“Ang Hamon sa Pag-inom ng Tsaa,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ene. 2023.
Matitibay na Pundasyon
Ang Hamon sa Pag-inom ng Tsaa
Isang araw ng taglamig, naglalakad kami ng mga kaibigan kong sina Alice at Trevor sa bakuran ng paaralan nang makita namin ang isang karatulang nagsasabing: “Mayroon nang tsaa.” Sabik na nag-alok si Trevor na bilhan kami ng tig-iisang tasang tsaa. “Huwag na, salamat,” sabi ko.
Inalok ako ni Trevor ng tsaa araw-araw, at patuloy akong tumanggi. Sa huli, tinanong niya ako kung bakit ayaw kong uminom ng tsaa. Sinabi ko sa kanya ang tungkol sa Word of Wisdom, na umaasang mauunawaan niya. Pero pinagtawanan lang niya iyon. Sinubukan niyang tuksuhin ako na labagin ang Word of Wisdom.
“Hindi naman ito katulad ng paggamit ng droga,” sabi niya. “Hindi naman nakakasama ang isang tasang tsaa!”
Nang sumunod na linggo, sinimulan nila ng kanyang mga kaibigan na lalo pa akong tuksuhin. Sinikap kong hindi mapahiya, bagama’t hindi iyon naging madali.
Sa paglipas ng panahon, nalungkot sila sa mga ikinilos nila at tumigil sa panunukso sa akin. Isang araw, sinabi sa akin ng titser ko: “Noon pa man ay isang halimbawa ka na ng iyong pananampalataya at relihiyon. Ipinagmamalaki kita.”
Ipinagmamalaki ko rin ang sarili ko. Hindi iyon palaging madali, pero alam ko na pagpapalain ako sa paninindigan sa aking mga pamantayan.
Nicolé M., West Midlands, United Kingdom