Digital Lamang
Limang Mensaheng Kailangang Marinig Nating Lahat
Ang dalawang dakilang utos ang sentro ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang mga ito ang saligan ng kung sino tayo bilang Kanyang mga alagad.
Bagama’t maaaring magkakaiba ang ating sitwasyon, ang ating puso ay hindi. Dahil dito, may mga mensahe na kailangang marinig ng lahat ng anak ng Diyos. Gusto kong ibahagi sa inyo ang lima sa mga mensaheng ito—mga katotohanan at payo na nangungusap sa ating lahat.
1. Lumapit sa liwanag.
Noong airline captain ako, kung minsan ay pinalilipad ko ang aking Boeing 747 mula Germany patungong West Coast ng Estados Unidos. Sa mga paglipad na iyon pakanluran, tila walang katapusan ang araw. Umalis kami sa Germany nang ala-1:00 n.h., at pagkaraan ng 10 oras ay nakarating kami sa California—nang alas-2:00 n.h. sa araw ding iyon! Hindi namin nakita ang paglubog ng araw.
Kabaligtaran ang nangyayari kapag lumilipad pasilangan. Mas mabilis ang paglubog ng araw kaysa karaniwan. Kapag umalis kami ng ala-1:00 n.h., sa loob lamang ng ilang oras, nilalamon na kami ng napakadilim na gabi. Subalit, dahil sa aming direksyon at bilis, ilang oras pa ay nalilibutan na kami ng nakakasilaw at kadalasa’y nakakabulag na liwanag.
Naglakbay man ako pakanluran o pasilangan, hindi kailanman nagbago ng takbo ang araw. Hindi ito nagbago ng posisyon, matatag ito sa kalangitan, at nagbibigay ng init at liwanag sa lupa.
Ang pagkadama sa init at pagkakita sa liwanag na iyon ay nakadepende sa aking lokasyon, direksyon, at bilis.
Gayundin, ang Diyos ay nasa Kanyang kalangitan. Hindi Siya nagbabago kailanman, ngunit tayo ay nagbabago.
Kailangan nating lahat ang liwanag ng Diyos sa ating buhay, ngunit lahat tayo ay may mga sandali kung kailan nadarama natin na nasa kadiliman tayo.
Kapag dumarating ang mga panahong iyon, makatitiyak tayo na ang Diyos, tulad ng araw, ay laging nariyan. Kapag ibinaling natin ang ating puso sa Kanya, niyayakap Niya tayo at pinupuspos ang ating kaluluwa ng init, kaalaman, at patnubay.
2. Mas mahusay kayo kaysa inaakala ninyo.
Palaging ginagamit ng Panginoon ang maliliit at mahihinang bagay ng mundo upang isakatuparan ang Kanyang maluluwalhating layunin (tingnan sa Alma 26:12; 37:6).
Naniwala si Jeremias na napakabata pa niya para maging propeta (tingnan sa Jeremias 1:6–7).
Nagduda si Moises sa kanyang sarili dahil hindi siya mahusay magsalita (tingnan sa Exodo 4:10–12).
Nadama ni Enoc na hindi sapat ang husay niya para mangaral ng pagsisisi dahil, sa kanyang mga salita, “kinamumuhian ako ng lahat ng tao” (Moises 6:31).
Madalas ay pinakamarami ang naisasakatuparan ng Panginoon sa pamamagitan ng mga taong nakadarama na sila ang may pinaka-kakaunting maiaambag. Kumuha siya ng isang batang pastol at ginawa siyang malakas sa pagpatay sa isang napakalaking higante at sa pamumuno sa isang maliit na bansa tungo sa kadakilaan (tingnan sa 1 Samuel 17).
Sa ating dispensasyon, pumili ang Diyos ng isang hindi nakapag-aral na batang magsasaka at tinuruan siya hanggang sa siya ay maging dakilang propeta sa mga huling araw na nagpasimula ng isang kagila-gilalas at kamangha-manghang gawain na lumalaganap ngayon sa lahat ng bansa sa mundo.
Marahil ay mas mababa ang tingin natin sa ating sarili kaysa sa tunay nating halaga. Hindi karapat-dapat. Walang talento. Hindi espesyal. Hindi nagtataglay ng puso, isipan, kabuhayan, karisma, o pangangatawan para magkaroon ng malaking silbi sa Diyos.
Hindi ka kamo perpekto? Marami tayo! Maaaring ikaw mismo ang taong hinahanap ng Diyos.
Pinipili ng Panginoon ang mapagpakumbaba at maamo—kahit paano dahil sila ay mapagpakumbaba at maamo. Sa ganitong paraan, hindi nagkaroon ng pag-aalinlangan kailanman tungkol sa dahilan ng kanilang tagumpay. Naisasagawa ng kahanga-hanga at karaniwang mga taong ito ang mga dakilang bagay hindi dahil sa inyo kundi dahil sa Diyos! Sapagkat “ang mga bagay na hindi magagawa ng mga tao ay magagawa ng Diyos” (Lucas18:27; tingnan din sa Marcos 10:27).
Hindi kailangan ng Diyos na maging pambihira kayo, lalo na ang maging perpekto.
Tatanggapin Niya ang inyong mga talento at kakayahan at pararamihin ang mga iyon—kahit tila kakaunti ang mga iyon na katulad ng ilang tinapay at isda. Kung magtitiwala kayo sa Kanya at magiging tapat, palalakihin Niya ang epekto ng inyong mga salita at kilos at gagamitin ang mga iyon para pagpalain at paglingkuran ang maraming tao! (tingnan sa Juan 6:8–13).
Hindi kailangan ng Diyos ng mga taong perpekto.
Ang hinahanap Niya ay ang mga handang ihandog ang kanilang puso at may pagkukusang isipan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 64:31–34), at gagawin Niya silang ganap kay Cristo (tingnan sa Moroni 10:32–33).
3. Matutong mahalin ang Diyos at ang isa’t isa.
Nang tanungin ng isang Fariseo si Jesus kung alin ang pinakadakila sa mga kautusan, nilinaw ng Tagapagligtas nang lubusan ang dapat nating unahin bilang mga indibiduwal at bilang isang Simbahan:
-
Mahalin ang Diyos (tingnan sa Mateo 22:37).
-
Mahalin ang inyong kapwa (tingnan sa Mateo 22:39; tingnan din sa mga talata 34–40).
Iyan ang sentro ng ebanghelyo. Ito dapat ang maging sentro ng bawat pagsisikap natin bilang isang Simbahan at bilang mga disipulo ni Jesucristo.
Napakalawak at napakayaman ng sakop ng ebanghelyo kaya habambuhay man natin itong pag-aralan ay kakaunti pa lamang ang natutuklasan natin. Lahat tayo ay may kinagigiliwang mga paksa o alituntunin nang higit kaysa sa iba. Natural, iyon ang mga bagay na nakakaakit sa ating interes, pinag-uusapan, at binibigyang-diin natin sa ating paglilingkod sa Simbahan.
Mahalaga ba ang mga alituntuning iyon? Oo.
Ngunit makabubuting isipin natin kung ang mga ito ba ang pinakamahalaga .
Tinipon ng mga sinaunang Fariseo ang daan-daang patakaran at kautusan mula sa mga sagradong kasulatan. Pinagsikapan nilang sistematikong isulat ang mga iyon, sundin ang mga iyon, at igiit sa iba na ipamuhay ang mga iyon nang may katumpakan. Naniwala sila na ang mahigpit na pagsunod sa pinakamaliit sa mga pamamaraang ito ay aakay sa mga tao papunta sa Diyos.
Saan sila nagkamali?
Nawala ang tuon nila sa pinakamahalaga.
Nakaligtaan nila ang pinakamahalaga para sa kanilang walang-hanggang layunin.
Ipinalagay nila na ang napakaraming batas ay magliligtas sa kanila sa halip na tumulong sa kanila na maligtas.
Madali ba tayong makagawa ng gayong pagkakamali ngayon? Kung mag-uusap-usap tayo, sigurado ako na makakapagtipon tayo ng isang listahan ng mga inaasahan sa mga huling araw na maikukumpara o marahil ay hihigit pa sa mga natipon noong unang panahon.
Hindi natin sinasabi na ang mga panuntunan at paksang ito ng ebanghelyo ay hindi mahalaga o walang halaga. May layunin ang mga ito. Ang mga ito ay bahagi ng isang kabuuan.
Maaari tayong akayin ng mga ito tungo sa pinakamahalaga, ngunit hindi ang mga ito ang pinakamahalaga.
Ang mga ito ay mga sanga ng puno, ngunit hindi ang puno. At kung ang mga ito ay mahiwalay sa puno, hindi sila magkakaroon ng buhay. Matutuyot at mamamatay ang mga ito. (Tingnan sa Juan 15:1–12.)
Kapag nakaharap natin ang Tagapagligtas sa hukumang-luklukan, mananagot tayo sa kung paano natin ipinamuhay ang dalawang dakilang utos.1
Talaga bang hinanap natin ang Diyos? Minahal ba natin Siya nang buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas?
Minahal ba natin ang ating mga pamilya, kaibigan, at kapwa? Paano natin ipinamalas ang pagmamahal na iyon?
Itinatangi natin ang lahat ng alituntunin ng ebanghelyo. Tayo ay “nabubuhay sa bawat salita na nagmumula sa bibig ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 84:44). Subalit kailangan nating palaging tandaan na ang “buong kautusan at ang mga propeta” ay nakaturo sa dalawang dakilang kautusan (Mateo 22:40).
Ito ang sentro ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ito ang saligan ng kung sino tayo bilang Kanyang mga alagad.
4. Ang pakikipag-away ay hindi maiiwasan; ang pakikipagtalo ay ipinapasiya.
Kung minsan iniisip natin kung gaano kasaya sana ang buhay kung wala tayong gaanong oposisyon.
Si Jesucristo—ang ating huwaran ng pagiging perpekto—ay hindi namuhay nang walang kaaway. May mga kumontra sa Kanya sa Kanyang buong ministeryo, at sa mga huling oras Niya ay ipinagkanulo Siya ng isang kaibigan, pinaratangan ng mga huwad na saksi, siniraan, binugbog, duguan, at ipinako sa krus.
Ano ang Kanyang naging tugon?
Sa ilan, wala Siyang sinabi.
Sa iba, sinabi Niya ang simpleng katotohanan—hindi nang pagalit kundi sa kalmadong karingalan.
Nang makipagtalo sa Kanya ang iba, nanatili Siyang matibay sa Kanyang pananalig—na nagtitiwala sa Kanyang Ama, panatag sa Kanyang patotoo, matibay sa katotohanan.
Ang pakikipag-away ay hindi maiiwasan. Isang kalagayan ito ng mortalidad. Bahagi ito ng ating pagsubok.
Gayunman, ang pakikipagtalo ay ipinapasiya. Isang paraan ito na pinipili ng mga tao sa pagtugon sa pakikipag-away. At makakapili tayo ng mas magandang paraan.
Ang ating mundo ay nag-uumapaw sa pagtatalo. Mayroon tayong 24/7 na access dito: sa balita, sa social media—at, paminsan-minsan, kahit sa mga relasyon natin sa ating mga mahal sa buhay.
Hindi natin mababago ang tindi ng kapaitan, poot, o galit ng iba.
Gayunman, maaari nating piliin ang ating tugon.
Siyempre pa, madaling sabihin iyan pero mahirap gawin.
Ang pag-iwas na makipagtalo sa mga taong nakikipagtalo ay nangangailangan ng malaking disiplina. Pero iyan ang kahulugan ng pagiging disipulo. Itinuro ni Jesus: “Siya na may diwa ng pagtatalo ay hindi sa akin, kundi sa diyablo, na siyang ama ng pagtatalo. … Ito ang aking doktrina, na ang mga gayong bagay ay maiwaksi” (3 Nephi 11:29–30).
Kapag nangungusap ang Diyos—maging kapag tinatawag Niya tayong magsisi—ang Kanyang tinig ay malamang na hindi “tinig ng kulog, ni … tunog man ng napakalakas na ingay, [kundi] … tahimik na tinig nang ganap na kahinahunan, [tulad ng] isang bulong, [na tumatagos] maging sa kaluluwa mismo” (Helaman 5:30).
Bilang mga alagad ni Jesucristo, tinutularan natin ang halimbawang ito. Hindi natin hinihiya o inaatake ang iba. Hangad nating mahalin ang Diyos at paglingkuran ang ating kapwa. Hangad nating masayang sundin ang mga utos ng Diyos at ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo. At inanyayahan natin ang iba na gayon din ang gawin.
Hindi natin mapipilit ang sinuman na magbago. Ngunit maaari natin silang mahalin. Maaari tayong maging halimbawa ng diwa ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. At maaanyayahan natin ang lahat na pumarito at mapabilang.
Kapag ininsulto tayo ng iba, gumaganti ba tayo?
May mas magandang paraan.
Sa ilan, wala tayong sinasabi. Sa iba, sinasabi natin nang may tahimik na dignidad kung sino tayo, ano ang ating pinaniniwalaan, at bakit tayo naniniwala. Kumpiyansa tayo sa ating pananampalataya sa Diyos, nagtitiwala na tutulungan Niya tayo sa ating mga pagsubok.
Gawin natin ang gawain ng ating Ama.
May sapat na tayong gawain para matularan si Cristo. Ginagawa natin iyan sa pamamagitan ng pagkatutong mahalin ang Diyos at pagtulong na pagpalain ang iba.
Oo, magkakaroon pa rin ng mga pakikipag-away. Ngunit nangako ang ating makapangyarihang Ama sa Langit na Siya ang lalaban sa ating mga pakikidigma para sa atin (tingnan sa Exodo 14:13–14; Deuteronomio 3:21–22; Mga Awit 20:6; 34:17; Mga Kawikaan 20:22).
5. Ang ating Ama sa Langit ay isang Diyos ng mga bagong simulain.
Hangga’t naglalakad tayong mga mortal sa kahanga-hanga at magandang planetang ito, makakagawa tayo ng mga pagkakamali. Hindi na ito ikinagugulat ng Diyos.
Dahil dito, isinugo Niya ang Kanyang Bugtong na Anak na isisilang sa isang mortal na babae, mamumuhay nang sakdal, at gagawa ng isang dakila at walang-hanggang sakripisyo na maglilinis sa atin mula sa kasalanan at nagbubukas ng pintuan tungo sa kabanalan, kapayapaan, at kaluwalhatian sa buong kawalang-hanggan kapag tayo ay nagsisisi at nananampalataya sa Kanya.
Dahil kay Jesucristo, ang ating mga pagkakamali, ang ating mga kasalanan—maging ang ating mga kalungkutan, pasakit, kabiguan, at kasiphayuan sa araw-araw—ay mapaghihilom. Dahil sa ating Tagapagligtas, hindi kailangang maging hadlang sa atin ang gayong mga bagay sa pagtupad sa ating banal na tadhana!
Inaanyayahan tayo ng Tagapagligtas, “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan” (Mateo 11:28). Nag-aalok Siya ng kapatawaran at lakas para magpakabuti. Dahil kay Jesucristo, maaari nating iwan ang ating mga pasanin, na nagpapasiya bawat araw na mas sumunod sa Kanya.
Ang ating Ama sa Langit ang Diyos ng mga bagong simulain. Bawat araw, bawat oras, ay maaaring maging isang bagong simula—isang pagkakataong panibaguhin ang ating sarili sa Banal na Espiritu at maging mas mahusay sa pamumuhay bilang tunay at tapat na mga disipulo ng Tagapagligtas. Ang Kanyang ebanghelyo ang mabuting balita na maaari tayong magsimulang muli—maaari tayong maging mga bagong nilalang kay Cristo (tingnan sa 2 Corinto 5:17).
Hindi ko ipinahihiwatig na maliitin o balewalain natin ang ating mga kasalanan at pagkakamali. Hindi natin ipinagwawalang-bahala o sinusubukang itago ang mga iyon.
Bagkus, para matanggap ang kapatawaran ng Diyos, kailangan nating ipagtapat ang ating mga kasalanan. Kapag lubos at matapat nating inamin ang ating mga kahinaan, saka lamang tayo matututo mula sa mga iyon at madaraig natin ang mga iyon. Kailangan nating suriin nang may pagpapakumbaba kung saan tayo naroon bago natin mabago ang takbo ng ating buhay at sumulong tungo sa nais nating puntahan.
Sa madaling salita, kailangang magsisi tayo!
Kapag tumatanggap tayo ng sakramento, inaalala natin ang tipang ginawa natin sa binyag na tataglayin sa ating sarili ang pangalan ng Tagapagligtas at lalakad sa landas ng pagkadisipulo. Lumalapit tayo sa luklukan ng awa ng Diyos at, may pagpapakumbaba, inaalay natin ang ating mga kasalanan sa Kanyang harapan bilang handog na sakripisyo at nagsusumamo para sa Kanyang awa. Nangangako tayong muli na mamahalin at paglilingkuran natin Siya at mamahalin at paglilingkuran natin ang iba. Hinihiling natin ang Kanyang pagpapala kapag inilalaan natin ang ating mga iniisip at ginagawa sa paglilingkod sa Kanya.
Gawin ito, at madarama ninyo ang kamay ng Diyos na nakaunat sa inyo. Pagkakalooban kayo ng Diyos ng sansinukob ng lakas at motibasyon na magpakabuti.
Magkakaroon ng mga pagkakamali at pagkatisod sa hinaharap. Ngunit tulad ng pagsikat ng araw na naghuhudyat ng pagsisimula ng isang bagong araw, bawat pagkakataon na nagsisisi tayo ay muli tayong nagsisimula sa ating landas ng pagkadisipulo.
Maaari tayong magsimulang muli.
Nasasabik ang Diyos na lumapit tayo sa Kanya. Sapat ang Kanyang awa para paghilumin ang ating mga sugat, bigyang-inspirasyon tayong sumulong, linisin tayo mula sa kasalanan, palakasin tayo para sa mga pagsubok na darating, at biyayaan tayo ng pag-asa at ng Kanyang kapayapaan.
Kung hinahangad natin ito nang buong puso, gagabayan tayo ng Diyos sa buhay na ito, at maghihintay Siya nang bukas ang mga bisig para yakapin tayo sa Pagkabuhay na Mag-uli.
Anuman ang ating mga pagkukulang, anuman ang ating mga kapintasan, mapaghihilom, mabibigyang-inspirasyon, at malilinis tayo ng Diyos.
Siya ang Diyos ng mga bagong simulain.
Tulad ninyo, ako ay isang hamak na manlalakbay na hindi perpekto sa pagsisikap na tahakin ang landas ng pagkadisipulo at umaasang matutupad ang dakilang hangarin ng ating Ama sa Langit—na makabalik sa Kanya at mabuhay, kasama ninyo, “sa kalagayan ng walang katapusang kaligayahan” (Mosias 2:41).
Dalangin ko na makasumpong kayo ng pag-asa, lakas, at kagalakan sa inyong paglalakbay, na mahanap ninyo ang Diyos at mahalin Siya nang buong puso habang sinisikap ninyong pagpalain ang buhay ng iba.
Mula sa isang mensaheng ibinigay sa BYU Education Week noong Ago. 17, 2021, na pinamagatang “Five Messages That All of God’s Children Need to Hear.”