2023
Magiging Maayos ang Lahat
Marso 2023


“Magiging Maayos ang Lahat,” Liahona, Mar. 2023.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Magiging Maayos ang Lahat

Parang napakatagal ng paghihintay hanggang sa lapitan ng isa sa mga surgeon ang aking ina sa waiting room.

si Russell M. Nelson na nakatingin sa modelo ng puso

Larawan ni Russell M. Nelson na kuha ni Eldon K. Linschoten

Noong mga unang taon ng dekada ng 1980, ang aking ama, na nagkaroon ng malubhang sakit sa puso, ay sumailalim sa isang operasyon sa puso na inasahan naming magpapahaba sa kanyang buhay.

Noong panahong iyon, ang makabagong pamamaraang ginamit ng mga surgeon ay bago sa Uruguay. Pinalitan ng mga surgeon ng isang artipisyal na valve ang aortic valve. Kalaunan, naging karaniwan na ang pamamaraang iyon at nakapagligtas na ng napakaraming buhay.

Dahil kinailangan sa operasyon ang kakaibang prosesong ito ng pag-opera, dumalo ang ilang cardiologist, at nagmasid sa operasyon. Habang nag-oopera ang mga surgeon, nag-aalalang nakaupo ang aking ina sa waiting room. Parang napakatagal ng paghihintay.

Natuwa kami nang malaman namin na lubos na nagtagumpay ang operasyon. Sa paglabas sa operating room, humiwalay ang isa mga surgeon mula sa iba pang mga surgeon at nagpunta sa waiting room. Isa siyang visiting surgeon na nagpunta sa Uruguay para pangasiwaan ang operasyon.

Nilapitan niya ang aking ina, huminto siya, at tinapik niya ang aking ina sa balikat. Pagkatapos, habang nakatitig sa mga mata ng aking ina, sinabi niya, “Magiging maayos ang lahat.”

Tama ang surgeon. Nabuhay ang aking ama nang 24 na taon pa, na naglilingkod sa Panginoon nang buong puso—malusog na ngayon—hanggang sa huling araw ng kanyang buhay.

Sa pinakahuling pangkalahatang kumperensya ng Simbahan, naalala ng aking ina ang espesyal na pagbisitang iyon napakaraming taon na ang nakararaan. Sa katunayan, naaalala niya iyon tuwing magsasalita ang visiting surgeon na iyon—si Pangulong Russell M. Nelson—sa mga Banal.

Lahat ng propeta ng Panginoon ay espesyal sa atin sa kahit anong paraan. Ang ilan ay espesyal dahil naglingkod sila bilang Pangulo ng Simbahan noong bata pa tayo. Ang ilan ay espesyal dahil naglingkod sila bilang Pangulo nang mabinyagan tayo. Para sa amin ng aking ina, espesyal si Pangulong Nelson dahil alam niya na bawat maselang operasyon ay nakakaantig hindi lamang sa pasyente kundi pati na sa mga mahal sa buhay ng pasyenteng iyon. Alam niya na kailangan ng mga miyembro ng pamilya ang mga salitang nanghihikayat, nagpapalakas, at nagbibigay-katiyakan kapag nanganganib ang kalusugan o buhay ng isang mahal sa buhay.

Lagi kaming magpapasalamat sa mga salita ng katiyakan ni Pangulong Nelson noong araw sa Uruguay at sa kanyang buhay ng paglilingkod sa Ama sa Langit at sa mga anak ng Ama sa Langit.