2023
Isang Sulyap sa Patuloy na Babala ng Ating Propeta
Marso 2023


Digital Lamang: Mga Young Adult

Isang Sulyap sa Patuloy na Babala ng Ating Propeta

Pagyamanin ang nalalapit ninyong karanasan sa pangkalahatang kumperensya sa pagrebyu sa babala ni Pangulong Nelson na inulit sa kanyang huling mga mensahe.

kamay na may hawak na megaphone

Napakalapit na ng pangkalahatang kumperensya—na ibig sabihin ay parating na sa inyo ang paghahayag sa pamamagitan ng mga propeta!

Habang umaasam tayo ng panibagong payo, huwag nating kalimutan ang natutuhan natin sa mga nakaraang kumperensya. Tutal, hindi nawawalan ng bisa ang salita ng Panginoon kada anim na buwan. Ang maririnig natin sa kumperensyang ito ay makadaragdag sa natutuhan natin sa mga nakaraang kumperensya sa halip na palitan ang mga turong iyon.

Ang Tinig ng Babala

Kung titingnan ninyo ang mga mensahe kamakailan na ibinigay ng ating propetang si Pangulong Russell M. Nelson, mapapansin ninyo na inulit niya ang ilang katotohanan nang may agarang kahalagahan. Ang pag-uulit na ito ay lumilikha ng “epektibo at malinaw na babala na mas malakas kaysa sa nagagawa ng minsanang pagsasabi lamang.”1 At tungkol saan ang babala niya sa atin? “Ang masasamang pagsalakay ng kaaway.”2

May babala sa mga banal na kasulatan na sa mga huling araw “ang puso ng mga tao ay magsisipanlupaypay” (Doktrina at mga Tipan 45:26) at ang mga huwad na Cristo ay “malilinlang … ang mga hinirang” (Joseph Smith—Mateo 1:22). Totoo ito sa ating panahon. Malamang na may kakilala kayo na minsa’y naging disipulo ni Jesucristo pero nawalan na ngayon ng patotoo. Tunay ngang nagbabanta ang kaaway sa ating pananampalataya habang papalapit na tayo sa Ikalawang Pagparito ni Cristo.

Ang ating propeta ay parang isang “bantay” sa tore (Ezekiel 33:2). Tinawag siya upang “hipan ang trumpeta at bigyan ng babala ang taong-bayan” (Ezekiel 33:3). At ang babala ni Pangulong Nelson ay higit pa sa pabatid tungkol sa panganib—ito ay isang plano para tulungan ang bawat isa sa atin na maghanda at mapaglabanan ang mga espirituwal na pag-atake. At ngayon ang perpektong panahon para rebyuhin ang kanyang payo!

Ang Plano ng Pagkilos

Palakasin ang Inyong Pananampalataya kay Jesucristo

Narito ang sinabi ni Pangulong Nelson tungkol sa pagkakaroon at pagpapanatili ng isang patotoo na makakayang labanan ang mga pag-atake ng kaaway:

  • “Nakikiusap ako na alagaan ninyo ang inyong patotoo. Pagsikapan ito. Angkinin ito. Pangalagaan ito. Pagyamanin ito para lumago ito.”3

  • “Ang patotoo na hindi napangangalagaan sa araw-araw ‘ng mabuting salita ng Diyos’ [Moroni 6:4] ay maaaring gumuho. … Kailangan natin ng araw-araw na mga karanasan [sa] pagsamba sa Panginoon at pag-aaral ng Kanyang ebanghelyo.”4

  • “Mag-aral nang may hangaring maniwala … tulutan ang Panginoon na akayin kayo sa inyong paglalakbay sa pagtuklas ng mga bagay na espirituwal.”5

Maglaan ng Oras para sa Panginoon

Hindi tatahimik ang mundo nang sapat para marinig ninyo ang Espiritu. Kailangan ninyong mag-ukol ng oras para manahimik at makinig. Nag-uukol ba kayo ng oras sa pagsisikap na pakinggan Siya?

  • “Bigyan [ang Panginoon] ng makatwirang bahagi ng inyong oras. Sa paggawa nito, pansinin ang mangyayari sa inyong positibong espirituwal na momentum.”6

  • “Tayo ang nagtatakda ng ating mga prayoridad at nagpapasiya kung paano natin gagamitin ang ating lakas, panahon, at kakayahan. … Labanan ang panunukso ng mundo sa pamamagitan ng paglalaan ng panahon para sa Panginoon sa inyong buhay—sa bawat araw.”7

  • “[Maaari nating punan] ang [ating] oras … ng ingay at kaguluhan ng daigdig. O maaari nating gamitin ang ating oras sa pakikinig sa tinig ng Panginoon na bumubulong ng Kanyang patnubay, kapanatagan, at kapayapaan.”8

Gumawa at Tumupad ng mga Tipan

Kapag nakikipagtipan kayo sa Ama sa Langit, pumapasok kayo sa mga pangako ng pagkakaisa ng layunin at pagkilos. At kapag lalo kayong nakikiisa sa Kanya, mas lalakas kayo sa inyong pakikipaglaban sa kaaway.

  • “May espesyal na pagmamahal ang Diyos para sa bawat taong nakikipagtipan sa Kanya sa mga tubig ng binyag. At ang banal na pagmamahal na iyan ay lumalalim habang gumagawa at tumutupad kayo ng mga karagdagang tipan.”9

  • “Buong puso akong sumasamo, hinihikayat ko kayong pumasok sa landas ng tipan at manatili roon.”10

  • “Kapag tapat kayo sa inyong mga tipan na ginawa sa templo, mapalalakas kayo ng Kanyang kapangyarihan … makatatayo kayo nang matatag dahil ang inyong espirituwal na pundasyon ay matibay at hindi natitinag.”11

Ang mga Pangako

Kapag pinagsama-sama, ang tatlong mensaheng ito—pagpapalakas ng inyong pananampalataya, pag-uukol ng oras para sa Panginoon, at pagtupad ng mga tipan—nagbibigay ito ng katibayan sa isang mahalagang katotohanan: Alam ni Pangulong Nelson na tayo ay nasa mga huling araw, at ginagawa niya ang lahat ng makakaya niya para tulungan tayong manatiling matatag.

Ngayong narinig na ninyo ang kanyang “tunog ng trumpeta” (Ezekiel 33:4), bahala na kayong kumilos! Sundin ang payo ng propeta. Gumawa ng mga pagbabago sa inyong regular na gawain para masunod ang plano ng pagkilos. At kapag ginawa ninyo ito “magiging mas mabisang kasangkapan kayo sa mga kamay ng Panginoon.”12 Kayo ay “ma[sa]sandatahan ng kapangyarihan ng priesthood.”13 Magagawa ninyong “walang kapantay na pag-unlad at oportunidad ang mga [hamon].”14 At magiging handa kayong tumanggap ng karagdagang katotohanan, babala, at paghahanda mula sa Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang propeta sa susunod na pangkalahatang kumperensya.