2023
Sundan ang Tunay na Liwanag
Enero 2023


“Sundan ang Tunay na Liwanag,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ene. 2023.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Juan 1:1–5

Sundan ang Tunay na Liwanag

Ang liwanag ni Jesucristo ay laging nariyan para sa inyo—kahapon, ngayon, at magpakailanman.

Jesucristo

Consider the Lilies [Pansinin ang mga Liryo], ni Haley Miller

Habang papalubog ang araw sa isa pang araw ng Linggo noong 1948, natagpuan ko ang sarili ko na naglalakad sa tabi ng Trent River sa Nottingham, England. Ako ay 20-taong-gulang na missionary noon. Mahaba at nakakapagod ang araw na iyon, pero masaya ako at nasiyahan sa gawain.

Habang naglalakad ako sa tabi ng ilog, tahimik akong nanalangin. Umaasang makadarama ng patnubay mula sa Panginoon, itinanong ko, “Ginagawa ko po ba ang gusto Ninyo?”

Bigla akong nakadama ng malaking kapayapaan at pagkaunawa. Sa sandaling iyon mismo, nalaman ko na kilala at mahal ako ni Jesucristo. Wala akong nakitang pangitain o narinig na tinig, pero kung hindi dahil dito ay hindi sana lumakas nang ganito ang aking patotoo kay Cristo kahit tumayo pa Siya sa harap ko at tawagin ang pangalan ko.

Mula sa araw na iyon hanggang ngayon, bawat mahalagang desisyong nagawa ko ay naimpluwensyahan ng aking kaalaman na si Jesucristo ang Anak ng Diyos. Mahal ko Siya nang mas malalim at makapangyarihan kaysa maipapahayag ng mga salita. Siya ang aking Panginoon, aking Tagapagligtas, aking Manunubos, at aking kaibigan.

Sa paglipas ng mga taon at halos sa buong mundo, nakapagpatotoo ako tungkol sa Tagapagligtas. Alam ko na Siya ang tunay at walang-hanggang Liwanag na “lumiliwanag sa kadiliman” (Juan 1:5). Isang pribilehiyo para sa atin ang lumapit sa Kanya, sumunod sa Kanya, at madama ang Kanyang liwanag sa ating buhay.

Ang Katotohanan tungkol sa Liwanag

Kada 24 na oras, ang araw ay nagiging gabi at ang gabi ay nagiging araw. Kapag nararanasan natin ang kadiliman ng gabi, hindi tayo nag-aalala na wala na ang araw. Alam natin na ang mundo ay iikot at muli tayong sisikatan ng araw. Maaaring hindi natin palaging nakikita o nadarama ang liwanag, pero lagi iyong naroon.

Totoo rin ito sa espirituwal. Naalala ko ito maraming taon na ang nakararaan habang nakatingala kami ng asawa kong si Barbara sa kalangitan sa gabi. Tila pambihira ang ningning at ganda ng nakita naming milyun-milyong bituin. Pagkatapos ay natuon ang aking isipan nang may paghanga kay Jesucristo.

“Sa simula ay kasama na siya ng Diyos” (Juan 1:2). Sa patnubay ng Ama sa Langit, nilikha Niya ang mundo at ang mga daigdig na di-mabilang (tingnan sa Moises 1:33). Siya ang kapangyarihang nagbibigay-liwanag sa araw, sa buwan, at sa mga bituin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:7–10). Siya ang pinagmumulan ng ilaw at buhay ng lahat ng bagay (tingnan sa Juan 1:3–4; Doktrina at mga Tipan 93:10). Sabi Niya, “Ako ang ilaw ng sanlibutan. Ang sumusunod sa akin ay hindi kailanman lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay” (Juan 8:12).

Sa ating panahon, doble-kayod si Satanas para patayin ang ilaw ng Tagapagligtas. Pero kailanma’y wala kayong mapupuntahang lugar na napakadilim para hindi matanglawan ng liwanag ni Jesucristo kung lalapit kayo sa Kanya. Ang Kanyang liwanag ay laging nariyan.

umaga, tanghali, at gabi

Mga larawang-guhit ni Adam Nickel

Tinatanglawan Niya ang Ating Landas

Bilang Anak ng Diyos, si Jesucristo ay may kaluwalhatian kasama ng Diyos Ama “bago nagkaroon ng sanlibutan” (Juan 17:5). Siya ay ganap na masunurin sa Kanyang Ama (tingnan sa Juan 5:30) at kusang pumarito sa lupa. Tinalikuran Niya ang Kanyang kaluwalhatian para isilang sa isang hamak na kuwadra kung saan “binalot [Siya ng Kanyang ina] ng mga lampin, at inihiga sa isang sabsaban” (Lucas 2:7).

Noong Kanyang kabataan, Siya ay “nasa bahay [ng Kanyang] Ama” (Lucas 2:49) at namangha ang mga nakarinig sa Kanyang mga turo. Sa Kanyang ministeryo, Siya ay may kapangyarihang gumawa ng mga himala, magbasbas at magpagaling ng mga maysakit, muling bumuhay ng mga patay, at isagawa sa huli ang walang-hanggang Pagbabayad-sala.

Sa lahat ng nasabi at nagawa ng Tagapagligtas, lalo na sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, naipakita Niya sa atin ang daan patungo sa ating Ama sa Langit. Ang Kanyang halimbawa at mga turo ang tumatanglaw sa landas na dapat nating tahakin para makabalik sa ating tahanan sa langit.

Ibahagi ang Kanyang Liwanag

Kapag nadama natin ang liwanag ng Anak ng Diyos sa ating buhay, dapat nating sikaping ibahagi ang liwanag na iyon sa iba. Gustung-gusto ko ang pagiging missionary sa England noon. Gustung-gusto ko ang pagiging mission president sa Canada noon. At gustung-gusto ko ang kasalukuyan kong calling bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, na nagtutulot sa akin na magpatotoo tungkol kay Jesucristo sa buong mundo.

Itinuro ng Tagapagligtas, “Masdan, ako ang ilaw na inyong itataas—yaong kung alin ay nakita ninyong aking ginawa” (3 Nephi 18:24).

Ang liwanag ng Tagapagligtas ay nagniningning sa ating kalooban tuwing nagdarasal tayo at naghahangad na matamo ang Kanyang salita sa mga banal na kasulatan. Nagniningning ang Kanyang liwanag kapag tayo ay nagmamahal na tulad Niya, nagbabahagi ng ating patotoo, at nagbibigay ng di-makasariling paglilingkod. Iwinawaksi nito ang kadiliman sa ating buhay at inaakit ang iba na naghahangad ng Kanyang liwanag.

batang babae na may kasamang batang lalaking may hawak na ilaw

Ang Kanyang Liwanag ay Nagtatagal Magpakailanman

Ang liwanag ni Jesucristo ay laging nariyan para sa inyo. Walang anuman—talagang walang anuman—na makadaraig o makapapatay sa Kanyang liwanag. Magtatagal iyon magpakailanman. Si Jesucristo “ang ilaw at ang buhay ng daigdig; … isang ilaw na walang hanggan, na hindi maaaring magdilim” (Mosias 16:9).

Walang-hanggan ang pasasalamat ko sa karanasan ko bilang isang binatang missionary nang malaman ko ito mismo. Mas natitiyak ko ito ngayon dahil naranasan ko na ang lahat ng pagsubok at kagalakan dito sa buhay.

Kung hindi ninyo alam kung saan pupunta o ano ang gagawin, umasa sa tunay na liwanag ng Anak ng Diyos. Kung handa kayong lumapit sa Kanya at sundan ang Kanyang liwanag, tatanglawan Niya ang inyong landas.