Puso para sa Salita

Basahin ang artikulo ni Brother Camargo sa pahina 38 tungkol sa talinghaga ng manghahasik. Talakayin sa inyong pamilya kung ano ang isinisimbolo ng iba’t ibang uri ng lupa sa talinghaga. Puwedeng magdrowing ang nakababatang mga bata ng mga bagay mula sa talinghaga at pag-usapan ang mga ito, at maaaring basahin ng nakatatandang mga bata ang talinghaga sa Marcos 4:3–20 at ibahagi ang kanilang mga ideya o tanong.

Katuwaan ng Pamilya sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Paggawa ng Mahihirap na Bagay sa Tulong ng Diyos

Tulad ni Maria at ng kanyang pinsan na si Elizabeth sa Bagong Tipan (tingnan sa Lucas 1:5–55), kung minsa’y hinihilingan tayong gumawa ng mahihirap na bagay at maaari nating isipin kung kaya natin.

  1. Maglagay ng isang lalagyan na walang laman, tulad ng isang timba o isang kahon, sa isang dulo ng kuwarto.

  2. Bigyan ang bawat miyembro ng pamilya ng isang balahibo.

  3. Simula sa kabilang dulo ng kuwarto mula sa lalagyan, pasubukan sa bawat miyembro ng pamilya na ipasok ang kanilang balahibo sa loob ng lalagyan sa pamamagitan ng pag-ihip dito para manatili itong nakalutang sa hangin habang tinatawid nila ang kuwarto.

  4. Para maging mas mahirap ito, magbigay lamang ng 30 segundo, at gumamit ng straw para hipan ang balahibo. Patuloy na bawasan ang nakalaang minuto hanggang sa maging imposible ang aktibidad.

Talakayan: Nasasaisip na maaaring hindi malutas ang ilang hamon sa buhay na ito, magbahagi ng isang karanasan na nagpalakas sa inyong patotoo na “ang mga bagay na hindi magagawa ng mga tao ay magagawa ng Diyos” (Lucas 18:27). Anong maliliit na hakbang ang magagawa ninyo bawat araw para magawa ang mga gawain sa buhay ninyo na tila imposible?