2023
Paano Kung Hindi Ako Kabilang sa Plano ng Ama sa Langit?
Enero 2023


Digital Lamang: Mga Young Adult

Paano Kung Hindi Ako Kabilang sa Plano ng Ama sa Langit?

Madalas kong itanong sa sarili ko ang bagay na ito, pero natanto ko na lahat ay kabilang sa kaharian ng Diyos.

lalaking nakatingin sa paglubog ng araw

Larawang kuha ng Unsplash

Noong binata pa ako at dumadalo sa aking YSA ward, naharap kami ng marami sa mga kaibigan ko sa maraming hamon nang pagsikapan naming tumanggap ng mga pagpapala ng walang-hanggang kasal at pamilya na natutuhan namin sa ebanghelyo ni Jesucristo. Ang ilan sa mga kaibigang ito ay hindi nakapag-asawa nang mas matagal kaysa gusto nila, ang iba ay nag-asawa na pero biglang nabalo o nadiborsyo, at ang iba ay naharap sa matitinding hamon sa kalusugan na pumigil sa mga pagkakataon nilang makapag-asawa o magkaroon ng sarili nilang mga anak.

Sa iba’t ibang paraan, nahirapan kaming panatilihin ang aming pananampalataya sa kabila ng kawalan ng pag-asa at nasirang mga pangarap.

Noong una, pag-uwi ko mula sa aking misyon, inasam kong makapag-asawa kaagad. Kailan ko lang natanggap na naaakit ako sa kaparehong kasarian at nagpasiya ako na manatiling tapat sa landas ng tipan at magkaroon ng magandang pananaw tungkol sa aking kinabukasan sa ebanghelyo sa halip na sumuko. Ngunit naging hamon pa rin ang makipagdeyt sa kababaihan. At sa paglipas ng mga taon pagkatapos ng aking misyon, naglaho ang pag-asa kong makapag-asawa at sa halip ay parang imposible iyong mangyari.

Mayroon akong patotoo tungkol sa doktrinang itinuro sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak,1 ngunit kung minsan ay masakit basahin ito dahil tila hindi posible para sa akin ang magandang walang-hanggang pamilyang inilalarawan nito.

Inisip ko kung saan kami lulugar ng mga kaibigan ko sa plano ng Ama sa Langit.

Alam ng Panginoon ang Nangyayari sa Atin

Isang gabi habang pinanghihinaan ako ng loob dahil sa mga pagsubok, nanaginip ako. Sa panaginip, nakadama ako ng matinding pagmamahal. Nanaginip ako na inanyayahan ako ng Diyos na humingi sa Kanya ng pagkain, at sa panaginip, natulog ako at bumangon at naroon na ang pagkain. Napakalinaw ng panaginip kaya nang magising ako, halos nagulat ako na walang pagkain sa paanan ng kama ko. Ang panaginip ay nag-iwan sa akin ng lubos na pananalig na pinangangalagaan at patuloy akong pangangalagaan ng Diyos. 

Buong araw kong naisip ang panaginip, at naalala ko ang tungkol sa isang matandang propeta sa Lumang Tipan na natulog at nagising na may pagkain na ibinigay ng isang anghel, ngunit hindi ko maalala kung sino siya. Ninais kong hanapin ang kuwento sa aking mga banal na kasulatan nang gabing iyon, ngunit nahikayat akong buksan ang Ensign at basahin muna ito. Nang buksan ko ang magasin, napansin ko ang isang magandang ipinintang larawan sa loob ng pabalat sa likod. 

Ang ipinintang larawan ay ang An Angel Came to Elijah [Isang Anghel ang Nagpakita kay Elijah], ni Walter Rane, at inilarawan nito ang eksaktong kuwento sa Lumang Tipan na sinisikap kong alalahanin.

Nagulat ako. Paanong nangyari ito?

Ang kuwentong hinahanap ko ay matatagpuan sa 1 Mga Hari 19. Ang propetang si Elijah ay pagod na pagod mula sa patuloy na pagtakas. Handa na siyang sumuko at humiling sa Panginoon na kunin ang kanyang buhay at pagkatapos ay humiga sa ilalim ng isang puno ng juniper para matulog (tingnan sa talata 4). Pagkagising niya ay nakakita siya ng tubig at mainit na tinapay, na kinain niya, at pagkatapos ay natulog siyang muli. Pagkatapos, sa ikalawang pagkakataon, ginising siya ng isang anghel at sinabing, “Bumangon ka at kumain; kung hindi, ang paglalakbay ay magiging napakahirap para sa iyo” (talata 7). At nang gawin niya ito, kalaunan siya’y “humayo na taglay ang lakas mula sa pagkaing iyon sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi” (talata 8).

Lalo pa akong namangha nang, sa isyu ng magasing iyon, may isang artikulo tungkol sa pagkaakit sa kaparehong kasarian.2

Namangha ako sa pagmamahal sa akin ng Panginoon. Pinagtibay ng Espiritu Santo na ang mga inspiradong salitang ito mula sa ibang tao ay lubos na napapanahon at para sa akin. Hindi ko maikakaila na inalala ako ng Diyos at ibibigay Niya ang aking mga pangangailangan kung patuloy akong susunod sa Kanya.

Pagsunod kay Jesucristo ang Mahalaga

Tulad ni Elijah, may mga sandali na nadama ko na masyadong mahirap ang paglalakbay ko. Pero nadama ko na mahal na mahal ako at naunawaan ng Panginoon sa sandaling iyon. Alam ko na naunawaan Niya ang aking sitwasyon at na mahalaga sa Kanya ang aking pagdurusa. At kung kinain ko ang espirituwal na pagkain na tanging Siya lamang ang makapagbibigay, tatanggap ako ng lakas na magpatuloy sa aking paglalakbay.

Natutuhan ko kapwa sa mga pagsubok at espirituwal na karanasan na hindi tayo pinipigilan ng pagkakaroon ng maraming sagabal sa daan at ng mga maling pagpapasiya sa buhay na makabilang sa plano ng Ama sa Langit.

Natutuhan ko na ang pamumuhay nang may pananampalataya kay Jesucristo ang pinakadakilang plano sa buhay! Kung nabubuhay tayo nang may pananampalataya at tinutupad natin ang ating mga tipan, anuman ang ating personal na sitwasyon o sitwasyon ng pamilya, sumusulong tayo sa Kanyang plano.

Paglakad na kasama ni Cristo

Tulad ko at ng napakarami sa mga kaibigan ko sa YSA ward na paminsan-minsang nahirapang manampalataya sa hinaharap, marami akong kilala na may natatanging mga sitwasyon na nagpapadama sa kanila na hindi sila kabilang sa plano ng kaligtasan ng Diyos. Pero nang mapalalim naming magkakaibigan ang aming katapatan sa ebanghelyo at umasa kami sa Tagapagligtas sa mga plano namin sa buhay, nadama at nasaksihan namin ang Kanyang pagmamahal, patnubay, at mga himala.

Sabi nga ni Pablo sa 2 Corinto 5:7, “Sapagkat [tayo] ay lumalakad sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin.” Anumang mga kabiguan, hindi natupad na mga inaasahan, o paghihirap ang dumating sa atin, kung mananampalataya tayo at pahahalagahan natin ang ating mga tipan, hindi lamang tayo ganap na kabilang sa Kanyang plano para sa Kanyang mga anak, kundi tayo rin ay “nayayakap magpakailanman ng mga bisig ng kanyang pagmamahal” (2 Nephi 1:15).

Bagama’t maaariing sabik tayo sa paggawa ng mabuting bagay at sa paggawa ng Kanyang gawain (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 58:27), ang Kanyang plano ay hindi nilayon para mag-alala tayo kapag may mga bagay na nangyayari sa ating buhay na hindi naaayon sa plano natin. Sa halip, nais Niyang magtiwala tayo sa Kanya, makipagtipan sa Kanya, gabayan natin ang isa’t isa pabalik sa Kanya, at magalak at lumago sa pamamagitan ng ating mga natatanging karanasan sa mortalidad.

Iyan ang diwa ng plano ng Diyos: ang akayin tayo sa landas ng tipan at tanggapin ang bawat isa sa atin pabalik sa Kanyang mapagmahal na mga bisig. At kapag sinusunod natin Siya, talagang makikita natin na bawat isa sa atin ay talagang kabilang sa Kanyang plano.

Mga Tala

  1. Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” SimbahanniJesucristo.org.

  2. My Battle with Same-Sex Attraction,” Ensign, Ago. 2002, 49–51.