Digital Lamang: Mga Young Adult
Sa Pamamagitan ng Ating mga Bunga—Hindi sa Ating mga Ugat—Tayo ay Makikilala
Nagpasiya ako na hindi ko hahayaang pigilan ng di-perpektong ugnayan sa aking pamilya ang mga pagpapalang inilaan sa akin ng aking Ama sa Langit.
Isang malamig na gabi ng Oktubre, maraming ama at anak na lalaki ang nagpunta sa lumang Alpine Tabernacle para sa sesyon ng priesthood ng pangkalahatang kumperensya, at napuno pa nga maging ang malalambot na upuan ng choir. Naupo ako sa likuran ng malaking bulwagan—nang mag-isa, tulad ng dati. Mahirap na hindi mainggit sa iba pang mga batang lalaki na ang mga ama ay nakaakbay sa kanila. Walang sinumang magpapakita ng gayong pagmamahal sa akin. Ako ang 16-na-taong-gulang na batang lalaki mula sa “sirang tahanan.” Ako ang bata na ang ama ay iniwan ang kanyang pamilya, iniwanan ako ng isang nakakahiyang pamana ng kasalanan at kahihiyan.
Patuloy akong nagmasid habang papunta ang magkapatid na Beck sa pinakaitaas na hanay ng malalambot na upuan para sa koro, nakangiti at nagtatawanan, habang nauuna sa paglakad ang kanilang ama. Alam ko na malamang na magkakasama silang kakain ng ice cream pagkatapos ng miting. At alam ko rin na mag-isa akong maglalakad pauwi.
Ipinatong ko ang aking mga siko sa tuhod ko, at naupo ako nang hindi komportable sa pinakagilid ng bangkong kahoy, na nagnanais na matapos na ang miting bago pa man ito magsimula. Sinabi ko sa sarili ko, “Balang-araw, magiging isa ako sa mga ama na aakbayan ang kanyang mga anak na lalaki at aakayin sila papunta sa mga upuan ng koro; balang-araw, gagawin ko ang lahat ng bagay na hindi nagawa ng aking ama.” Isinumpa ko na maiiba ako sa pinakamaiinam na paraan—bubuo ako ng sarili kong pamilya, na walang mga pasanin ng kasiraang-puri at kahihiyan.
Pagkatapos, isang himala ang nangyari: sinabi ng tagapagsalita, na noon ay si Elder Boyd K. Packer (1924–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol, na gusto niyang talakayin ang isang paksa na dapat talakayin ng mga ama sa kanilang mga anak. Pero, sabi niya, alam niya na maraming binatilyo ang walang ama na makakausap tungkol sa mga sensitibong paksang ito, kaya gusto niyang magsalita sa mga kabataang lalaki mismo. Parang ako mismo ang pinatutungkulan ni Elder Packer at tila nagsalita nang direkta sa akin, na nagpapahiwatig na handa siyang maging ama na matagal ko nang inaasam.
Sa sandaling iyon mismo, nagpasiya ako na hindi ko hahayaan ang aking pinagmulan, personal na kalagayan, o di-perpektong ugnayan ng pamilya na maging hadlang sa lubusang pagtanggap ko ng mga pagpapala ng aking Ama sa Langit! Nang gabing iyon, humingi ako ng payo mula sa isang propeta, tagakita, at tagapaghayag. Siya ang magiging ama na hindi napasaakin. Bagama’t hindi ako nagkaroon ng pagkakataong makausap siya nang tuwiran, at hindi ko nadama ang kanyang bisig sa aking balikat, mula noon, aktibo akong naghanap ng payo mula sa kanyang mga pananalita, aklat, at tagubilin sa pagsisikap na madaig ang lahat ng hirap at kabiguang naranasan ko sa buhay.
Naghanap din ako ng iba pang mga lalaking maituturing kong ama at kapamilya. Si Enos mula sa Aklat ni Mormon ay naging kapatid ko na nagturo sa akin kung paano manalangin nang mas taimtim. Tinuruan ako ng kapatid kong si Nephi na sumunod nang hindi natitinag at harapin ang masasamang impluwensya nang may espirituwal na lakas. Si Alma ay naging guro ko at nagbigay ng matalinong payo, na tumulong sa akin na maging matapang ngunit hindi mapanupil at na iwasan ang katamaran. Tinuruan ako ni Moroni na pagtiisang mag-isa ang ilan sa mga unos ng buhay habang palagi akong nagsisikap na manatiling tapat at nananalig.
Ang paghahanap ko ng mga taong marapat na ituring na ama ay umakay rin sa akin sa iba pa na tumulong sa akin sa paggawa ng mga tamang desisyon, tulad ng mapagmalasakit na mga coach sa drama, debate, at football. Isang kahanga-hangang kapitbahay, si Brother Beal, ang tumulong sa akin sa pamamagitan ng pagsasabi sa kanyang asawa na regular akong gupitan ng buhok at paghihintay sa harapan ng bahay ko na may dalang mansanas tuwing Linggo ng umaga bago ako samahan sa priesthood meeting.
Nang lisanin ko ang tabernakulo nang gabing iyon, sa halip na mag-isa akong maglakad pauwi o madama na wala akong halaga dahil sa kakaibang sitwasyon ng aking pamilya, nakadama ako ng pag-asa at tibay ng loob: Maaari kong sabihin na may kaugnayan ako sa isang Apostol ni Jesucristo. Makalipas ang tatlumpu’t dalawang taon, halos sa mismong araw na iyon, inanyayahan kaming mag-asawa na makausap ni Elder Packer sa kanyang opisina. Ipinagkaloob sa akin ng Ama sa Langit ang biyaya na masabi kay Elder Packer kung gaano siya kahalaga sa aking buhay. Nang talakayin namin ang isang calling na maglingkod bilang mission president, nagbahagi ng karunungan at payo ang itinuturing kong ama na patuloy na tumutulong sa akin hanggang ngayon.
Patuloy akong ginagabayan ng mga Apostol. Itinuro ni Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Dumarating ang mga kagalakan sa mga pamilya, gayon din ang mga kalungkutan. Walang taong perpekto, gayon din ang alinmang pamilya. Kapag ang mga taong dapat magmahal, mangalaga, at magprotekta sa atin ay bigong gawin iyon, nadarama natin na pinabayaan tayo, nahihiya, nasasaktan. Ang pamilya ay maaaring maging isang bagay na walang laman. Subalit, sa tulong ng langit, maaari nating maunawaan ang ating pamilya at makipagkasundo sa isa’t isa.
“Kung minsan nakatutulong sa atin ang di-natitinag na katapatan sa matitibay na ugnayan ng pamilya upang magawa ang mahihirap na bagay. Sa ilang sitwasyon, ang komunidad ay nagiging parang kapamilya.”1
Mababasa natin sa mga banal na kasulatan na sa pamamagitan ng ating “mga bunga,” tayo ay makikilala at kikilalanin ng ating mapagmahal na Ama sa Langit (tingnan sa Mateo 7:16–20). Hindi tayo kikilalanin, hahatulan, o lilimitahan batay sa ating mga ugat. Ang ilan sa atin ay nagmula sa mga pinagmulan at karanasan sa buhay na hindi kanais-nais, ngunit hindi binibigyang-kahulugan o tinutukoy ng ating buhay ang ating tadhana. Ang ating makapangyarihang Ama sa Langit ang magtataas sa atin sa Kanyang mga hukuman sa langit kung lalapit lang tayo sa Kanyang Anak na si Jesucristo sa pamamagitan ng pagiging masunurin at pagtupad sa ating mga tipan.
Dapat ninyong malaman na sinuman kayo at anuman ang inyong kakaibang personal na kalagayan, bawat pagpapala ay makakamtan ninyo sa pamamagitan ng inyong tapat na paglalakbay sa landas ng tipan.