“Kung minsan pakiramdam ko ay sobrang mapunahin ang mga magulang ko sa akin. Paano ako makakatugon nang may paggalang?,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ene. 2023.
Mga Tanong at mga Sagot
“Kung minsan pakiramdam ko ay sobrang mapunahin ang mga magulang ko sa akin. Paano ako makakatugon nang may paggalang?”
Gumugol ng Oras na Magkakasama
Pinapayuhan ka at iwinawasto ng mga magulang mo dahil mahal ka nila at nais ka nilang tulungang magtagumpay. Kapag parang hindi makatarungan ang pagwawastong iyon, mag-ukol ng oras na kausapin nang personal ang mga magulang mo sa oras na pareho kayong kalmado. Makakakita ka ng pagkakataon na may isang bagay na pareho ninyong ginagawa na gusto ninyong gawin nang magkasama, tulad ng pagluluto o pag-eehersisyo. Nakakatulong ito para maanyayahan ang Espiritu sa pag-uusap.
Rebekah M., 17, Maryland, USA
Tandaan na Mahal Ka Nila
Kung natatandaan mo na iwinawasto ka at pinapayuhan ng mga magulang mo dahil mahal ka nila, mas madaling tanggapin ang pagwawasto nila sa iyo. Ang pag-usal ng maikling panalangin para hilingin sa Espiritu na tulungan kang manatiling magalang at mapagpakumbaba ay makakatulong sa iyo na makausap sila nang mas matino.
Lauren M., 16, Texas, USA
Nagpapagaling ang Katapatan
Ang mabuti at matapat na pag-uusap ay makakalutas sa lahat ng uri ng alitan. Maupo kayo ng mga magulang mo at kausapin sila. Sabihin sa kanila kung ano ang nakakasakit sa iyo, at pakinggan kung ano ang nagpapalungkot o nakakadismaya sa kanila. Mag-ukol ng mas maraming oras na magkasama, at linangin ang pagmamahal at kapayapaan sa inyong relasyon at tahanan. Kapag galit ka, hilingin sa Ama sa Langit na panatagin ang puso mo.
Rafaella P., 17, São Paulo, Brazil
Sabihin Mong Mahal Mo Sila
Maaari kang sumagot nang magalang, kahit mahirap gawin iyon. Sabihin sa mga magulang mo na mahal mo sila, na nagmamalasakit ka sa kanila, at na alam mong mahal ka nila. Ipaalam sa kanila na ang sinasabi nila ay nakakasakit sa iyong damdamin, espiritu, at isipan. Manalangin nang madalas. Tiyak na tutulungan ka ng Ama sa Langit.
Wellie S., 13, Luanda, Angola
Nakikita Nila ang Iyong Potensyal
Inaasahan ng Diyos ang pinakamabuti sa atin at nakikita ang ating tunay na potensyal. Kaya nga marami Siyang hinihingi sa atin. Nakikita rin ng mga magulang mo ang iyong potensyal at nais nila ang pinakamabuti para sa iyo at nais nilang magtagumpay ka! Maaaring hindi sila perpekto sa paghihikayat sa iyong pag-unlad, at hindi ka perpekto sa pagkakamit nito. Kausapin ang mga magulang mo nang matapat at mapagmahal, at gagabayan ka ng Espiritu na makaunawa.
Brooke T., 18, Arizona, USA
Mapagpakumbabang Makinig
Nitong huli ay sinikap ko nang makinig nang mas mabuti. Sinisikap kong makinig nang tahimik sa sasabihin ng mga magulang ko sa halip na makipagtalo o sumagot nang pabalang sa kanila. Kailangan ng maraming pasensya at pagpapakumbaba, pero ang paggawa nito ay magpapatatag sa relasyon mo sa iyong mga magulang at mas magkakaunawaan kayo.
Kami K., 18, Utah, USA