“Kumonekta,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ene. 2023.
Kumonekta
Tojonirina R.
17, Madagascar
Ako si Tojonirina mula sa Antananarivo, Madagascar. Gustung-gusto kong makinig sa nakakapanatag na musika, magbasa ng mga aklat, at maglaro ng basketball at soccer.
Noong walong taong gulang ako, pinili kong magpabinyag. Nang ilubog ako sa tubig, nakadama ako ng espesyal na kaligayahang nagmula sa Espiritu. Hindi nagtagal matapos akong mabinyagan, pumanaw ang nanay ko. Nalungkot ako, na-depress, at pinanghinaan-ng-loob. Hindi dapat malaman ng sinumang bata kung ano ang pakiramdam ng mawalan ng ina.
Gayunman, pagkaraan ng tatlong taon ay nagpunta kami sa templo at nabuklod bilang pamilya. Bumalik ang espesyal na damdamin ng Espiritu noong araw na iyon, at nadama ko na katabi ko ang nanay ko sa templo. Nananalig ako na makikita ko siyang muli balang-araw.
Sinisikap kong alalahanin palagi ang nadama ko sa templo. Nananatili sa akin ang Espiritu sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga banal na kasulatan at pag-aaral tungkol sa mga pagpapala ng templo. Kapag sinusubukan akong lituhin ng mga makamundong mensahe, nag-aaral ako ng mga banal na kasulatan at nagtitiwala sa mga salita ng mga propeta. Hinihikayat at pinalalakas ng mga ito ang aking pananampalataya.