2023
Alam Mo na Noon pa Man
Marso 2023


“Alam Mo na Noon pa Man,” Liahona, Peb. 2023.

Mga Larawan ng Pananampalataya

Alam Mo na Noon pa Man

Nagkaroon na ako ng patotoo tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo, pero may natira pa rin ako noon na 10 buwan sa kontrata ko bilang ministro sa ibang simbahan.

guro na may kasamang mga estudyante sa seminary

Larawang kuha ni Leslie Nilsson

Noong mga siyam na taong gulang ako, sumakit nang husto ang ngipin ko. Hindi ko makayanan ang sakit, pero wala kaming pera para magpadentista. Noong panahong iyon, nakatira ako sa napakabait kong lola sa Mexico.

May luha sa kanyang mga mata, tinanong niya ako, “Naniniwala ka ba kay Jesus at na matutulungan ka Niya?”

Sinabi ko sa kanya na naniniwala ako. Hiniling niyang lumipat ako sa kabilang silid, lumuhod, at manalangin para sa isang himala. Ibinuhos ko ang nilalaman ng puso ko sa panalangin, pero walang nangyari. Dismayado, pinagdikit ko nang husto ang panga ko at muli akong nanalangin. Hindi nagtagal ay nawala ang sakit! Nang tumakbo ako para sabihin iyon sa lola ko, natagpuan ko siya na nakaluhod, nagsusumamo sa Diyos na tulungan ang kanyang munting apo. Hindi ko na nalimutan kailanman ang tagpong iyon, at nagpapasalamat ako sa lola ko.

Sumunod ang iba pang mga espirituwal na karanasan.

Nang mag-14 anyos ako, lumipat ako sa Texas, USA, para sumama sa aking mga magulang at kapatid. Nakakita ako ng isang lokal na simbahan at nagsimula akong dumalo nang regular. Dahil sa mga karanasan ko sa Diyos, ginusto kong ibahagi ang Kanyang pangalan at ebanghelyo sa lahat ng makikinig sa akin. Sa edad na 15, nag-enrol ako sa ministry school para maging isang ministro. Sa loob ng dalawang taon, dumalo ako sa mga Bible class bago pumasok sa paaralan, paglabas ng paaralan, at tuwing Sabado’t Linggo.

Isang umaga sa high school, nakarinig ako ng ingay sa locker room ng mga binatilyo. “Mormon!” sigaw ng isa. Hindi ko pa narinig ang katagang iyon dati, pero parang insulto iyon.

Kalaunan ay nalaman ko na ang taong sinisigawan ay ang matalik kong kaibigan na si Derek.

“Sorry at tinawag kang Mormon,” sabi ko.

Ngumiti si Derek at nagtanong, “Hindi mo alam kung ano ang Mormon, ano?”

Sinabi niya sa akin na iyon ang tawag sa mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

“Kung gayon, Kristiyano ka ba?” tanong ko.

Nang sabihin niyang oo, natuwa akong malaman na pareho kaming sumasampalataya kay Jesucristo.

“Nagtanong Ka na ba sa Diyos?”

“Sino ang mga Mormon na ito,” naisip ko, “at ano ang pinaniniwalaan nila?”

Nagpunta ako sa internet para alamin iyon. Pagkaraan ng ilang minuto, ipinasiya ko na hindi naman pala Kristiyano ang kaibigan ko at na mapupunta siya sa impiyerno. Kaya, nagplano akong ipaunawa sa kanya ang katotohanan.

Nang sumunod na dalawang taon, binasa ko ang bawat aklat na matatagpuan ko tungkol sa Simbahan, kabilang na ang buong Aklat ni Mormon—nang dalawang beses. Kinausap ko rin si Derek at ang mga full-time missionary para tulungan sila.

Nang mag-17 anyos ako, nagtapos ako mula sa ministry school, naorden ako bilang isang ministro, at naging pastor ng isang maliit na kongregasyon sa Texas. Dalawang buwan matapos ang ordinasyon ko, nagkaroon ako ng isa pang talakayan sa mga missionary.

Itinanong ng isa sa kanila, “Nabasa mo na ang Aklat ni Mormon, at napakinggan mo na ang lahat ng lesson na maibibigay namin, pero tinanong mo na ba ang Diyos kung totoo ang aming mensahe? Malalaman mo ang sagot mula sa Kanya, ’di ba?”

“Siyempre,” nagmamalaking sagot ko sa kanya.

“Sa tingin ko, pareho kayong makikinabang dito,” sagot ng missionary. “Kung itatanong mo sa Diyos kung totoo ang pinaniniwalaan ng kaibigan mo at sinabi ng Diyos na hindi, natupad mo na ang misyon mo na siyang dahilan kaya mo sinimulan ang paglalakbay na ito. Pero kung sasabihin Niya na totoo ang aming mensahe, isipin mo kung gaano kalaki ang matatamo mo.”

Hindi ko kailanman naisip iyon nang gayon. Nang gabing iyon lumuhod ako sa kuwarto ko matapos kong basahin ang Moroni 10:3–5. Ang sagot sa akin ng Diyos ay simple pero makapangyarihan. Sa isang marahan at banayad na tinig, sinagot Niya ako: “Alam mo na noon pa man.”

Isang Bagong Kabanata sa Aking Pagkadisipulo

Ngayong may patotoo na ako sa ipinanumbalik na ebanghelyo, paano naman ang aking ministeryo? May natira pa rin akong 10 buwan sa kontrata ko bilang isang ministro. Matapos ang maraming panalangin at pagsangguni sa Diyos, nagpasiya akong tapusin ang aking paglilingkod. Nang sumunod na 10 buwan, patuloy akong nagbahagi ng tradisyonal na mga katotohanan ng Biblia, pero kapag posible ay naghalo ako ng dagdag na pananaw ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Nagustuhan ng mga tao ang mga katotohanang iyon, at mula 20 ay halos naging 150 ang aking maliit na kongregasyon.

Nang matapos ko na ang kontrata ko, inalok ako ng permanenteng posisyon, pero batid ko na panahon na para magpabinyag sa Simbahan. Panahon na para magsimula ng bagong kabanata sa aking buhay bilang disipulo.

Nang magsabi ako sa mga miyembro ng aking pamilya, hindi sila masaya—noong una. Pero tatlong buwan matapos akong sumapi sa Simbahan, bininyagan ko ang aking ina at dalawa sa mga kapatid ko. Matapos maglingkod sa full-time mission sa Oklahoma Oklahoma City Mission, bininyagan ko ang nakababata kong kapatid na babae.

Kung may nagtatanong kung bakit ako nagbago ng relihiyon, ang lagi kong isinasagot ay, “Hindi ako nagbago ng relihiyon—debotong Kristiyano pa rin ako. Sa halip, pinalakas ko lang ang relasyon ko sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagiging binyagang miyembro ng Kanyang Simbahan—Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Mas personal ko Siyang kilala at kapalagayang-loob ngayon kaysa noon dahil sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo, sa Aklat ni Mormon, sa mga makabagong propeta, at sa mga sagradong ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan na matatamo sa templo.”

Ngayo’y may pribilehiyo na akong magtrabaho bilang full-time seminary teacher. Inilalaan ko pa rin ang buhay ko kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. At sinasabi ko pa rin sa sinumang makikinig ang “magandang balita ng malaking kagalakan” (Lucas 2:10).