2023
“Ang Aking Kapayapaan ay Ibinibigay Ko sa Inyo”
Marso 2023


“Ang Aking Kapayapaan ay Ibinibigay Ko sa Inyo,” Liahona, Mar. 2023.

“Ang Aking Kapayapaan ay Ibinibigay Ko sa Inyo”

Ang mga salitang ito rin ang sinabi ni Jesus sa Dagat ng Galilea noong maunos na gabing iyon, sinasabi Niya sa atin sa mga unos ng ating buhay: “Pumayapa ka. Tumahimik ka.”

ulan na bumabagsak sa karagatan

Larawang kuha sa pamamagitan ng Getty Images

Para sa amin ng pamilya ko, ang maginaw na taglamig ng 1944 ay isang panahon ng pangamba at kawalang-katiyakan. Noong maharap ang aking ama sa digmaan sa kanluran, nahirapan ang aking ina na pakainin at panatilihing maginhawa ang kanyang apat na anak habang nagbabanta ang digmaan sa aming tahanan sa Czechoslovakia.

Bawat araw ay lalong nalalapit ang panganib. Sa huli, nagpasiya ang aking ina na tumakas papunta sa tahanan ng kanyang mga magulang sa silangang Germany. Kahit paano, nagawa niyang isakay kaming lahat sa isa sa mga huling refugee train papuntang kanluran. Ang mga pagsabog sa malapit, nag-aalalang mga mukha, at mga tiyan na walang laman ay nagpaalala sa lahat ng nasa tren na naglalakbay kami sa gitna ng digmaan.

Isang gabi matapos huminto ang aming tren para sa mga suplay, nagmamadaling umalis si Inay para maghanap ng pagkain. Pagbalik niya, laking takot niya nang wala na ang tren na sinasakyan naming mga bata!

Punung-puno ng pag-aalala, bumaling siya sa Diyos sa desperadong panalangin at pagkatapos ay tarantang naghanap sa madilim na istasyon ng tren. Nagpalipat-lipat siya sa iba’t ibang riles at tren. Batid niya na kung makakaalis ang tren bago niya iyon matagpuan, baka hindi na niya kami makitang muli.

Mga Unos sa Ating Buhay

Noong panahon ng mortal na ministeryo ng Tagapagligtas, nalaman ng Kanyang mga disipulo na kaya Niyang payapain ang mga unos sa ating buhay. Isang gabi, matapos ang buong araw na pagtuturo sa tabing-dagat, iminungkahi ng Panginoon na “tumawid [sila] sa kabilang ibayo” ng Dagat ng Galilea (Marcos 4:35).

Matapos silang lumisan, nakakita si Jesus ng isang lugar na mapagpapahingahan sa bangka at nakatulog. Hindi nagtagal at nagdilim ang kalangitan, “at nagkaroon ng isang malakas na unos, [at] sumalpok ang mga alon sa bangka, [kaya ito ay] halos napupuno na ng tubig” (tingnan sa Marcos 4:37–38).

Hindi natin alam kung gaano katagal nahirapan ang mga disipulo na panatilihing nakalutang ang bangka, ngunit sa huli ay hindi na sila nakapaghintay. Natataranta, nagsumamo sila, “Guro, hindi ka ba nababahala na mapapahamak tayo?” (Marcos 4:38).

Lahat tayo ay nahaharap sa biglaang mga unos. Sa ating mortal na buhay ng mga pagsubok at pagsusuri, maaari tayong mabalisa, panghinaan ng loob, at madismaya. Nasasaktan tayo para sa ating sarili at sa mga mahal natin sa buhay. Nag-aalala tayo at natatakot at kung minsa’y nawawalan ng pag-asa. Sa gayong mga pagkakataon, maaari din tayong magsumamo, “Guro, hindi ka ba nababahala na mapapahamak ako?”

Noong kabataan ko isa sa mga paborito kong himno ang “Guro, Bagyo’y Nagngangalit.”1 Nakikita ko ang sarili ko sa bangka noong “ang mga alo’y kaytaas.” Ang napakahalaga at pinakamagandang bahagi ng himno ay ang sumusunod: “Hangi’t alon sa Inyo’y susunod: Pumayapa.” At sumunod ang mahalagang mensahe: “Kahit unos ng karagatan o d’yablo o tao o anupaman, ‘di lulubog ang barkong may lulan sa Panginoon ng sanlibutan.”

Kung malugod nating tatanggapin si Jesucristo, ang Prinsipe ng Kapayapaan, sa ating bangka, hindi tayo kailangang matakot. Malalaman natin na magkakaroon tayo ng kapayapaan sa gitna ng mga unos na nag-aalimpuyo sa ating kalooban at sa ating paligid. Matapos humingi ng tulong ang Kanyang mga disipulo, si Jesus ay “[nagbangon at] sinaway niya ang hangin at sinabi sa dagat, Pumayapa ka. Tumahimik ka! [At] tumigil nga ang hangin at nagkaroon ng katahimikan” (Marcos 4:39).

Ang mga salitang ito rin ang sinabi ni Jesus sa Dagat ng Galilea noong maunos na gabing iyon, sinasabi Niya sa atin sa mga unos ng ating buhay: “Pumayapa ka. Tumahimik ka.”

“Hindi Gaya ng Ibinibigay ng Sanlibutan”

Kasama ang mga disipulo, maaari nating itanong, “Sino nga ito, na pati ang hangin at ang dagat ay sumusunod sa kanya?” (Marcos 4:41).

Si Jesus ay isang taong walang katulad. Bilang Anak ng Diyos, tinawag Siya para isakatuparan ang isang misyon na walang ibang makakatupad.

Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, at sa isang paraan na hindi natin lubos na mauunawaan, dinala ng Tagapagligtas sa Kanyang Sarili ang “mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso” (Alma 7:11) at “ang pinagsama-samang bigat ng lahat ng kasalanang mortal.”2

Bagama’t wala Siyang utang sa katarungan, pinagdusahan Niya ang “buong … hinihingi ng katarungan” (Alma 34:16). Sa mga salita ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015), Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Wala Siyang nagawang kasalanan. Gayunman, ang lahat ng kasalanan, pagdurusa at lungkot, sakit at kahihiyan, lahat ng pagdurusa sa isipan, damdamin, at katawan na naranasan ng tao—ay naranasan Niyang lahat.”3 At nadaig Niya ang lahat ng iyon.

Ipinpropesiya ni Alma na ang Tagapagligtas “[ay] dadalhin … sa kanyang sarili ang kamatayan, upang makalag niya ang mga gapos ng kamatayan na gumagapos sa kanyang mga tao; at dadalhin niya ang kanilang mga kahinaan, upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa, ayon sa laman, upang malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan” (Alma 7:12).

Sa pamamagitan ng banal na kaloob na Pagbabayad-sala, at dahil sa pagmamahal sa atin, tinanggap ni Jesucristo ang parusa para tubusin tayo, palakasin tayo, at iligtas tayo. Sa pamamagitan lamang ng Pagbabayad-sala tayo magkakaroon ng kapayapaang gustung-gusto at kailangang-kailangan natin sa buhay na ito. Tulad ng ipinangako ng Tagapagligtas, “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo, ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo. Hindi gaya ng ibinibigay ng sanlibutan ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag mabagabag ang inyong puso, o matakot man” (Juan 14:27).

painting ng larawan ni Jesucristo

Ang buhay at mga turo ni Jesucristo ay nagbibigay sa atin ng mga paraan para madama ang Kanyang kapayapaan kung babaling tayo sa Kanya.

Christ’s Image [Painting ng Larawan ni Cristo], ni Heinrich Hofmann

Mga Daan Tungo sa Kapayapaan

Si Jesucristo, na kumokontrol sa mga elemento, ay maaari ding pagaanin ang ating mga pasanin. May kapangyarihan Siyang pagalingin ang mga indibiduwal at bansa. Ipinakita na Niya sa atin ang daan tungo sa tunay na kapayapaan, sapagkat Siya ang “Prinsipe ng Kapayapaan” (Isaias 9:6). Kayang baguhin ng kapayapaang ibinibigay ng Tagapagligtas ang lahat ng buhay ng tao kung tutulutan ito ng mga anak ng Diyos. Ang Kanyang buhay at mga turo ay nagbibigay sa atin ng mga paraan para madama ang Kanyang kapayapaan kung babaling tayo sa Kanya.

“Matuto ka sa akin, at makinig sa aking mga salita; lumakad sa kaamuan ng aking Espiritu, at ikaw ay magkakaroon ng kapayapaan sa akin” (Doktrina at mga Tipan 19:23).

Natututo tayo tungkol sa Kanya kapag pinasigla natin ang ating kaluluwa sa panalangin, pinag-aralan ang Kanyang buhay at mga turo, at “tumayo … sa mga banal na lugar,” pati na sa templo (Doktrina at mga Tipan 87:8; tingnan din sa 45:32). Dumalo sa bahay ng Panginoon nang madalas hangga’t kaya ninyo. Ang templo ay isang payapang kanlungan mula sa tumitinding mga unos sa ating panahon.

Itinuro ng mahal kong kaibigang si Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018): “Sa pagpunta natin sa banal na bahay, sa paggunita sa mga tipan na ginagawa natin doon, magagawa nating tiisin ang bawat pagsubok at madaraig ang bawat tukso. Ang templo ay nagbibigay ng layunin sa ating buhay. Ito ay nagdudulot ng kapayapaan sa ating mga kaluluwa—hindi kapayapaang dulot ng tao kundi kapayapaang ipinangako ng Anak ng Diyos.”4

Nakikinig tayo sa Kanyang mga salita kapag sinusunod natin ang Kanyang mga turo sa mga banal na kasulatan at mula sa Kanyang mga buhay na propeta, tinutularan ang Kanyang halimbawa, at dumadalo sa Kanyang Simbahan, kung saan tayo kinakaibigan, tinuturuan, at pinangangalagaan ng mabuting salita ng Diyos.

Lumalakad tayo sa kaamuan ng Kanyang Espiritu kapag nagmamahal tayo nang tulad Niya, nagpapatawad nang tulad Niya, nagsisisi, at ginagawa nating lugar ang ating tahanan kung saan natin madarama ang Kanyang Espiritu. Lumalakad din tayo sa kaamuan ng Kanyang Espiritu kapag tinutulungan natin ang iba, masaya tayong naglilingkod sa Diyos, at nagsisikap tayong maging “mga mapayapang tagasunod ni Cristo” (Moroni 7:3).

Ang mga hakbang na ito ng pananampalataya at mga gawa ay humahantong sa kabutihan, pinagpapala tayo sa paglalakbay natin sa pagkadisipulo, at naghahatid sa atin ng matibay na kapayapaan at layunin.

“Sa Akin ay Magkaroon Kayo ng Kapayapaan”

Isang madilim na gabi sa isang nakakatakot na istasyon ng tren maraming taon na ang nakararaan, naharap sa isang pagpapasiya ang aking ina. Maaari siyang umupo at tangisan ang trahedyang mawala ang kanyang mga anak, o maaari siyang manampalataya at umasa. Nagpapasalamat ako na nadaig ng kanyang pananampalataya ang kanyang takot at nadaig ng kanyang pag-asa ang kanyang lungkot.

Sa huli, sa isang liblib na lugar sa istasyon, natagpuan niya ang aming tren. Doon, sa wakas, ay muli kaming nagkasama-sama. Nang gabing iyon, at sa maraming maunos na araw at gabing darating, napalakas kami ng halimbawa ng pagsampalataya ng aking ina nang umasa kami at nagsikap para sa mas magandang kinabukasan.

Ngayon, natuklasan ng marami sa mga anak ng Diyos na maging ang kanilang tren ay nailipat ng riles. Ang kanilang mga pag-asam at pangarap para sa hinaharap ay natangay ng digmaan, pandemya, at pagkawala ng kalusugan, trabaho, oportunidad na makapag-aral, at mga mahal sa buhay. Pinanghihinaan sila ng loob, nalulungkot, nagdadalamhati.

Mga kapatid, mahal na mga kaibigan, nabubuhay tayo sa mapanganib na mga panahon. Nababagabag ang mga bansa, nasa lupain na ang paghuhukom, at nawalan na ng kapayapaan ang mundo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 1:35; 88:79). Ngunit hindi kailangang mawala sa ating puso ang kapayapaan, kahit kailanganin pang magdusa tayo, magdalamhati, at maghintay sa Panginoon.

Dahil kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, masasagot ang ating mga dalangin. Ang Diyos ang nagtatakda ng panahon, ngunit pinatototohanan ko na ang ating mga matwid na hangarin ay matutupad balang-araw at lahat ng nawala sa atin ay pupunan sa atin, basta’t ginagamit natin ang banal na kaloob na pagsisisi at mananatili tayong tapat.5

Gagaling tayo—sa pisikal at sa espirituwal.

Mananatili tayong dalisay at banal sa harap ng hukumang-luklukan.

Muli nating makakasama ang mga mahal natin sa buhay sa isang maluwalhating pagkabuhay na mag-uli.

Samantala, nawa’y mapanatag at mahikayat tayo habang umaasa tayo sa pangako ng Tagapagligtas: “Sa akin ay magkakaroon kayo ng kapayapaan” (Juan 16:33).