2023
4 na Paraan na Pinalalakas Ka ni Jesucristo
Enero 2023


“4 na Paraan na Pinalalakas Ka ni Jesucristo,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ene. 2023.

4 na Paraan na Pinalalakas Ka ni Jesucristo

Magagawa ko ang lahat ng bagay sa pamamagitan ni Cristo.
Filipos 4:13

Larawan
cairn

Sa buong mundo, nagagalak ang mga Kristiyano sa talatang ito: “Lahat ng mga bagay ay aking magagawa sa pamamagitan [ni Cristo na] nagpapalakas sa akin” (Filipos 4:13).

Kapag naririnig ito ng mga tao, maaaring isipin ng ilan sa kanila na ang ibig sabihin nito ay makakapasa sila sa anumang pagsusulit, mananalo sila sa anumang laro, at matutupad ang bawat pangarap nila. Pero hindi iyan ang itinuturo ng talatang ito.

Isinulat ito ni Apostol Pablo habang siya ay nasa bilangguan. Noong isa siyang bilanggo, maraming hindi magawa si Pablo, pero alam niya na mapapalakas siya ni Jesucristo para gawin ang pinakamahalaga.

Totoo rin ito sa iyo!

1 Pinalalakas Ka ni Cristo para Iyong Malaman

Binigyan ka na ni Jesucristo ng ilang mahahalagang paraan para malaman mo kung ano ang totoo. Itinuro na Niya sa ating lahat na manalangin sa tuwina (tingnan sa 3 Nephi 18:18) at itanong kung ano ang totoo (tingnan sa Moroni 10:4–5). Maaari mo ring mahanap at malaman kung ano ang totoo sa pamamagitan ng iyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

Ang panalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay naghahatid ng Espiritu sa iyong buhay. Maaaring mangusap ang Espiritu sa “iyong isipan at … sa iyong puso” (Doktrina at mga Tipan 8:2), “magpupuspos sa iyong kaluluwa ng kagalakan,” at “magbibigay-liwanag sa iyong isipan” (Doktrina at mga Tipan 11:13).

Sa ganitong mga paraan, maaari mong “pakinggan Siya”—pakinggan ang mga salita ng Tagapagligtas at sundin ang sinabi Niya. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na ito ang “huwaran para sa tagumpay, kaligayahan, at kagalakan sa buhay na ito.”1

2 Pinalalakas Ka ni Cristo para Iyong Magawa

Dumarating sa iyo ang lakas kapag nagsisikap kang sundin ang mga kautusan at gumawa ng mabubuting pagpili na humahantong sa kapayapaan at kaligayahan. Pinalalakas ka ni Jesucristo na gawin ito kahit mahirap gawin ang mga pagpiling iyon. Kung minsa’y maaari kang makagawa ng maling pagpili. Mabuti na lang, ginagawang posible ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang pagsisisi. Dahil kay Jesucristo, maaari kang maging malinis at makasumpong ng kagalakan. Mapapalakas ka Niya para “gumawa nang mas mahusay at maging mas mahusay”2 sa bawat araw.

3 Pinalalakas Ka ni Cristo para Iyong Madaig [ang mga Bagay]

Habang nasa bilangguan, isinulat ni Pablo: “Aking natutunan ang masiyahan sa anumang kalagayang aking kinaroroonan.

“Marunong akong magpakababa, at marunong din akong magpakasagana; sa bawat bagay at sa lahat ng bagay ay [natuto ako]” (Filipos 4:11–12).

Sa madaling salita, nalaman ni Pablo na, sa pamamagitan ni Cristo, madaraig niya ang kanyang mga pagsubok at hamon at matututo siya mula sa mga iyon. Mapapalakas ka ni Jesucristo para gawin din iyon.

Dumanas ang Tagapagligtas ng “mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso.” Inako Niya sa Kanyang sarili ang ating mga kahinaan upang “malaman niya … kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan” (Alma 7:11–12). Anuman ang iyong kinakaharap, mapapalakas ka ni Jesucristo para matiis at maisakatuparan ang mga bagay na hindi mo magagawang mag-isa.

4 Pinalalakas Ka ni Cristo para Maging

Ginawang totoo ni Jesucristo ang pagkabuhay na mag-uli para sa ating lahat, at ginagawa Niyang posible ang buhay na walang-hanggan para sa mga nagsisisi, tumatanggap ng mahahalagang ordenansa, at gumagawa at tumutupad ng mga tipang nauugnay sa mga ito. Kung wala si Cristo, hindi natin matutupad ang pinakagusto ng Ama sa Langit—na tayo ay maging higit na katulad Niya at ng Kanyang Anak na si Jesucristo, at makapiling natin Sila magpakailanman.

Larawan
Jesucristo

Maaari kang maging higit na katulad ni Jesucristo kapag nalaman mo ang tungkol sa Kanya, umasa at nagtiwala ka sa Kanya, at tinularan mo ang Kanyang halimbawa. Aakayin ka nitong mamuhay nang may higit na pananampalataya, pag-asa, pag-ibig sa kapwa, tiyaga, pagpapakumbaba, kadalisayan, at pagsunod. Lahat ng ito ay mga katangian ng Tagapagligtas.

Sa pagsisikap mong tularan si Jesucristo, Siya ang magiging pag-asa at liwanag mo na gagabay sa iyo na maging lahat ng alam Niyang maaari mong kahinatnan. At, kasama ni Pablo, masasabi mong, “Magagawa ko ang lahat ng bagay sa pamamagitan ni Cristo na nagpapalakas sa akin.”

Print