“Paglilingkod nang May Pag-asa at Pananampalataya,” Liahona, Mar. 2023.
Mga Alituntunin ng Ministering
Paglilingkod nang May Pag-asa at Pananampalataya
Habang tinutupad natin ang ating mga tipan nang may pananampalataya, maaakay natin ang iba patungo sa Pinagmumulan ng pag-asa.
Isang Halimbawa ng Pag-asa at Pananampalataya
Sa Ebanghelyo Ayon kay Marcos, mababasa natin ang isang nakaaantig na salaysay tungkol sa “isang babae na labindalawang taon nang inaagasan ng dugo.” Nalaman natin na siya ay “lubhang naghirap na sa maraming manggagamot. Nagugol na niya ang lahat ng nasa kanya at hindi siya gumaling ni kaunti man, kundi lalo pang lumubha” (Marcos 5:25–26).
Mahabang panahon ang labindalawang taon para magdusa. Malaking halaga ang gugulin ang lahat ng mayroon siya. At lalo lang siyang lumubha. Kung may karapatan ang sinuman na makadama ng kawalan ng pag-asa, ang babaeng ito iyon.
Subalit, “[nang m]arinig niya ang tungkol kay Jesus, lumapit siya sa karamihan sa likuran niya, at hinipo ang kanyang damit,” dahil naniwala siya na, “Kung mahipo ko man lamang ang kanyang damit ay gagaling na ako.”
Iniulat ni Marcos na dahil sa kanyang pananampalataya, “kaagad napigil ang kanyang pagdurugo, at kanyang naramdaman sa kanyang katawan na magaling na siya sa malubha niyang sakit” (Marcos 5:27–29).
Ang pag-asa at pananampalataya ng babae kay Jesus ay sinagot sa isang basbas. “At sinabi [niya] sa kanya, ‘Anak, pinagaling ka ng pananampalataya mo; umalis kang payapa, at gumaling ka sa sakit mo’” (Marcos 5:34).
Sa anumang hamon, gaano man kahirap o katagal ito, lubhang kailangan ang pag-asa. Maaari tayong paralisahin ng takot at kawalan ng pag-asa. Ngunit ang pag-asa at pananampalataya kay Jesucristo ay nag-aanyaya ng Kanyang kapangyarihan at mga pagpapala sa ating buhay.
Pagsasanay sa Pagkakaroon ng Pag-asa at Pananampalataya sa Paglilingkod
Bilang mga ministering brother at sister, kailangan nating taglayin ang pag-asa at pananampalatayang iyon. Ang paglilingkod ay maaaring kapwa makabuluhan at mahirap. Kapag ang isang taong gusto nating tulungan ay parang ayaw magpatulong, madaling mawalan ng pag-asa. Marahil ay nararanasan mo ang sitwasyong ito ngayon sa isang kapamilya, isang kaibigan, o isang taong kasalukuyang nakaatas na tulungan mo. Marahil, tulad ng babaeng inaagasan ng dugo, ang Panginoon lamang ang nakakaalam kung gaano karaming oras at kalaking pagsisikap ang nagugol mo sa pagsisikap na makahanap ng isang bagay na nakakatulong. Ngunit tulad ng babaeng iyon, kung makasusumpong tayo ng pag-asa na patuloy na tumulong nang may pananampalataya, maaaring makagawa ng kaibhan ang kapangyarihan ng Tagapagligtas.
Ang hamon kung minsan ay ang paglilingkod sa mga taong nahihirapang makadama ng sapat na pag-asa para manampalataya. Mayroong ilan na, tulad ng babae sa Marcos, maaaring may malulubhang sakit, problema sa pera, o anumang dami ng tila napakabibigat na pagsubok. Ang malaman na hindi sila nag-iisa sa kanilang mga paghihirap ay maaaring mabisang pagmulan ng pag-asa. Matutulungan natin silang masumpungan ang pag-asang ito kapag ipinakita natin ang ating kahandaang dalhin ang kanilang mga pasanin, makidalamhati sa kanila, aliwin sila, at tumayo bilang mga saksi ng Diyos (tingnan sa Mosias 18:9–10).1
Pagkakaroon ng Pag-asa at Pananampalataya
Paano tayo magkakaroon ng mga katangian ng pag-asa at pananampalataya na tulad ng kay Cristo? Narito ang ilang ideya:
-
Itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang pag-asa ay pagtitiwala na tutuparin ni Jesucristo ang Kanyang mga pangako sa inyo.2 Dahil “ang pag-asa ay isang kaloob ng Espiritu [tingnan sa Moroni 8:26],”3 ito ay isang bagay na maaari nating ipagdasal (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 46:7–9).
-
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na ang pagpapaibayo ng pananampalataya ay nangangailangan ng pagsisikap. Ibinahagi Niya kung paano natin maaaring pag-ibayuhin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng pag-aaral, pagpiling maniwala, pagkilos nang may pananampalataya, pagtanggap ng mga sagradong ordenansa nang karapat-dapat, at paghingi ng tulong sa Ama sa Langit.4