“Mga Kaloob ng Ebanghelyo sa Guam,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ene. 2023.
Mga Kaloob ng Ebanghelyo sa Guam
Sa isang pulo ng dagat, nakakita ng kaibigan at kapanatagan si Franchesca sa pamamagitan ng ebanghelyo.
Dahil sa mga dalampasigan, payapang tubig, at sinaunang kuweba, ang pulo ng Guam ay parang isang pangarap na bakasyon, pero normal na araw ito sa buhay ng 15-taong-gulang na si Franchesca N.! Gustung-gusto niya ang magagandang dalampasigan. “Masayang lumabas at galugarin ang kalikasan.”
Isinilang at lumaki sa Guam, gustung-gusto niyang gumawa ng mga bagay-bagay sa labas ng bahay. “Mahilig akong lumabas, kaya ayaw ko talagang manatili sa loob ng bahay,” sabi niya. Gustung-gusto niyang mag-paddle boarding sa karagatan, mag-snorkeling, at mag-hiking na kasama ang kanyang mga magulang at dalawang kapatid na babae. Gustung-gusto nilang maglakad lalo na sa isang lugar na may mga sinaunang kuweba.
“Malapit ako talaga sa mga kapatid ko. Sila ang matatalik kong kaibigan,” sabi niya. Nag-aaral ang ate niya sa Hawaii. “Malaking tulong ang social media para magkausap-usap kami,” paliwanag ni Franchesca. Gusto niyang manatiling malapit at konektado.
Isang Halimbawa sa Iba
Si Franchesca ay isang sophomore sa isang pambabae lang na paaralang Katoliko, kung saan siya lang ang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Medyo nakakatakot noong una ang pagiging tanging miyembro ng Simbahan sa kanyang paaralan, pero sanay na siya na iba ang tingin sa kanya. At saka, iniisip ng iba sa paligid niya na astig na bahagi siya ng ibang relihiyon.
Halimbawa, isang araw ay umiinom ng kape sa tanghalian ang kanyang mga kaibigan, at naipaliwanag sa kanila ni Franchesca ang Word of Wisdom.
Pinipili rin ni Franchesca na hindi magmura kahit ginagawa iyon ng ibang mga tao sa paaralan. Sabi niya, “Maraming beses akong natukso noon, pero ang isang bagay na nagpapalakas sa akin ay ang personal na relasyon ko sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng panalangin.” Dagdag pa niya, “Hindi ko dapat gawin ang mga bagay na ito, dahil mali ito at dahil mahal ko ang Ama sa Langit at si Jesucristo.”
Paghahanap ng mga Kaibigan
Kung minsa’y maaaring malungkot na nag-iisa siyang miyembro ng Simbahan sa kanyang paaralan. Noong freshman siya, lubhang nadama ni Franchesca na nag-iisa siya sa panahon ng pandemya at kakaunti ang kaibigan niya. Kinabahan siyang kausapin ang mga magulang niya tungkol doon, pero nang magdasal siya, nahikayat siyang sabihin sa kanila ang nadarama niya.
Bilang pamilya, nagpasiya silang ipagdasal na makahanap siya ng mga kaibigang maaasahan niya. Himalang pagkatapos na pagkatapos nilang magdasal, nakarinig sila ng katok sa pinto nila. Isa pala iyon sa mga kaibigan niya mula sa ibang ward, at nagdala ito ng cookies! Alam ni Franchesca na narinig ng Ama sa Langit ang kanilang panalangin.
Kabilang sa stake ni Franchesca ang mga miyembro mula sa Guam at ilang iba pang pulo. Maliit lang ang grupo ng mga kabataan sa kanyang ward, pero parang isang pamilya ang kanyang ward. Malapit sa isa’t isa ang mga miyembro, at nahihikayat siyang magsimba tuwing Linggo dahil dito. Malaking impluwensya at huwaran sila sa buhay niya.
Nakahanap din ng lakas si Franchesca sa klase niya sa seminary. “Ang seminary ay isa sa mga tampok sa buong linggo ko,” sabi niya. “Kapag dumadalo ako sa seminary, parang nawawala ang lahat ng alalahanin ko.”
Gustung-gusto niyang dumadalo sa seminary, online man o sa personal, at hindi pumapalya sa klase maliban kung kailangan talaga. Mas sumasaya raw ang mga buong linggo niya dahil pinipili niyang magpunta sa seminary. Kung nakakapagod ang buong linggo niya, tinitiyak niya na makapunta siya sa seminary dahil nakadarama siya ng kapayapaan doon.
Mayroon ding mga aktibidad ang mga kabataan na mga dalawa hanggang tatlong beses sa isang buwan. Si Franchesca pa nga ang nagplano sa isa sa mga iyon—isang gabi ng laro na maraming masasayang board game at isang scripture game. Hindi sila gaanong nagkita-kita sa panahon ng pandemya, kaya kapag nagkikita-kita sila, talagang masaya sila.
Gumawa pa nga ng isang music video ang mga kabataang babae na nagli-lip-sync sila mismo sa awit ng mga kabataan ng Simbahan na “Good Day” at nai-post nila ito para magbahagi ng pagmamahal at pasiglahin ang iba. “Talagang maaaring pagsama-samahin ng social media ang lahat, lalo na sa mga panahon na hindi namin talaga nakikita ang lahat.”
Pag-asam sa Templo
Sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2018, ibinalita ang Yigo Guam Temple. Sabi ni Franchesca, “Tuwang-tuwa ang mga kabataan—ipinagdasal naming lahat iyon.” Pagkatapos niyon, sabik niyang pinanood ang pagtatayo at hinintay ang sarili nilang templo, na natapos noong Mayo 2022.
Kinailangan nila palaging maglakbay papunta sa Pilipinas para sa mga temple trip noong araw. Para makabayad sa mga paglalakbay, nag-iipon sila ng pera gamit ang mga pinagbentahan ng cake at paglilinis ng mga kotse. Dahil malaking paglalakbay iyon, nagpaplano silang patagalin iyon nang mga isang linggo. Sabik na si Franchesca na makapunta sa templo nang mas madalas at matamo ang mga pagpapalang nagmumula sa pagpapabinyag para sa kanyang mga ninuno.
Kapanatagan sa Pamamagitan ng Panalangin
Sinabi ni Franchesca na madalas siyang mag-alala, pero nakatulong sa kanya ang panalangin. “Talagang mabisa ang panalangin. Ang pakikipag-usap lang sa Ama sa Langit ay talagang nakakapanatag sa akin. Nakikinig Siya at makakatulong.”
“Kapag nagdarasal ako, hindi naman basta-basta dumarating ang sagot sa akin,” sabi niya. “Ang pakiramdam lang ng patnubay ang tumutulong sa akin; ang damdaming iyon ng Kanyang presensya at Kanyang pagmamahal. Pinapanatag ako nito at pinagaganda nang husto ang pakiramdam ko.”
Ang payo niya sa ibang mga kabataan ay: “Manalangin sa Ama sa Langit. Kausapin Siya. Malaking tulong iyon.”
Mapag-alala rin daw ang kanyang ina pero malaking suporta rin ito. “Ang nanay ko ay isang pagpapala mula sa Ama sa Langit, at ginabayan niya ako nang husto.”
“Ang pamilya ay isang malaking pagpapala,” sabi niya. “Palagay ko mahalagang magtapat sa pamilya o isang kaibigan mo kung may pinagdaraanan ka.”
Nais ni Franchesca na makita ng lahat ang mga pagpapala ng Panginoon sa araw-araw. “Ang mga pagpapala sa araw-araw ay maaaring napakasimple. Ang pagpasok sa paaralan ay isang malaking pagpapala. Napakaraming magagandang himala kung mag-uukol tayo ng oras na pansinin ang mga iyon. Labis akong nagpapasalamat sa ebanghelyo sa buhay ko.”