2023
Mga Basbas ng Priesthood
Marso 2023


“Mga Basbas ng Priesthood,” Liahona, Mar. 2023.

Mga Pangunahing Aral ng Ebanghelyo

Mga Basbas ng Priesthood

si Cristo na inoorden ang Labindalawang Apostol

Christ Ordaining the Twelve Apostles [Si Cristo na Inoorden ang Labindalawang Apostol], ni Harry Anderson

Ang basbas ng priesthood ay ibinibigay ng isang maytaglay ng Melchizedek Priesthood sa pamamagitan ng inspirasyon. Ginagawang posible ng mga basbas ng priesthood na matanggap ng lahat ng anak ng Diyos ang Kanyang kapangyarihan, pagpapagaling, pag-alo, at patnubay.

Ang Priesthood

Ang priesthood ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos. Ang karapat-dapat na kalalakihang maytaglay ng Melchizedek Priesthood ay kumikilos sa pangalan ni Jesucristo kapag nagbibigay sila ng mga basbas ng priesthood. Kapag nagbibigay sila ng mga basbas na ito, tinutularan nila ang halimbawa ng Tagapagligtas ng pagbabasbas sa iba.

mga kamay na nakapatong sa ibabaw ng isang ulo

Larawang kuha ni David Winters

Paano Ibinibigay ang mga Basbas

Ang mga basbas ng priesthood ay ibinibigay sa pagpapatong ng mga kamay. Ipinapatong ng isang maytaglay ng Melchizedek Priesthood ang kanyang mga kamay sa ulo ng taong tumatanggap ng basbas. Pagkatapos ay nagbibigay siya ng basbas ayon sa idinidikta ng Espiritu. Ang mga nagbibigay ng basbas at ang mga tumatanggap ng mga iyon ay sumasampalataya sa Diyos at nagtitiwala sa Kanyang kalooban at takdang panahon.

Pagbibigay ng Pangalan at Basbas sa mga Bata

Matapos isilang ang isang bata, binibigyan siya ng maytaglay ng priesthood ng pangalan at basbas (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:70). Karaniwa itong nangyayari sa fast and testimony meeting. Binibigyan muna ng pangalan ang bata. Pagkatapos ay nagbibigay ng basbas ang maytaglay ng priesthood sa bata.

batang lalaking maysakit na tumatanggap ng basbas ng priesthood

Mga Basbas para sa Maysakit

Ang mga maytaglay ng Melchizedek Priesthood ay maaaring magbigay ng basbas sa mga taong maysakit. Ang pagbabasbas sa maysakit ay may dalawang bahagi: pagpapahid ng langis at pagpapatibay sa pagpapahid ng langis. Una, ang isang maytaglay ng priesthood ay magpapatak ng olive oil na nailaan, o nabasbasan, sa ulo ng tao at sasambit ng maikling panalangin. Pagkatapos ay pagtitibayin ng isa pang maytaglay ng priesthood ang pagpapahid ng langis at bibigyan ng basbas ang tao ayon sa patnubay ng Espiritu Santo.

Mga Basbas ng Pag-alo at Pagpapayo

Ang mga maytaglay ng Melchizedek Priesthood ay maaaring magbigay ng mga basbas ng pag-alo at pagpapayo sa mga kapamilya at sa iba pa na humihiling nito. Ang isang ama na maytaglay ng Melchizedek Priesthood ay maaaring magbigay ng mga basbas ng ama sa kanyang mga anak. Maaaring makatulong ang mga ito lalo na kapag dumaranas ang mga bata ng mga espesyal na hamon.

Pag-set Apart sa mga Miyembro upang Maglingkod sa mga Calling

Kapag tumatanggap ng mga calling ang mga miyembro ng Simbahan, binibigyan sila ng basbas kapag isine-set apart sila para maglingkod. Babasbasan sila ng isang priesthood leader na may awtoridad na kumilos sa calling. Bibigyan din sila ng priesthood leader ng basbas para tulungan sila sa kanilang paglilingkod.

babaeng nagbabasa ng kanyang patriarchal blessing

Larawang kuha ni Shauna Stephenson

Mga Patriarchal Blessing

Bawat karapat-dapat na miyembro ng Simbahan ay maaaring tumanggap ng patriarchal blessing. Ang basbas na ito ay nagbibigay ng personal na payo mula sa Panginoon. Maaari itong makapagbigay ng patnubay at pag-alo sa buong buhay ng isang tao. Sasabihin din doon ang angkan ng taong iyon sa sambahayan ni Israel. Isang inorden na patriarch lamang ang maaaring magbigay ng ganitong uri ng basbas.