“Pananampalataya sa Oras ng Kadiliman,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ene. 2023.
Pananampalataya sa Oras ng Kadiliman
Narito ang ilang mungkahi na nakatulong sa akin sa mga tanong at pagdududa.
Noong bata pa ako, madalas bumisita ang pamilya ko sa Great Basin National Park sa Nevada, USA. Ang isang pambihirang bagay sa parke ay ang Lehman Caves.
Gagabayan kayo ng isang tour guide papunta sa kuweba at, sa isang partikular na pagkakataon, papatayin niya ang lahat ng ilaw. Daranas kayo ng ganap na kadiliman. Mabigat iyon sa pakiramdam, at nakakatakot ang ideya na kakapain mo ang daan palabas ng kuweba nang walang anumang ilaw. Salamat na lang at palaging sisindihang muli ng guide ang ilaw at ligtas kayong gagabayan palabas.
Kung minsa’y mayroon tayong mga tanong at maging mga pagdududa tungkol sa Simbahan at sa ating patotoo. Maaaring mabigat ito sa pakiramdam at walang katiyakan, na para kang nasa madilim na kuweba.
OK lang na magkaroon ng mga tanong at alalahanin. Ang gagawa ng pinakamalaking kaibhan ay kung paano ninyo haharapin ang mga ito.
Narito ang ilang mungkahing nakatulong sa akin.
Sumampalataya
Nalaman ko na kung haharapin ko ang mga tanong at alalahanin nang may pananampalataya, lagi akong makakahanap ng daan pasulong. “Ang pananampalataya ay hindi ang pagkakaroon ng ganap na kaalaman sa mga bagay” (Alma 32:21). At “kahit na wala kayong higit na nais kundi ang maniwala, hayaan na ang pagnanais na ito ay umiral sa inyo” (Alma 32:27).
Sasabihin sa inyo ng mundo na kung hindi ninyo mapapatunayan ang isang bagay ayon sa pamantayan ng siyensya, hindi ito maaaring maging totoo. Hindi ito ang paraan ng Panginoon. Sabi nga ng Tagapagligtas kay Tomas, na ayaw maniwala maliban kung madama niya mismo ang mga sugat ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas, “Huwag kang mag-alinlangan, kundi sumampalataya” (Juan 20:27).
Humingi, Maghanap, Kumatok
Ang mga katagang “humingi, maghanap, kumatok” ay inuulit sa mga banal na kasulatan (tingnan sa Mateo 7:7; Doktrina at mga Tipan 88:63). Ang paraan ng pagtulong sa atin ng Panginoon sa ating mga tanong ay ang magtanong tayo sa Kanya.
“Kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, humingi siya sa Diyos” (Santiago 1:5). Dumiretso sa pinagmumulan ng lahat ng katotohanan. Mahal kayo ng Diyos at tutulungan Niya kayo.
Maging Isang Taong Naghahanap ng Katotohanan
Nalaman ko na ang mga matapat at mapagpakumbabang naghahanap ng katotohanan ay kadalasang mahahanap ang mga sagot sa kanilang mga tanong kalaunan. Sa kabilang dako, ang mga naghahanap lamang ng mali ay mas lalo lamang mapapalayo sa katotohanan.
Maging isang taong naghahanap ng katotohanan. Ang katotohanan ay talagang umiiral, at matatagpuan ninyo ito.
Gumawa ng Isang Kahon ng “Mga Sasagutin Kalaunan”
Kaya ano ang ginagawa mo kung mapagpakumbaba at taos-puso kang naghahanap ng mga sagot at tila hindi naman dumarating ang mga ito?
Muli, pinipili kong harapin ito nang may pananampalataya. Nakagawa ako ng isang maliit na kahon sa isang istante sa aking isipan—parang isang magandang kaban ng kayamanan. Nakasulat doon ang mga salitang “Mga Sasagutin Kalaunan.”
Tuwing may tanong o alalahanin ako na hindi ko malutas, isinusulat ko iyon sa isang kunwa-kunwariang piraso ng papel, itinutupi iyon nang maayos, at isinisilid iyon sa kahon. Pagkatapos ay ibinabalik ko iyon sa istante.
Sa paggawa nito, kumikilos ako nang may pananampalataya na balang-araw ay sasagutin iyon ng Panginoon. Maaaring sagutin Niya, maaaring hindi. Nasa Kanya ang pasiya ayon sa Kanyang walang-hanggang karunungan.
Siyanga pala, nasagot na ang ilan sa mga tanong ko. Pero marami pa ring naiwan sa kahon. At OK lang iyon sa akin.
Mahal kong mga kaibigan kay Cristo, maging mga taong naghahanap ng katotohanan.
Habang nadaragdagan ang inyong pananampalataya, sasainyo ang Panginoon. At kapag lumapit kayo sa Kanya nang may pananampalataya, ihahayag Niya sa inyo ang mga bagay na kailangan ninyong malaman sa tamang panahon.