2023
Paano Naaapektuhan ng Banal na Pagkatao ang Pagiging Kabilang at Katanggap-tanggap
Marso 2023


“Paano Naaapektuhan ng Banal na Pagkatao ang Pagiging Kabilang at Katanggap-tanggap,” Liahona, Marso 2023.

Paano Naaapektuhan ng Banal na Pagkatao ang Pagiging Kabilang at Katanggap-tanggap

Kapag inuna natin ang ating kaugnayan sa Diyos at ang ating pagkadisipulo kay Jesucristo, makasusumpong tayo ng kagalakan sa ating banal na pagkatao, magtatamo ng nagtatagal na pakiramdam na kabilang tayo, at sa huli ay maaabot natin ang ating banal na potensyal.

grupo ng iba’t ibang tao

Binigyang-kahulugan ng American Psychological Association ang pagiging kabilang bilang “pakiramdam na tanggap ka at aprubado ng isang grupo.”1

Sa kasamaang-palad, hindi lahat sa atin ay nakararamdam na kabilang tayo at kung minsa’y tinatangka nating baguhin kung sino tayo para tanggapin tayo. “Nais nating lahat na makibagay,” paliwanag ni Joanna Cannon, isang British na psychiatrist. “Para makamtan iyan, madalas tayong maglahad ng medyo iba’t ibang bersyon ng kung sino tayo, depende sa sitwasyon at kung sino ang kasama natin. Maaaring marami tayong ‘edisyon’ ng ating sarili—para sa trabaho, o sa bahay, o kahit sa online.”2

Mahalagang pansinin na may pagkakaiba ang pakikibagay sa pagiging kabilang. Napansin ni Brené Brown, isang American researcher at awtor: “Ang pakikibagay at pagiging kabilang ay hindi magkapareho. Sa katunayan, ang pakikibagay ay isa sa pinakamalalaking hadlang sa pagiging kabilang. Ang pakikibagay ay tungkol sa pagsusuri sa isang sitwasyon at pagiging isang tao na kailangan mong maging para tanggapin ka. Ang pagiging kabilang, sa kabilang dako, ay hindi tayo inuutusang baguhin kung sino tayo; inuutusan tayo nitong maging kung sino tayo.”3

Ang malaman ang ating banal na pagkatao ay mahalaga sa makabuluhang pagiging kabilang; kung hindi, gugugulin natin ang ating oras at mga pagsisikap sa pag-aakma ng ating sarili para tanggapin tayo sa mga lugar na hindi gumagalang o umaayon sa ating pagiging likas na walang hanggan. Bukod pa rito, kung saan natin pinipiling mapabilang ay maaaring humantong sa mga pagbabago sa ating mga pinahahalagahan at pag-uugali kapag sumusunod tayo sa mga karaniwang tuntunin at pamantayan ng grupo. Sa paglipas ng panahon, kung saan natin pinipiling mapabilang ay nakakaapekto sa ating kahihinatnan.

Sa madaling salita, ang pagtanggap sa ating banal na pagkatao ay nakakaimpluwensya sa kung saan natin hangad na mapabilang, at ang lugar kung saan natin pinili mabilang ay humahantong sa ating kahihinatnan kalaunan.

Banal na Pagkatao

Lahat tayo ay nabuhay sa piling ng Diyos sa premortal na buhay (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 93:29; 138:55–56). Tayo ay nilikha sa Kanyang larawan—lalaki at babae (tingnan sa Genesis 1:27). Naghanda Siya ng isang plano para maging katulad natin Siya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 132:19–20, 23–24). Kasama sa Kanyang plano ng kaligayahan ang pagparito natin sa lupa upang magkaroon ng pisikal na katawan, magtamo ng kaalaman, at sa huli ay makabalik sa ating tahanan sa langit upang makapiling Siya sa walang-hanggang kagalakan (tingnan sa 2 Nephi 2; 9; Abraham 3:26). Inihayag ng Diyos, “Ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Kamangha-mangha, tayo ang Kanyang gawain at kaluwalhatian! May sinasabi ito tungkol sa ating napakalaking halaga at kabuluhan sa Kanya.

Dahil sa bilyun-bilyong tao sa lupa, maaaring mahirapan ang ilan na tanggapin na inaalala ng Diyos ang bawat isa sa atin. Pinatototohanan ko na kilala Niya ang bawat isa sa atin at alam din Niya kung ano ang ginagawa natin, kung nasaan tayo, at maging ang “mga saloobin at hangarin ng [ating] puso” (Alma 18:32). Hindi lamang tayo “bilang” sa Diyos (Moises 1:35) kundi lubos Niya rin tayong mahal (tingnan sa 1 Nephi 11:17).

Dahil sa Kanyang sakdal na pagmamahal sa atin, nais ng Ama sa Langit na ibahagi sa atin ang lahat ng mayroon Siya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:38). Tutal, tayo ay Kanyang mga anak na babae at lalaki. Nais Niya na tayo ay maging katulad Niya, na gawin natin ang mga bagay na ginagawa Niya, at na maranasan natin ang kagalakang mayroon Siya. Kapag binuksan natin ang ating puso’t isipan sa katotohanang ito, “ang Espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu, na tayo’y mga anak ng Diyos. At kung mga anak, ay mga tagapagmana rin; mga tagapagmana ng Diyos” (Roma 8:16–17).

Mga Pagkakaiba sa Mortalidad

Sa premortal na buhay, lumakad tayong kasama ng Diyos, narinig ang Kanyang tinig, at nadama ang Kanyang pagmamahal. Mula noon ay dumaan na tayo sa tabing ng pagkalimot tungo sa mortalidad. Wala na tayong perpektong alaala ng dati nating buhay. Ang mga kalagayan ng mortal na kapaligirang ito ay mas nagpapahirap na madama ang ating likas na kabanalan at pagiging kabilang na tinamasa natin sa ating tahanan sa langit.

Halimbawa, ang labis na pagtutuon sa mga pagkakaiba natin sa genes at kapaligaran ay maaaring maging hadlang sa koneksyon natin sa Diyos. Tinatangka ng kaaway na samantalahin ang mga pagkakaibang ito para ilayo tayo mula sa mga magulang nating lahat sa langit. Binabansagan tayo ng iba at kung minsa’y gayon nga rin ang palagay natin sa ating sarili. Walang likas na mali sa pagtukoy sa iba batay sa mga makamundong katangian; sa katunayan, marami sa atin ang nakasusumpong ng kagalakan at suporta mula sa mga taong gayon din ang mga katangian at karanasan. Gayunman, kapag nalilimutan natin ang ating pinakamahalagang identidad bilang mga anak ng Diyos, maaaring magsimula tayong matakot, mawalan ng tiwala, o makadama na nakahihigit tayo sa mga taong naiiba sa atin. Ang mga pag-uugaling ito ay kadalasang humahantong sa pagkakawatak-watak, diskriminasyon, at maging sa pagkawasak (tingnan sa Moises 7:32–33, 36).

Kapag naaalala natin ang ating banal na pamana, naglalaan ng kagandahan at kasaganaan sa buhay ang ating pagkakaiba-iba. Itinuturing natin ang ating sarili na magkakapatid, sa kabila ng ating mga pagkakaiba. Natututo tayong gumalang at matuto sa isa’t isa. Sinisikap nating maglaan ng mga lugar na sumusuporta na maaaring kabilangan ng iba, lalo na kapag ang kanilang mga katangian at karanasan ay naiiba sa atin. Nakararamdam tayo ng pasasalamat sa Diyos para sa iba’t iba Niyang nilikha.4

Kahit naiimpluwensyahan ng ating genes at kapaligaran ang ating karanasan sa mortalidad, hindi ang mga ito ang naglalarawan sa atin. Tayo ay mga anak ng Diyos na may potensyal na maging katulad Niya.

Pagiging Kabilang sa Pamamagitan ni Jesucristo

Batid na haharap tayo sa mahahalagang hamon sa mortalidad, inihanda at isinugo ng Diyos ang Kanyang Anak na si Jesucristo para tulungan tayong madaig ang mga balakid na ito. Nag-alok si Cristo na tulungan tayong muling itatag ang dating matalik na relasyon natin sa Diyos sa premortal na buhay. Tulad ng ipinaliwanag ni Jesus, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay. Sinuman ay hindi makakarating sa Ama kundi sa pamamagitan ko” (Juan 14:6; tingnan din sa Juan 3:16–17).

Si Cristo ay palaging handang tumulong sa atin. Nabibilang tayo sa Kanya (tingnan sa 1 Corinto 6:20), at nasasabik Siyang lumapit tayo sa Kanya. Sa sarili Niyang mga salita, nangako ang Tagapagligtas, “Lumapit sa akin nang may buong layunin ng puso, at tatanggapin ko kayo” (3 Nephi 12:24).

Kung gayon, paano tayo lalapit kay Cristo nang may buong layunin ng puso?

Una, tinatanggap natin Siya bilang ating Tagapagligtas at Manunubos. Kinikilala natin ang kadakilaan ng Diyos, ang ating ligaw at nahulog na kalagayan, at ang ating lubos na pag-asa kay Jesucristo para maligtas. Nais nating taglayin ang Kanyang pangalan (tingnan sa Mosias 5:7–8) at nais nating maging Kanyang mga disipulo “sa lahat ng nalalabi [nating] mga araw” (Mosias 5:5).

Pangalawa, lumalapit tayo kay Cristo nang may buong layunin ng puso sa pamamagitan ng paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan sa Diyos (tingnan sa Isaias 55:3). Ang mga tipan ay ginagawa sa pamamagitan ng nakapagliligtas at nagpapadakilang mga ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo na isinasagawa sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood.

binatilyong nagpapasa ng sakramento sa mga miyembro

Ang paggawa at pagtupad ng mga tipan ay hindi lamang tayo ibinibigkis sa Diyos at sa Kanyang Anak kundi inuugnay rin tayo sa isa’t isa. Ilang taon na ang nakararaan, bumisita kami ng pamilya ko sa Costa Rica at dumalo sa sacrament meeting sa isang lokal na unit ng Simbahan. Pagpasok namin, masaya kaming sinalubong ng ilan sa mga miyembro. Sa oras ng miting, sumabay kami sa maliit na kongregasyon sa pagkanta ng himno ng sakramento. Minasdan namin ang mga priest na naghahanda ng sakramento at pagkatapos ay nakinig kami habang binibigkas nila ang mga panalangin sa sakramento. Nang ipasa sa amin ang tinapay at tubig, napuspos ako ng pagmamahal ng Diyos para sa bawat isa sa mga kapwang ito na tumutupad ng mga tipan. Wala pa akong nakilalang sinuman sa kanila bago ang pulong na iyon ngunit nakadama ako ng pagkakaisa at kaugnayan sa kanila dahil nagawa naming lahat at sinisikap naming tuparin ang mga pangako ring iyon sa Diyos.

Kapag gumagawa at nagsisikap tayong tumupad ng mga sagradong tipan sa Diyos, nagsisimula tayong makaramdam ng pagiging kabilang na mas matindi kaysa makakamit sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa anumang makamundo o temporal na grupo.5 “Hindi na [tayo] mga dayuhan at banyaga, kundi [tayo’y] mga kapwa mamamayan ng mga banal at mga kaanib ng sambahayan ng Diyos” (Efeso 2:19).

Alam ko na ang ilan sa atin, dahil sa sitwasyon sa mortalidad, ay hindi magkakaroon ng pagkakataong matanggap ang bawat ordenansa at magawa ang bawat tipan sa buhay na ito.6 Sa gayong mga sitwasyon, hinihiling ng Diyos na gawin natin ang “lahat ng ating magagawa” (2 Nephi 25:23) para magawa at matupad ang mga tipang matatamo natin. Sa gayo’y nangangako Siyang bigyan tayo ng pagkakataong matanggap ang anumang natitirang mga ordenansa at tipan sa kabilang buhay (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:54, 58). Gagawin Niyang posible na matanggap natin ang lahat ng pagpapalang mayroon Siya para sa Kanyang mga anak (tingnan sa Mosias 2:41).

paglalarawan kay Jesus na may kasamang ilang bata

Pagiging Katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo

Nagagalak ang Diyos kapag nadarama natin ang pagmamahal, pagkakaisa, at lakas na nagmumula sa matinding damdamin na nabibilang tayo sa Kanya, sa Kanyang Anak, at sa mga sumusunod sa Kanila. Gayunman, may mas mahahalagang plano Siya para sa atin! Bagama’t inaanyayahan Niya tayong espirituwal na mas lumapit sa Kanya sa kabila ng ating mga pagkukulang, ang tunay na hangarin Niya ay maging katulad natin Siya.

Ang paggawa at pagtupad ng mga tipan ay hindi lamang tumutulong sa atin na mapabilang sa Diyos at kay Cristo kundi binibigyan din tayo ng kakayahang maging katulad Nila (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:19–22). Kapag tinutupad natin ang mga tipang may kaugnayan sa nakapagliligtas at nagpapadakilang mga ordenansa ng ebanghelyo, maaaring dumaloy nang sagana ang kapangyarihan ng Diyos sa ating buhay. Maaari nating ituring ang landas ng tipan bilang isang uri ng banal na programa sa pagkatuto. Kapag gumagawa at tumutupad tayo ng mga tipan sa Diyos, nagsasanay tayong mag-isip, kumilos, at magmahal na katulad Niya. Paunti-unti, sa tulong at kapangyarihan Niya, nagagawa nating maging katulad Niya.

Hinahangad ng Diyos na sumama tayo sa Kanya at sa Kanyang Anak para “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Binigyan Niya ang bawat isa sa atin ng panahon sa mundong ito, mga espirituwal na kaloob, at kalayaang pumili para gamitin ang mga ito sa paglilingkod sa iba. Tayo ay Kanyang mga anak, at siya ay may mahalagang gawaing ipagagawa sa atin (tingnan sa Moises 1:4, 6).

Para maging epektibo sa Kanyang gawain, kailangan nating magtuon sa iba at matutong unahin ang Diyos at madalas na unahin ang mga pangangailangan ng iba kaysa sa sarili natin. Ang pagtutuon sa pagtulong sa iba ay nangangailangan ng personal na sakripisyo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:12–13) ngunit nagdaragdag din ito ng higit na kahulugan sa ating buhay at nagbibigay ng malaking kagalakan (tingnan sa Alma 36:24–26).

Sa pakikibahagi natin sa gawain ng Diyos, hindi lamang tayo kasama bilang mga miyembro ng isang grupo; sa halip, tayo ay nagiging tunay na mga katuwang ng Diyos at ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Wala nang mas matinding damdamin kaysa sa malaman na sapat ang tiwala sa atin ng Diyos para gawin tayong mga kasangkapan para maghatid ng buhay na walang hanggan sa iba.

grupo ng iba’t ibang mga tao

Tatlong Paanyaya

Bilang pagtatapos, nagbibigay ako ng tatlong paanyaya na makakatulong para magkaroon tayo ng masaya at matibay na damdamin ng pagkatao at pagiging kabilang at magbibigay sa atin ng kakayahang maabot ang ating banal na potensyal.

1. Inaanyayahan ko tayo na unahin ang ating banal na pagkatao bilang mga anak na babae at lalaki ng Diyos. Ang ibig sabihin nito ay ibatay natin ang ating pagpapahalaga sa sarili sa ating banal na mga magulang. Sikapin nating patatagin ang ating relasyon sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath at pagsamba sa templo, at anumang iba pang aktibidad na naghahatid ng Banal na Espiritu sa ating buhay at nagpapalakas sa ating kaugnayan sa Kanya. Hayaan nating manaig ang Diyos sa ating buhay.7

2. Inaasahan ko tayo na tanggapin si Jesucristo bilang ating Tagapagligtas at hayaang mangibabaw ang ating pagkadisipulo sa Kanya sa iba pang mga bagay. Ang ibig sabihin nito ay taglayin natin sa ating sarili ang Kanyang pangalan at naisin nating makilala bilang Kanyang mga alagad. Hangarin nating matamo ang Kanyang kapatawaran at Kanyang lakas araw-araw. Gumawa tayo ng mga tipan at tuparin natin ang mga iyon. Sikapin nating maging katulad Niya.

3. Inaanyayahan ko tayo na makibahagi sa gawain ng Diyos sa pamamagitan ng pagtulong sa iba na lumapit kay Cristo at magtamo ng buhay na walang hanggan. Ang ibig sabihin nito ay tulungan natin ang iba na makita ang kanilang banal na pagkatao at madama na kabilang sila. Hayagan nating ibahagi ang kagalakang nasusumpungan natin kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo (tingnan sa Alma 36:23–25). Sikapin nating tulungan ang iba na gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan sa Diyos. Hingin natin ang patnubay ng Diyos para malaman kung sino ang maaari nating pagpalain at kung paano magagawa iyon.

Nangangako ako na kapag inuna natin ang ating relasyon sa Diyos at ang ating pagkadisipulo kay Jesucristo, makasusumpong tayo ng kagalakan sa ating banal na pagkatao, magtatamo ng nagtatagal na pakiramdam na kabilang tayo, at sa huli ay maaabot natin ang ating banal na potensyal.

Mula sa isang mensahe sa debosyonal na, “Divine Identity, Becoming, and Belonging,” na ibinigay sa Brigham Young University–Hawaii noong Mayo 25, 2022.

Mga Tala

  1. APA Dictionary of Psychology, s.v. “belonging,” dictionary.apa.org.

  2. Joanna Cannon, “We All Want to Fit In,” Psychology Today (blog), Hulyo 13, 2016, psychologytoday.com.

  3. Brené Brown, Daring Greatly: How the Courage to Be Vulnerable Transforms the Way We Live, Love, Parent, and Lead (2015), 231–32.

  4. Binanggit sa Aklat ni Mormon ang isang pagkakataon na ang mga tao, bagama’t magkakaiba, ay nagkaisa sa Diyos (tingnan sa 4 Nephi 1:15–17). Naalala ng grupong ito ng mga tao ang kanilang banal na pamana, naging tapat sa Kanya nang higit sa lahat, at namuhay sa pagkakaisa at pagmamahal sa iba, sa kabila ng mga pagkakaiba sa genes at kapaligiran.

  5. Ang banal na bahay ng Panginoon ay lumilikha rin ng pagkakapantay-pantay at pagiging kabilang sa tipan. Isipin ang mga sumusunod tungkol sa ating karanasan sa templo: Lahat ay inaanyayahang maghanda at maging karapat-dapat para sa temple recommend. Lahat tayo ay nagsusuot ng puting damit na nagpapakita ng kadalisayan at pagkakapantay-pantay ng lahat sa harapan ng Diyos. Tinatawag natin ang isa’t isa na brother o sister at hindi tayo gumagamit ng mga pormal na mga makamundong titulo. Lahat ay binibigyan ng parehong mga pagkakataong matuto. Lahat ay inaalok ng parehong mga tipan at ordenansa at matatanggap ang parehong mga walang-hanggang pagpapala.

  6. Sa 117 bilyong katao na nabuhay rito sa mundo (tingnan sa Toshiko Kaneda at Carl Haub, “How Many People Have Ever Lived on Earth?,” Population Reference Bureau, Mayo 18, 2021, prb.org/articles/how-many-people-have-ever-lived-on-earth), iilan lang ang nakatanggap ng lahat ng nakapagliligtas at nagpapadakilang ordenansa ng ebanghelyo. Dahil dito, karamihan sa mga anak ng Diyos ay kakailanganing matanggap ang mga ordenansang ito sa daigdig ng mga espiritu.

  7. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Hayaang Manaig ang Diyos,” Liahona, Nob. 2020, 92–95.