“Ang Pangako Nating Maging Ilaw,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ene. 2023.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Ang Pangako Nating Maging Ilaw
Si Jesucristo ang Ilaw ng Sanlibutan. Gawin natin ang lahat para maibahagi ang Kanyang liwanag.
Maraming tao ang nagmula sa iba’t ibang dako para makita ang lalaki sa ilang na nakasuot ng damit na yari sa buhok ng kamelyo at kumakain ng tipaklong at pulot-pukyutan. Interesado silang marinig ang kanyang mga turo tungkol sa Tagapagligtas, pagsisisi, at binyag. Matapos siyang marinig, maraming tao ang nagnais na magpabinyag. Bininyagan niya ang mga nakapagsisi. Ang pangalan ng taong ito ay Juan Bautista.
Isang araw, habang binibinyagan ni Juan ang mga tao sa Ilog Jordan, dumating si Jesucristo at hiniling na mabinyagan Siya. Nagulat si Juan. Alam ni Juan na laging sinusunod ni Jesus ang mga utos ng Diyos at hindi kailangang magsisi. Sa katunayan, naisip niya na si Jesus dapat ang magbinyag sa kanya (tingnan sa Mateo 3:14)! Ipinaliwanag ni Jesus na inutusan na ng Diyos ang lahat ng tao na magpabinyag, kaya kailangan din Siyang mabinyagan para magpakita ng halimbawa. Pumayag si Juan at bininyagan niya si Jesus sa Ilog Jordan.
Itinuturo sa atin ng binyag ni Jesus na tayo man ay kailangang magpabinyag. Nang mabinyagan kayo, nakipagtipan kayo at nagpakita ng kahandaang tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas, hindi lamang sa inyong binyag kundi tuwina.
Mga Pangako at Pagkakataon
Sa binyag, nakikipagtipan kayo sa Diyos at nangangakong tataglayin sa inyong sarili ang pangalan ni Jesucristo (tingnan sa Mosias 5:8–10). Nangangako rin kayong susundin ang Kanyang mga utos, tatayo bilang saksi ng Diyos “sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar” (Mosias 18:9), at maglilingkod sa Kanya (tingnan sa Mosias 18:8–10; Doktrina at mga Tipan 20:37).
Bawat linggo sa simbahan, pinaninibago ninyo ang tipang ito kapag tumatanggap kayo ng sakramento (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:77, 79). Kayo pagkatapos ay dapat “magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao” (2 Nephi 31:20).
Habang daan, magkakaroon kayo ng maraming pagkakataong tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas at ipakita ang inyong pagmamahal sa Kanya at sa mga nasa paligid ninyo. Sabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “May mga kapitbahay tayong [babasbasan], mga batang pangangalagaan, mga maralitang kakalingain, at katotohanang ipagtatanggol. May mga mali tayong itatama, mga katotohanang ibabahagi, at kabutihang gagawin. Sa madaling salita, dapat tayong mamuhay bilang matatapat na disipulo.”1
Isang Ilaw sa mga Nangangailangan
Ang ating sakdal na halimbawa, ang Tagapagligtas ay laging nagmahal at naglingkod sa iba at “naglibot siya na gumagawa ng mabuti” (Mga Gawa 10:38).
Sa mga panahon ng paghihirap, si Jesucristo ang Ilaw na “lumiliwanag sa kadiliman” (Juan 1:5). Itinuro din Niya sa atin na maging ilaw. Sinabi Niya, “Masdan, ako ang ilaw na inyong itataas—yaong kung alin ay nakita ninyong aking ginawa” (3 Nephi 18:24).
Bilang bahagi ng inyong tipan sa binyag, nangangako kayong maging “handang magpasan ng pasanin ng isa’t isa, nang ang mga yaon ay gumaan” at “makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati, … aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw” (Mosias 18:8–9).
Kapag nakatagpo kayo ng isang taong nalulungkot o pinanghihinaan-ng-loob, maaaring malinaw kung paano tutulong. Gayunman, may ibang mga pagkakataon na hindi ninyo malalaman ang sasabihin o gagawin. Sa mga sandaling iyon, maaari pa rin kayong mahabag. Maaari ninyo silang pakinggan at suportahan.
Habang minamahal at pinaglilingkuran ninyo ang iba, ang ilaw ng Tagapagligtas ay lalong lumiliwanag sa inyong kalooban at tatanglawan ang daan sa inyong harapan. Maaakit din nito ang iba na naghahangad ng liwanag ng Tagapagligtas. Sa pagsulong at pagtupad sa mga pangakong ginawa ninyo sa binyag, makakakita kayo ng maraming paraan na magagawa ninyong mas mainam at mas masaya ang mundong ito.