2023
Higit na Katulad ni Cristo
Enero 2023


“Higit na Katulad ni Cristo,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ene. 2023.

Higit na Katulad ni Cristo

Larawan
Jesucristo

Ang isang bahagi ng programang Mga Bata at Kabataan ay ang sikaping maging higit na katulad ni Cristo sa pamamagitan ng paglago sa espirituwal, sa pakikisama, sa pisikal, at sa intelektuwal (tingnan sa Lucas 2:52). Maniwala man kayo o hindi, ang pagsisikap na makamit ang mga mithiin ay hindi kailangang maging halos kasinghirap ng iniisip ninyo. Tingnan kung paano nagiging higit na katulad ni Cristo ang mga kabataan sa buong mundo!

Espirituwal

Larawan
dalagita

Pangalan: Catalina

Lokasyon: Chile

Mithiin: Magbasa ng mga banal na kasulatan at magdasal araw-araw

“Sinisikap kong manatiling malapit sa Espiritu sa pamamagitan ng pagdarasal. Nagdarasal ako gabi-gabi bago matulog at pagkatapos ay nagbabasa ng aking mga banal na kasulatan. Nagsisikap akong mas maunawaan ang mga ito. Kapag nagbabasa at nagdarasal ako sa bawat araw, nakadarama ako ng kapayapaan at mas malapit ako sa Diyos.”

Pakikisama

Larawan
dalagita

Pangalan: Raisa

Lokasyon: Samoa

Mithiin: Kilalanin nang mas mabuti ang mga dalagita sa klase niya

“Maaaring kilala ko sa pangalan ang bawat dalagita sa ward ko, pero hindi ko alam kung sino sila o ano ang gusto nila. Kaya sinimulan kong isa-isahin ang bawat dalagita, at para sa isang mahiyaing kagaya ko, natuwa akong matuklasan ang napakaraming pagkakatulad namin. Nang lalo akong mag-ukol ng oras na kilalanin sila, lalo kong nakita ang magagandang dalagitang ito sa paraan ng pagtingin sa kanila ng Ama sa Langit.”

Pisikal

Larawan
binatilyo

Pangalan: Eugene

Lokasyon: Kenya

Mithiin: Humusay pa sa paglalaro ng football (soccer)

“Nagsimula akong magpraktis kasama ang isang team ng mga kaibigan noong nakaraang buwan. Ang karanasang ito ay nagpaunawa sa akin na ayaw ng Diyos na gawin natin itong mag-isa. Maaari nating pasalihin ang ating mga kaibigan sa ating mga mithiin na maging katulad ng Tagapagligtas. Alam Niya na kailangan natin ang isa’t isa para magtagumpay. Kung magdarasal tayo, maglalagay Siya ng mga tao sa ating buhay para tulungan tayong magpakabuti nang husto.”

Intelektuwal

Larawan
binatilyo

Pangalan: Jackson

Lokasyon: South Carolina, USA

Mithiin: Pangmatagalan: Magmay-ari ng isang food truck balang-araw; panandalian: Mag-aral tungkol sa paggawa ng pagkain

“Sinabi ko sa isa sa mga lider ko sa Young Men ang isang mithiin ko na magkaroon ng isang food truck. Sabi niya, ‘Taun-taon ay nagdaraos ako ng back-to-school party. Bakit hindi ka pumunta para ipagluto kami?’ Ginawa ko nga iyon. Nagluto ako ng mga 50 hotdog at burger sa loob ng 45 minuto. Gustung-gusto kong kasama ang kalalakihan sa korum ko, at nakatanggap ako ng napakagandang feedback mula sa karanasan at ilang papuri. At marami akong natutuhan.”

Print