2023
Ang Kapangyarihang Magpabangon
Marso 2023


“Ang Kapangyarihang Magpabangon,” Liahona, Mar. 2023.

Ang mga Himala ni Jesus

Marcos 5:22–24, 35–42

Ang Kapangyarihang Magpabangon

Makakatulong tayong iangat ang mga naghihintay ng pagliligtas ng Tagapagligtas.

mga taong magkahawak-kamay

Talo. Na naman. Sumalampak ako sa aking upuan habang nakayuko ako nang husto. Nanonood lang ako, pero wala pa rin akong lakas na tumayo. Nagsikap nang husto ang team namin. Ang ilan ay nagkaroon ng pasa. Ang ilan ay iika-ika paalis sa field. Pagkaraan ng sunud-sunod na pagkatalo ng aming high school soccer team, hindi lang kami natalo—pinanghinaan pa kami ng loob.

Nang tila nadaig ako ng aking kalungkutan, dumaan ang isa sa mga pinakabatang babae sa team. Agad akong naakit sa diwa ng layuning nakita ko sa kanyang mukha.

Nanood ako habang sa bawat ilang hakbang ay kinamayan niya ang bawat batang babae, pero hindi sa pag-amin ng pagkatalo. Sa halip, nagbigay siya sa bawat isa ng papuri, pag-alo, at habag. “Noon lang kita nakitang tumakbo nang napakabilis para makarating doon sa bawat pagpasa. Iyon ang pinakamagandang laro mo.” At sa isa pa, “Wow, pambihira. Seryoso, ang galing-galing mo ngayon!”

Sa bawat apir, nakahawak ang isang kamay niya sa kamay nila, habang nakapatong ang kabilang kamay niya sa isang balikat o marahan niyang tinatapik ang binting nagkapasa at narumihan ng damo. Ramdam ko na may isang bagay sa kanyang kalooban, isang kapangyarihan na kahit paano’y nalipat mula sa kanya patungo sa puso ng bawat miyembro ng team. Nagsimulang mapalitan ng ngiti ang masasakit na pagngiwi at kabiguan. Dahan-dahan, isa-isa, tumayo ang bawat player na may panibagong damdaming dama sa paligid.

Sino ang nagmalasakit sa mga pasa at sakit? Sino ang nagmalasakit sa galit at pagkabigo? Wala ni isa. Ngunit paano maiaangat ng isang kamay lang ang isang tao mula sa pagdurusa tungo sa buhay na may layunin at lakas?

Hayaan ninyong magbahagi ako ng ilang bagay na natutuhan ko tungkol sa kapangyarihan ng Tagapagligtas na mag-angat at paano tayo makakatulong, tulad ng kaibigan ko sa soccer team.

Sa Bagong Tipan, mababasa natin ang sumusunod na salaysay tungkol sa anak na babae ni Jairo.

“Pagkatapos ay dumating ang isa sa mga pinuno ng sinagoga na nagngangalang Jairo. Pagkakita sa kanya [kay Jesus], nagpatirapa siya sa kanyang paanan,

“At nagsumamo sa kanya, na sinasabi, ‘Ang aking munting anak na babae ay naghihingalo. Pumaroon ka at ipatong mo ang iyong mga kamay sa kanya upang siya’y gumaling at mabuhay.’

“[At si Jesus ay] sumama sa kanya” (Marcos 5:22–24).

“At si Jesus ay sumama sa kanya”

Gustung-gusto ko ang linyang “si Jesus ay sumama sa kanya” (Marcos 5:24). Hindi pa nangyari noon ang himala. Sa katunayan, magkakaroon ng ilang nakapanlulumong pagkaantala bago matanggap ng pamilya ang pagliligtas na kanilang isinasamo. Pero kasama na nila si Cristo sa paglalakbay.

Kapag kailangan natin yaong hindi natin magagawa para sa ating sarili, maaari tayong magtiwala na darating si Jesus. At maaari tayong magtiwala na kapag naghintay tayo nang may pananampalataya sa Kanyang mga himala sa buhay natin o ng ating mga mahal sa buhay, susuportahan Niya tayo. Sasamahan Niya tayo sa buong pagkabalisa at pangamba at kalungkutan na maaaring naghihintay sa atin sa daan tungo sa kaligtasan.

“Pumaroon ka at ipatong mo ang iyong mga kamay sa kanya”

Hindi tayo makakapagpagaling, pero tulad ni Jairo, madadala natin si Jesucristo, ang Dalubhasang Manggagamot, sa mga mahal natin sa buhay. Batid ni Jairo na kayang iangat ng mga kamay ng Tagapagligtas ang isang tao mula sa pagdurusa tungo sa buhay na may layunin at lakas.

Nakita ko iyan sa aming soccer player na nagbibigay ng liwanag. Ibinabahagi niya ang liwanag ni Cristo sa isang soccer field at tinutulutan Siyang isagawa ang Kanyang pagpapagaling. Sa pagtataas ng Kanyang ilawan, tumutulong siyang tipunin ang Israel.

Kakailanganin ng bawat isa sa atin na mailigtas ng ibang tao sa halip na iligtas ang ating sarili. Gaano man tayo kahina, maaari tayong magtiwala na naglaan ang Ama sa Langit ng isang Tagapagligtas na makakatulong na iangat tayo mula sa kawalan ng pag-asa. At maaari tayong makilahok na kasama Niya, tulad ng ginawa ng aking soccer hero.

Pero paano kung lumalala lang ang mga bagay-bagay habang hinihintay mong dumating ang Kanyang mga pagpapala?

“Bakit mo pa inaabala ang Guro?”

Habang papunta si Cristo sa bahay ni Jairo, naantala Siya. Punung-puno ang mga lansangan, at nang sikapin Niyang makaraan, isang babaeng may malaking pananampalataya, na naghintay rin sa Kanyang nagpapagaling na kamay, ang humipo sa Kanyang damit.

“Sapagkat [sinabi] niya, ‘Kung mahipo ko man lamang ang kanyang damit ay gagaling na ako.’

“Kaagad napigil ang kanyang pagdurugo, at kanyang naramdaman sa kanyang katawan na magaling na siya sa malubha niyang sakit” (Marcos 5:28–29).

Gaano kataranta si Jairo? Gaano siya kalungkot sa pagkaantala? Nang umalis siya ng bahay, malapit nang mamatay ang kanyang anak. Pagkatapos, nang hinanap ng Tagapagligtas ang babaeng gumaling at kinausap ito, may isang taong naghatid ng masamang balita mula sa bahay ni Jairo: “Namatay na ang anak mong babae. Bakit mo pa inaabala ang Guro?” (Marcos 5:35).

Kaylaking pagpapala para sa babaeng naghintay nang napakatagal! Pero napakalaking trahedya para kay Jairo at sa kanyang pamilya, na hindi man lang makapaghintay! Kung minsan kapag naghihintay tayo, maaaring mahirap manatiling umaasa na darating Siya. Pero para kay Jairo at sa kanyang pamilya, tila huli na ang lahat para umasa sa himalang kailangan nila. Patay na ang kanyang anak. Bakit mo pa inaabala ang Guro?

Bakit? Dahil ang mga limitasyong ibinibigay natin kung minsan sa mga himala ng Tagapagligtas ay walang kabuluhan. Hindi Siya nakatali sa ating mga takdang oras, ni hindi nalilimitahan ang Kanyang kapangyarihan ng ating pag-unawa sa maaaring mangyari.

Kung titingin tayo nang may pananampalataya habang naghihintay, makikita natin ang mga katiyakan na darating ang Kanyang kaligtasan (tingnan sa Alma 58:11). Mababago ng mga katiyakang ito ang ating puso at mapagtitibay ang ating pananampalataya sa Kanya. Kahit tila nakalagpas na ang pagkakataon, darating pa rin Siya; matatanggap ninyo ang inyong pagpapala.

pinababangon ni Jesus ang anak ni Jairo

The Raising of Jairus’ Daughter [Ang Pagpapabangon sa Anak ni Jairo], ni Gabriel Max / Peter Horree / Alamy Stock Photo

“Huwag kang matakot; manampalataya ka lamang”

Nang marinig ng Tagapagligtas ang masamang balita, sinabi Niya kay Jairo, “Huwag kang matakot; manampalataya ka lamang” (Marcos 5:36). Ang mga salita ng Tagapagligtas kay Jairo ay nagpapakita kung gaano Niya kagustong bigyan tayo ng katiyakan habang naghihintay. Ang Kanyang ministeryo ay hindi tumitigil, kahit tumitigil tayo. Agad niyang hinikayat si Jairo na patuloy na manampalataya.

“Pagkapasok niya ay kanyang sinabi sa kanila, ‘Bakit kayo nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata, kundi natutulog lamang.’ …

“[At] hinawakan niya ang kamay ng bata at sinabi sa kanya, ‘Talitha cum,’ na ang kahulugan ay ‘Munting batang babae, sinasabi ko sa iyo, bumangon ka!’” (Marcos 5:39, 41).

Naintindihan ba ninyo iyon? “Hinawakan niya ang kamay ng bata.” May kapangyarihan sa Kanyang mga kamay. Sinabi minsan ni Pangulong Howard W. Hunter (1907–95), “Anumang dantayan ng mga kamay ni Jesus ay nabubuhay.”1 Ano ang magagawa natin para mas matanggap ang Kanyang nagpapagaling na kamay? At paano tayo magiging Kanyang mga kamay para tumulong na iangat ang iba sa oras ng kanilang pagdadalamhati at kawalan ng pag-asa?

“Kaagad bumangon ang batang babae at nagpalakad-lakad”

Agad bumalik ang buhay sa anak ni Jairo: “Kaagad bumangon ang batang babae at nagpalakad-lakad” (Marcos 5:42). Magkakaroon tayo ng mga kama ng pagsubok sa buhay kung saan kailangan nating magbangon. Para sa bawat isa sa atin, ang mga kamang iyon ay magmumukhang medyo kakaiba—mula sa panghihina ng loob matapos matalo sa field hanggang sa pagpanaw ng isang mahal sa buhay. Hindi maiiwasan ang pagdating ng pagdurusa. Pero hindi Niya tayo pababayaan kailanman, gaano man katindi o kahit mukhang tapos na ang sitwasyon. Kung minsan, tinutulutan Niya tayong magdaan sa matitinding pagsubok upang maiabot Niya ang Kanyang mga kamay at pasiglahin tayo.

Sa tanda ng Kanyang Pagbabayad-sala—ang bakas ng pako sa bawat kamay—ipinapakita Niya sa atin na tayo ang Kanyang ministeryo: “Masdan, aking inanyuan ka sa mga palad ng aking mga kamay” (1 Nephi 21:16). Ang ministeryo ni Cristo ay naging, nagiging, at laging magiging para ibangon tayo mula sa kamatayan na hindi natin matatakasan sa pisikal o espirituwal, at posible ang lahat ng iyon sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo.

Kapag nangyari ang gayong mga dalamhati at hamon, maaari nating ilarawan ang mga kamay na may tanda sa bawat palad na naghahatid hindi lamang ng kabaitan at pagmamahal kundi ng kapangyarihang madaig iyon. Sa pagsampalataya sa Kanya, ang lubos na pagpapanumbalik ng Manunubos ng sanlibutan ay mananaig sa anumang kinakaharap natin.

At maaari tayong maging karugtong ng Kanyang mga kamay sa iba pang nangangailangan ng Kanyang haplos.

Pinatototohanan ko na bawat isa sa atin ay ibabangon mula sa sarili nating mga kahinaan at sa huli’y mula sa libingan. Tandaan, kahit parang walang pag-asa ang lahat, nariyan Siya at inaabot ang Kanyang mga kamay na may kapangyarihang magligtas. Isipin ang kagalakang darating habang iniaabot Niya ang Kanyang kamay sa inyo at sinasabing, “Sinasabi ko sa iyo, bumangon ka!” At tayo ay babangon.