2023
Ang Pinakamalaking Himala
Enero 2023


“Ang Pinakamalaking Himala,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ene. 2023.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Lucas 1, 5

Ang Pinakamalaking Himala

May isang himala na mas mahalaga kaysa sa kanilang lahat.

Sa Diyos, lahat ng bagay ay posible (tingnan sa Lucas 1:37; Filipos 4:13). Pero maaari ba ninyong literal na ipagdasal ang anuman at matutupad ito? Bakit nakakaranas ng mga himala ang ilang tao samantalang tila ang iba ay hindi? At ano ang talagang kahulugan ng lahat ng ito para sa inyo?

Tatlong sinaunang himala, tatlong makabagong himala, at isang pinakamalaking himala ang nagtuturo sa atin ng kaunti pa.

1

Sinaunang Himala

Jose, Maria, at ang sanggol na si Jesus

Mga larawang-guhit ni Camila Gray

Malamang na hindi lang nagulat nang bahagya si Maria nang sabihin sa kanya ng anghel na si Gabriel na siya ang magiging ina ng Tagapagligtas. Hindi ito dapat naging posible. Pero ipinaliwanag ng anghel na si Gabriel na si Jesus ang magiging Anak ng Diyos at sinabing, “Sa Diyos ay walang salitang hindi mangyayari” (Lucas 1:37). At tama ang anghel. Isinilang nga ni Maria ang Tagapagligtas ng sanlibutan.

Makabagong Himala

mga sister missionary na tumutulong sa matandang babae

Tinatawid ng dalawang missionary na naglilingkod sa Mexico ang isang abalang kalsada araw-araw. Kung minsa’y naghihintay sila ng 10 minuto bago sila makatawid, at karaniwa’y kailangang tumakbo sila! Pagkatapos ay nakilala nila ang isang napakatanda at napakabagal na di-gaanong aktibong miyembro. Gusto niyang sumamang magsimba sa kanila, pero—narito ang imposibleng bahagi—kailangan niyang tumawid sa abalang kalsada. At hindi, hindi siya kayang buhatin ng mga missionary patawid (bagama’t talagang naisip nila iyon!). Pero nagkaroon sila ng isang himala. “Pagdating namin sa kalsada,” sabi ng isa sa mga missionary, “walang nagdaraang mga kotse. Nagawa naming tumawid nang napakabagal at ligtas.”

Imposible? Isiping Muli!

Sa Diyos, lahat ng bagay ay posible (kahit ang mga imposibleng bagay!).

2

Sinaunang Himala

Si Jesucristo na pinagagaling ang lalaking maysakit na ibinaba mula sa bubong

May isang lalaking “lumpo,” o paralisado. Naniwala siya na mapapagaling siya ng Tagapagligtas. Pero napapaligiran ng maraming tao si Jesus, at mahirap makalapit sa Kanya. Kaya ano ang ginawa ng lalaki? Ibinaba siya ng kanyang mga kaibigan sa kanyang kama na idinaan mula sa bubong ng isang bahay para makalapit sa Tagapagligtas. Hindi, hindi siguro iyon napakadali. Pero napakalaki siguro ng pananampalataya niya at ng kanyang mga kaibigan. At sulit iyon—pinatawad ni Jesus ang mga kasalanan ng lalaki at pinagaling siya (tingnan sa Lucas 5:17–26).

Makabagong Himala

chameleon

Kalaro ni Ella W. ang kanyang mga kaibigan sa parke nang mawala ng ilan sa kanyang mga kaibigan ang alaga nilang chameleon. Maaaring parang hindi ito malaking bagay. Pero tandaan, ang mga chameleon ay nagbabago ng kulay para maging kakulay ng kanilang paligid. Matapos maghanap sandali, nagpasiya si Ella na oras na para manalangin nang may pananampalataya. Hindi nagtagal ay natagpuan nila ang chameleon sa isang puno! “Nang may kumalong na roon, nagpasalamat kami sa Ama sa Langit sa panalangin,” sabi ni Ella.

Ang mga Himala ay Dumarating sa Pamamagitan ng Pagsampalataya kay Jesucristo

Ang imposible ay laging posible sa Diyos. Pero kailangan nating manampalataya sa Tagapagligtas (o hangarin man lang na maniwala!) at kumilos ayon sa pananampalatayang iyon para mangyari ang mga himala.

3

Sinaunang Himala

Elizabeth, Zacarias, at ang sanggol na si Juan Bautista

Maraming taon nang kasal sina Elizabeth at Zacarias pero hindi sila nagkaanak. Kung minsan, ang pakiramdam niyon ay parang hindi nasasagot ang kanilang matatapat na dalangin. At kalaunan, matatanda na silang masyado para magkaanak. Pero nagpakita ang isang anghel kay Zacarias at sinabi sa kanya na magkakaanak si Elizabeth. (Masayang katotohanan: ang sanggol kalaunan ay naging si Juan Bautista!) Sa huli, naging posible nga ang imposible. Pero kinailangang maghintay sina Elizabeth at Zacarias nang napakatagal (tingnan sa Lucas 1).

Makabagong Himala

basbas ng priesthood

Si Lindsey M. ay may epilepsy. “Tuwing umaga, nagmamakaawa ako sa aking Ama sa Langit na pawiin ang mga pangingisay,” sabi ni Lindsey. Pero hindi napawi ang mga iyon. Habang naghihintay na gumaling si Lindsey, tumanggap siya ng mga basbas ng priesthood, na naghatid ng kapayapaan sa kanya. At ang kapayapaang iyon ay isang himala mismo. “Kapag bumabaling tayo sa ating Ama sa Langit, walang dudang naririyan Siya para sa atin, nagkakalat ng mga himala at nagbibigay ng kapanatagan,” sabi niya. Kalaunan ay inoperahan si Lindsey na nakatulong sa kanyang mga pangingisay.

Dumarating ang mga Himala Ayon sa Kalooban ng Diyos

Magagawa ng Diyos ang lahat ng bagay. Maaaring malaki ang inyong pananampalataya. Pero dumarating ang mga himala ayon sa takdang panahon at kalooban ng Ama sa Langit at sa Kanyang paraan. Humanap ng iba pang mga himala habang daan, tulad ng kapayapaan at lakas na makapagtiis.

Ang Pinakamalaking Himala

Marami na tayong napag-usapan tungkol sa mga himala. Pero may isang himala na mas malaki at mas mahalaga kaysa sa kanilang lahat. Ang himalang iyon ay nang pumarito sa lupa ang Anak ng Diyos bilang isang sanggol, kalaunan ay nagturo at nagpagaling, at pagkatapos ay nagbuwis ng sarili Niyang buhay. Dinala ni Jesucristo sa Kanyang sarili ang ating mga kasalanan, kalungkutan, at kahinaan. Ang Kanyang himala ay kinabibilangan ng tatlong araw sa loob ng libingan at pagkatapos ay pagkabuhay na mag-uli para lahat tayo ay mabuhay na muli pagkatapos mamatay. Binabago ng himalang iyon ang lahat.

Madaling maging abala sa pagsisikap na manampalataya sa isang partikular na himala. At maaaring mahirap iyan kapag hindi natin alam ang kalooban ng Ama sa Langit. Kaya sa halip na ituon ang inyong pananampalataya sa isang himalang nais ninyo, ituon ito sa himala ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Manampalataya na walang imposible para sa Diyos, kabilang na ang ipinagdarasal ninyo. Pero manampalataya rin na ang Kanyang kalooban ay mas mainam kaysa sa sarili ninyong kalooban. Kung hindi nasasagot ang inyong mga dalangin sa paraang inaasam ninyo, palalakasin Niya kayo at tutulungang makapagtiis.

Ang Pinakamahalagang Bagay na Dapat Tandaan

Kapag itinuon ninyo ang inyong pananampalataya kay Jesucristo, mauunawaan ninyo ang ibig sabihin ng lahat ng bagay ay posible sa Diyos. Maniniwala kayo na masasagot ng Ama sa Langit ang inyong mga dalangin, at magtitiwala kayo sa Kanyang kalooban at tatanggap ng Kanyang kapayapaan kapag hindi umaayon sa plano ang mga bagay-bagay. Kaya sumampalataya kayo kay Jesucristo. Siya ang himala. At lahat ng bagay ay posible sa Kanya.