“Pagsulong Tungo sa Mas Masasayang Araw,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ene. 2023.
Tulong sa Buhay
Pagsulong Tungo sa Mas Masasayang Araw
Ang pag-asa, tulong, at paggaling ay para sa mga nakaligtas sa pang-aabuso.
Minsan ay lumipad ako palabas ng isang lugar na puno ng usok na mula sa isang kalapit na wildfire. Nang umangat ang eroplano, lumusot kami sa maalikabok na usok tungo sa maaliwalas at maaraw na kalangitan. Natanto ko na noon pa pala naroon ang maningning na araw at malinis na hangin, pero ang kakayahan kong matamasa ang mga iyon ay natakpan ng isang bagay na hindi ko kayang pigilan. Hindi ko kasalanan ang wildfire, pero naapektuhan pa rin nito ang buhay ko.
Ganyan ang pang-aabuso. Ang mga nakakaranas ng pang-aabuso ay hindi dapat sisihin kailanman, pero kailangan pa rin nilang harapin ang mga bunga nito. Maaaring malambungan ng pang-aabuso ang pagpapahalaga natin sa sarili at mahirapan tayong madama ang pagmamahal ng Diyos. Maaaring abutin ng mahabang panahon bago makalusot ang mga nakaligtas sa ulap ng mga kasinungalingan ni Satanas para muling makakonekta sa mga walang-hanggang katotohanan. Pero ang pag-asa, tulong, at paggaling ay makukuha sa bawat hakbang!
Isang Kuwento
Ang tatay ni Stacie1 ay mapang-abuso. Sinabi nito kay Stacie na hindi siya magiging mahusay sa anumang bagay kapag malaki na siya. Ipinadama sa kanya ng ama na wala siyang halaga.
Nang umalis si Stacie para mag-aral sa kolehiyo, nakapag-isip siya nang mas malinaw. Nagsimula siyang magsimbang muli at nadama ang pagmamahal ng Diyos para sa kanya at sa kanyang pamilya. Sa paglipas ng panahon, natagpuan niya ang tumitinding kapayapaan sa ebanghelyo at sa kanyang kaugnayan sa Tagapagligtas.
Tinatayang isang bilyong bata sa buong mundo ang makakaranas ng isang uri ng pang-aabuso ngayong taon.2 Dumaranas siguro kayo o ang iba pang mga kakilala ninyo ng isang karanasang tulad ng kay Stacie. Maaaring makatulong ang sumusunod na resources.
Kung Nakakaranas Kayo ng Pang-aabuso
Kung sinasaktan kayo, sabihin sana ninyo sa ibang tao ang nangyayari sa inyo. Dapat ninyong malaman na mahal kayo ng Diyos! At mahal din kayo ng mabubuting kapamilya, kaibigan, at miyembro ng Simbahan. Susuportahan nila kayo at tutulungang malampasan ito.
At tandaan sana ninyo, “Ang pang-aabuso ay hindi ninyo kasalanan kahit kailan. … Hindi kayo ang kailangang magsisi; hindi kayo ang responsable.”3
Sinabi ni Dr. Sheldon Martin, isang therapist sa Family Services ng Simbahan, na makakatulong sa mga nakaligtas ang magtuon sa mga walang-hanggang katotohanan ng kanilang nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap.
-
Nakaraan: “Mas maraming taong nagmamalasakit sa inyo kaysa sa alam ninyo,” sabi ni Dr. Martin, na binibigyang-diin na kayo una sa lahat ay anak ng mga magulang sa langit. Ang inyong walang-hanggang pamilya ay higit pa sa inyong mga kaugnayan sa mundo. At dagdag pa sa lakas at kapanatagan mula sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa Espiritu Santo, mayroon kayong mapagmahal na mga ninuno sa kabilang panig ng tabing na nagmamalasakit sa inyo at maaaring maglingkod sa inyo.
-
Kasalukuyan: “OK lang na mahalin ninyo ang inyong sarili ngayon,” sabi ni Dr. Martin, saan man kayo naroroon sa proseso ng paggaling. Normal lang na magalit, malungkot, o malito. Maging mapagpasensya sa inyong sarili.
-
Hinaharap: “Magiging mas maayos ang lahat,” sabi ni Dr. Martin. “Alam ko ito dahil kilala ko ang Tagapagligtas. Nagmamalasakit Siya sa inyo.” Gawin ang makakaya ninyo para manatiling malapit sa Kanya. Sa paggawa nito, mailalayo ninyo ang inyong sarili sa nakalalasong mga ugnayan at lalo pang madarama ang Kanyang kapayapaan at pagmamahal.
Kung Iniisip Ninyo na Nakakaranas ng Pang-aabuso ang Isang Kaibigan
-
Deretsahan silang tanungin ng, “May nananakit ba sa iyo?”
-
Pakinggang mabuti ang sinasabi nila. Pakitaan sila ng kabaitan at habag.
-
Ikuwento iyon sa isang taong makakatulong, tulad ng isang guro, magulang, counselor sa paaralan, o lider ng Simbahan.
-
Patuloy silang kaibiganin. Pakitunguhan sila nang normal. Tulungan silang magkaroon ng iba pang mabubuting kaibigan.
Patuloy na Sumulong
Ngayon, si Stacie ay isang matagumpay na propesyonal na may sarili nang mapagmahal na pamilya. May mga araw na mahirap pa rin, pero mas masaya na siya at mapagpatawad sa iba.
“Alam ko na mapapagaling ni Jesucristo ang lahat ng sugat natin,” sabi ni Stacie. Kung may isang bagay siyang ibabahagi sa iba pang mga nakaligtas, ito ay ang manatiling umaasa.
“Laging may pag-asa kay Cristo,” sabi niya, “maging sa gitna ng mga pagsubok na parang wala nang katapusan.”
Anumang mga hamon ang pinagdaraanan ninyo, patuloy na sumulong. Puspusin ng kabutihan at pananampalataya ang inyong buhay sa anumang mga paraang kaya ninyo. Mas masasayang araw ang naghihintay sa inyo!