2023
Kapayapaan kay Jesucristo—Mga Mensahe Kamakailan mula sa mga Propeta at Apostol
Marso 2023


Digital Lamang

Kapayapaan kay Jesucristo—Mga Mensahe Kamakailan mula sa mga Propeta at Apostol

Tingnan kung ano ang naituro kamakailan ng mga buhay na propeta sa social media tungkol sa kapayapaang maaari nating madama sa pamamagitan ni Jesucristo.

si Cristo na pinagagaling ang biyenan ni Pedro

Larawang-guhit ni James Johnson

Sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2022, nagsalita si Pangulong Russell M. Nelson tungkol sa kapangyarihan ni Jesucristo na maghatid ng kapayapaan, pag-asa, at kapahingahan sa ating buhay: “Madaraig ninyo ang mga nakapapagod na espirituwal at emosyonal na salot ng mundo, pati na ang kayabangan, kapalaluan, galit, imoralidad, pagkamuhi, kasakiman, inggit, at takot. Sa kabila ng mga kalituhan at pagbabaluktot ng katotohanan sa ating paligid, makasusumpong kayo ng tunay na kapahingahan—ibig sabihi’y ginhawa at kapayapaan—maging sa gitna ng inyong mga pinaka-nakayayamot na problema.”1

Nagsalita ang mga miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol sa pangkalahatang kumperensya tungkol sa kung paano tayo mabibigyan ni Jesucristo ng kapayapaan, kapanatagan, at kapahingahan. Nagbahagi rin sila ng mga mensahe sa social media tungkol sa mga paksang ito, kabilang na ang mga sumusunod:

Ibahagi ang Liwanag ni Jesucristo

Pangulong Russell M. Nelson

“Dahil napakarami sa atin ang nahihirapan sa mga hamon ng nakaraang taon at marami pang iba, maaaring mahirap malaman kung saan tayo makakahanap ng kapayapaan.

“… Inaanyayahan ko kayong ibahagi ang liwanag ng Tagapagligtas na si Jesucristo sa mga nasa paligid ninyo. Ang Kanyang liwanag at Kanyang pagmamahal ang magpapagaling sa ating puso … sa lahat ng hamon ng buhay.”

Pangulong Russell M. Nelson, Facebook, Dis. 16, 2021, facebook.com/russell.m.nelson.

Sundin ang mga Turo ni Jesucristo

Pangulong Russell M. Nelson

“Naranasan nating lahat ang nakabibigla at di-inaasahang mga pangyayari.

“Sa gitna ng kawalang-katiyakang ito, iisa lamang ang paraan para makadama ng kapayapaan—ang tunay na kapayapaang hindi maabot ng pag-iisip. Ang kapayapaang iyan ay matatagpuan sa pagsampalataya sa Panginoong Jesucristo.

“Ngayong Linggo ng Palaspas, inaanyayahan ko kayong gawing tunay na banal ang linggong ito sa pag-alaala—hindi lamang sa mga palaspas na iwinagayway para parangalan ang pagpasok ni Jesus sa Jerusalem—kundi sa pag-alaala sa mga palad ng Kanyang mga kamay.

“Matapos ang lahat ng ginawa ni Jesucristo para sa inyo, inaanyayahan ko kayong gumawa ng isang bagay sa linggong ito para masunod ang Kanyang mga turo. Maaari kayong mas taimtim na manalangin. Maaari ninyong patawarin ang isang tao o tulungan ang isang kaibigang nangangailangan. Maaari kayong magsimula ngayon ng bagong espirituwal na mithiin.”

Pangulong Russell M. Nelson, Facebook, Mar. 28, 2021, facebook.com/russell.m.nelson.

Hangarin ang Kagalakang Walang Hanggan

Pangulong Dallin H. Oaks

“Nabubuhay tayo sa mahihirap na panahon: mga digmaan at alingawngaw ng mga digmaan, lindol, buhawi, tsunami, at mga posibilidad na magkaroon ng mga problema sa pananalapi. Ang mas mahalaga, ang mga pinahahalagahan at pamantayan na libu-libong taon nang iginalang ay ipinagkakait o isinasantabi na ngayon. Napapalitan ng pagiging makasarili ang paglilingkod. Ang masama ay tinatawag na mabuti, at ang mabuti ay tinatawag na masama.

“Bagama’t nanlulupaypay ang mga tao, huwag kayong matakot. Palaging may mahihirap na panahon. “Nakayanan namin, na sinusundan ninyong mga henerasyon, ang mabibigat na hamon, at kakayanin din ninyo ang mga iyon. Ang sagot sa lahat ng hamong ito ay katulad pa rin ng dati. Mayroon tayong isang Tagapagligtas, at itinuro na Niya sa atin ang dapat nating gawin.

“‘Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo, upang sa akin ay magkaroon kayo ng kapayapaan. Sa sanlibutan ay nahaharap kayo sa paguusig. Ngunit lakasan ninyo ang inyong loob, dinaig ko na ang sanlibutan’ (Juan 16:33).

“Itinuturo sa Aklat ni Mormon na umiiral ang mga anak ng Diyos upang sila ay magkaroon ng kagalakan (2 Nephi 2:25). Ang dakilang katotohanang iyan ay mahalaga sa ating pilosopiya ng buhay. Ang uri ng kagalakang tinukoy sa mga banal na kasulatan ay hindi ang kaligayahang nararanasan natin sa mga pansamantalang agarang kasiyahan. Ang kagalakang para sa atin ay nagtatagal.

“Naniniwala ako na ang ating pinakamalaking kagalakan ay matatagpuan sa pamamagitan ng ebanghelyo ni Jesucristo, na nagpapaliwanag sa ating pinagmulan bilang mga espiritu, sa paglikha ng mundo, sa ating layunin sa mortalidad, at sa ating tadhana sa kawalang-hanggan.

“Pahalagahan at palawakin ang mga koneksyon ng inyong pamilya. Itangi at gamitin ang inyong mga pagkakataong lumikha sa walang-hanggang kasal. At pahalagahan ang inyong mga kaibigan at pagkakataong matuto at maglingkod, sapagkat ang mga pagsisikap na iyon ay maaari ding humantong sa kagalakang walang hanggan.”

Pangulong Dallin H. Oaks, Facebook, Peb. 8, 2022, facebook.com/dallin.h.oaks.

Tiwala sa Ama sa Langit at kay Jesucristo

Pangulong Dallin H. Oaks

“Nais kong magbahagi ng isang mensahe sa inyo na mga bata pa. Mahal ko kayo. Gusto ko kayong tulungan. Ito ang mga panahon na kailangan nating lahat ng pagmamahal at ng kaakibat nitong pagmamalasakit sa iba. Paano ninyo hinaharap ng inyong mga kaibigan ang maraming hamong nararanasan ninyo?

“Ang mga personal na panganib at mga epekto ng COVID-19 sa edukasyon at ekonomiya ay tiyak na nagpapaigting sa pagkabalisa ng lahat, at, tulad ng alam ninyo, matindi rin ang pagkabalisa ng mga kabataan tungkol sa iba pang mga paksa.

“Anuman ang mga dahilan ng labis na pag-iibayo sa pagkabalisa at kaugnay na mga pagsusuri sa kalusugang pangkaisipan, ang unang paraan ng pagtatanggol natin sa sarili ay palaging ang pananampalataya natin sa Panginoong Jesucristo. Nagtitiwala tayo sa Kanyang mga pangako ng kapayapaan at sa paglilinis na ginagawang posible ng Kanyang Pagbabayad-sala. Sa halip na mabalisa at matakot na karaniwan sa inyong henerasyon, umasa sa mga pagtiyak ng isang mapagmahal na Ama sa Langit. Dapat ding samahan ng propesyonal na pagpapayo ang prosesong ito kapag naaangkop.

“Hinihikayat ko kayong magtiwala sa payo ng Kanyang mapagmahal na Anak, isang Tagapagligtas na tiniyak na sa atin na ‘kung kayo ay handa kayo ay hindi matatakot’ (Doktrina at mga Tipan 38:30).”

Pangulong Dallin H. Oaks, Facebook, Nob. 10, 2020, facebook.com/dallin.h.oaks.

Sundin ang mga Kautusan

Pangulong Dallin H. Oaks

“Kahit sa mahirap na panahong ito, ang mga alituntuning inaasam naming mga pinuno ng Simbahan na mauunawaan ninyo ay siya ring mga pangunahing alituntunin ng pananampalataya kay Jesucristo at pagsunod sa Kanyang ebanghelyo na palagi nating itinuturo.

“Kapag masunurin tayo sa mga kautusan, ipinangako sa atin ng Panginoon, ‘Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo, ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo. Hindi gaya ng ibinibigay ng sanlibutan ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag mabagabag ang inyong puso, o matakot man’” (Juan 14:27).

“Kapayapaan at kadakilaan ang mga ipinangakong epekto ng pagsunod sa mga kautusan at pagtitiwala sa Panginoon.

“Maliwanag ang landasin: ‘Sa Panginoon ay buong puso kang magtiwala, at huwag kang manalig sa sarili mong pang-unawa. Sa lahat ng iyong mga lakad siya’y iyong kilalanin, at itutuwid niya ang iyong mga landasin’ (Mga Kawikaan 3:5–6).”

Pangulong Dallin H. Oaks, Facebook, Set. 10, 2020, facebook.com/dallin.h.oaks.

Paglingkuran ang Isa’t Isa

Pangulong M. Russell Ballard

“Nabubuhay tayo sa isang mundong puno ng kawalang-katiyakan, kaguluhan, at kalituhan. Ang mga pangangailangan sa pang-araw-araw na buhay ay maaaring magpahina sa atin. Naniniwala ako na may isang simple ngunit malalim na alituntuning makakatulong sa atin para mapalaya ang ating sarili mula sa nakalilitong mga hamong ito para makasumpong ng kapayapaan ng isipan at kaligayahan: paglilingkod sa isa’t isa.

“Maraming maliliit at simpleng paraan at sitwasyon kung saan maaari nating paglingkuran at mahalin ang iba sa tahanan, sa simbahan, at sa ating mga komunidad.

“Ang mga dakilang bagay ay ginagawa sa pamamagitan ng mga simple at maliliit na pagpapakita ng kabaitan at paglilingkod. Natitipon ang mga iyon upang maging isang buhay na puspos ng pagmamahal sa Ama sa Langit, katapatan sa gawain ng Panginoong Jesucristo, at diwa ng kapayapaan at kagalakan tuwing nagtutulungan tayo.”

Pangulong M. Russell Ballard, Facebook, Set. 1, 2022, facebook.com/mrussell.ballard.

Bumaling sa Panginoon para Makabilang

Pangulong M. Russell Ballard

“Ang Pagkabuhay na Muli ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo ay nagbibigay sa akin at sa lahat ng naniniwala sa Kanyang pangalan ng walang-hanggang pag-asa sa kabila ng mga hamong kinakaharap natin sa buhay. Tulad noong unang umagang iyon ng Pasko ng Pagkabuhay, maaari tayong magising sa isang bagong buhay kay Cristo, na may bago at kagila-gilalas na mga posibilidad at bagong katotohanan kapag bumaling tayo sa Panginoon para makabilang.”

Pangulong M. Russell Ballard, Facebook, Abr. 17, 2022, facebook.com/mrussell.ballard.

Manalangin nang Madalas

Pangulong M. Russell Ballard

“Kapag nagkakagulo ang mga bagay-bagay, tulad ng nangyayari ngayon sa ating panahon, nais ng Panginoon na bumaling tayo sa Kanya sa panalangin.

“Palagi ko kayong naiisip na mga nagdurusa, nag-aalala, natatakot, at nakadarama na nag-iisa kayo. Tinitiyak ko sa bawat isa sa inyo na kilala kayo ng Panginoon, na alam Niya ang inyong alalahanin at paghihirap, at na mahal Niya kayo—nang lubos, personal, malalim, at magpakailanman. Manalangin sana kayo nang madalas at ipaalam sa inyong Ama sa Langit ang nadarama ng inyong puso.

“Kapag nananalangin ako tuwing gabi, hinihiling ko sa Panginoon na pagpalain Niya ang mga nagdadalamhati, may nadaramang sakit, nalulungkot, at nalulumbay. Alam kong gayon din ang panalangin ng iba pang mga lider ng Simbahan. Ang aming mga puso ay sumasainyo, at ipinagdarasal namin kayo sa Diyos.

“Tulad noong manawagan akong manalangin sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2020, inuulit ko ang paanyayang iyon ngayon. Anuman ang inyong paraan ng pananalangin o kaninuman kayo nananalangin, magkaroon nawa kayo ng pananampalataya—anuman ang inyong relihiyon—at manalangin para sa inyong bansa at para sa mga pinuno ng inyong bansa. Wala nang mas mahalaga ngayon kaysa sa mga tao sa lahat ng bansa na nagdarasal para sa banal na inspirasyon at patnubay.”

Pangulong M. Russell Ballard, Facebook, Mayo 6, 2021, facebook.com/mrussell.ballard.

Magsikap na Sundin Siya

Pangulong M. Russell Ballard

“Higit sa lahat, nagpapasalamat ako sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang halimbawa sa akin. Sa pagsisikap nating sundin Siya at maging Kanyang matatapat na disipulo, makasusumpong tayo ng kapayapaan, kagalakan, at kaligayahan sa kabila ng mga problema sa mundo na nakapaligid sa atin.”

Pangulong M. Russell Ballard, Facebook, Nob. 27, 2020, facebook.com/mrussell.ballard.

Humiling ng mga Pagpapala at Patnubay

Pangulong M. Russell Ballard

“Alam ko ang kapangyarihan ng panalangin dahil sa aking sariling karanasan. Nitong nakaraan ay mag-isa ako sa aking opisina. Katatapos lamang operahan ang aking kamay. Ito ay pasa-pasa, namamaga, at masakit. Habang nakaupo sa tabi ng aking mesa, hindi ako makapagtuon sa mahalaga at kritikal na mga bagay dahil sa sakit na aking nadarama.

“Lumuhod ako sa panalangin at hiniling ko sa Panginoon na tulungan akong makapagpokus para maisakatuparan ko ang aking gawain. Tumayo ako at binalikan ko ang tumpok ng mga papel sa aking mesa. Halos agad-agad ay naging malinaw ang aking isipan, at nagawa kong tapusin ang mahahalagang bagay na nasa aking harapan.

“Ang kasalukuyang magulong sitwasyon ng mundo ay maaaring nakakatakot kung iisipin natin ang napakaraming problema at hamon. Ngunit taimtim akong nagpapatotoo na kung tayo ay mananalangin at hihiling sa Ama sa Langit ng mga kinakailangang pagpapala at patnubay, malalaman natin kung paano natin mapagpapala ang ating mga pamilya, kapitbahay, komunidad, at maging ang mga bansa kung saan tayo nakatira.”

Pangulong M. Russell Ballard, Facebook, Okt. 26, 2020, facebook.com/mrussell.ballard.

Suportahan ang Isa’t Isa

Elder Jeffrey R. Holland

“Maaaring mahirap ang buhay … ngunit habang sinusuportahan natin ang isa’t isa at habang umaasa tayo kay Jesucristo, tutulungan Niya tayo sa mga pagsubok sa buhay.”

Elder Jeffrey R. Holland, Twitter, Set. 14, 2022, twitter.com/HollandJeffreyR.

Bumaling kay Jesucristo

Elder Jeffrey R. Holland

“Ang pag-aaral ng buhay ng ating Tagapagligtas ay mas naglalapit sa atin sa Kanya. … Inaanyayahan ko kayong mag-ukol ng oras na makilala ang Prinsipe ng Kapayapaan—ang Kanyang pagsilang, buhay, mensahe, at pagkabuhay na mag-uli. Habang mas marami tayong natututuhan tungkol sa Kanya at sumusunod sa Kanyang halimbawa, mas mapapayapa tayo sa mahihirap na panahon.”

Elder Jeffrey R. Holland, Facebook, Dis. 20, 2021, facebook.com/jeffreyr.holland.

“Simula noong pangkalahatang kumperensya, patuloy ko nang pinagnilayan kung paano tayo makasusumpong ng kapanatagang mula sa Diyos habang tayo ay nasa mortal na mundong ito. Marami tayong nakikita na pagtatalo, galit, at kapalastanganan sa ating paligid. Sa kabutihang-palad, ang kasalukuyang henerasyon ay wala pang Ikatlong Digmaang Pandaigdig na paglalabanan, o nakaranas ng pandaigdigang pagbagsak ng merkado tulad noong 1929 na nagbunga ng Great Depression.

Ngunit tayo ay nahaharap sa uri ng Ikatlong Digmaang Pandaigdig, hindi isang digmaan upang gapiin ang ating mga kalaban kundi pagtitipon sa paghikayat sa mga anak ng Diyos na mas pangalagaan ang isa’t isa at tumulong sa paghilom ng mga sugat na nakikita natin sa daigdig na puno ng pagtatalo. Ang kinakaharap nating Great Depression ngayon ay hindi gaanong tungkol sa kawalan natin ng ipong salapi kundi mas tungkol ito sa kawalan natin ng tiwala sa sarili, ng tunay na kakulangan ng pananampalataya at pag-asa at pag-ibig sa kapwa sa ating paligid.

“Ngunit ang mga instrumentong kailangan natin upang makalikha ng mas maliwanag na araw at magpaunlad ng ekonomiya ng tunay na kabutihan sa lipunan ay inilalaan nang sagana sa ebanghelyo ni Jesucristo. Kaya, sa isang mundong ‘pinapaspas ng bagyo, at hindi naaaliw,’ tulad ng sinabi ni Jehova na mangyayari, paano tayo magkakaroon ng tinawag Niyang ‘tipan ng … kapayapaan’? Mahahanap natin ito sa paglapit sa Kanya na nagsabing maaawa Siya sa atin ‘sa walang hanggang kabutihan’ at bibigyan ng kapayapaan ang ating mga anak (tingnan sa Isaias 54:8, 10–11, 13).”

Elder Jeffrey R. Holland, Facebook, Ago. 10, 2021, facebook.com/jeffreyr.holland.

Mamuhay nang Payapa sa Personal na Paraan

Elder Jeffrey R. Holland

“Sa kabila ng iba pang nakakatakot na propesiya at nakababahalang mga banal na kasulatang nagpapahayag na aalisin ang kapayapaan sa mundo sa pangkalahatan, naituro ng ating sariling minamahal na si Russell M. Nelson na hindi ito nangangahulugan na aalisin ito mula sa bawat isa sa atin!

“Kaya, … subukan nating mamuhay nang payapa sa personal na paraan, na ginagamit ang biyaya at nagpapagaling na balsamo ng Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo sa ating sarili at sa ating mga pamilya at sa lahat ng kaya nating tulungan sa ating paligid.

“Marami sa atin ang nahihirapan sa anumang dami ng mga hamon—pisikal o emosyonal, pakikisalamuha o pinansyal, o maraming iba pang uri ng problema. Ngunit marami sa mga ito ang wala tayong sapat na lakas para lutasin natin, sapagkat ang kapayapaang kailangan natin ay hindi ang uri na ‘ibinibigay ng sanlibutan’ (Juan 14:27). Hindi, para sa tunay na mahihirap na problema kailangan natin ang tinatawag ng mga banal na kasulatan na ‘mga kapangyarihan ng langit’ (Doktrina at mga Tipan 121:36).

“Sa kabila ng pagtataksil at sakit, pang-aabuso at kalupitan, at habang pasan ang pinagsama-samang kasalanan at kalungkutan ng buong sangkatauhan, ang Anak ng buhay na Diyos ay tumingin sa mahabang landas ng mortalidad, nakita tayo ngayong Sabadong ito, at nagsabing: ‘Kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo, ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo. Hindi gaya ng ibinibigay ng sanlibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag mabagabag ang inyong puso, o matakot man’ (Juan 14:27).”

Elder Jeffrey R. Holland, Facebook, Abr. 3, 2021, facebook.com/jeffreyr.holland.

Lubos na Magtiwala kay Jesucristo

Elder Dieter F. Uchtdorf

“Nagdadalamhati ang puso ko sa masakit na kalungkutan at nakakapagod na mga pangambang maaaring nararanasan ninyo sa panahong ito. Gayunman, dahil sa sakripisyo ng ating pinakamamahal na Manunubos, walang tibo ang kamatayan, walang tagumpay ang libingan, itatama ang mga mali, at walang pangmatagalang kapangyarihan si Satanas.

“‘Maaaring magtagal nang magdamag ang pag-iyak, ngunit sa kinaumagahan ay dumarating ang galak’ (Mga Awit 30:5).

“Ang sakdal[, malalim, at walang-hanggang] pag-ibig ni Cristo ay nagbibigay sa atin ng tiwala na magpatuloy sa kabila ng takot. Dahil sa Kanyang maluwalhating Pagkabuhay na Muli, maaari tayong lubos na magtiwala sa Kanya, kahit sa pinakamahihirap na panahon.

“‘Ang Diyos ay ating kanlungan at kalakasan’ (Mga Awit 46:1).

“‘Kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Diyos’ (Mga Awit 46:10).”

Elder Dieter F. Uchtdorf, Facebook, Abr. 17, 2022, facebook.com/dieterf.uchtdorf.

Kilalanin ang Panginoon

Elder David A. Bednar

“Ang ilan sa inyo ay maaaring naniniwala na si Jesucristo ang Anak ng Diyos at nag-alay Siya ng walang katapusan at walang hanggang nagbabayad-salang sakripisyo. Ngunit maaaring naniniwala rin kayo na ang Kanyang Pagbabayad-sala ay mabisa sa sinuman—ngunit hindi sa inyo. Sumasampalataya kayo sa Tagapagligtas ngunit maaaring hindi kayo naniniwala na lahat ng Kanyang ipinangakong pagpapala ay matatamo ninyo o makakaimpluwensya sa inyong buhay. Inaanyayahan ko kayo na huwag lang alamin ang tungkol sa Panginoon kundi kilalanin din Siya.

“Ipinayo ng Tagapagligtas na tularan natin Siya. Makikilala natin ang Panginoon kapag sinisikap nating maging Katulad Niya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Makikilala natin ang Panginoon kapag pinaglilingkuran natin Siya at gumagawa tayo sa Kanyang kaharian. Mas lubos nating makikilala ang Panginoon kapag hindi lang tayo naniniwala sa Kanya kundi naniniwala rin sa Kanyang mga pangako.

“Ang maniwala sa Kanya—ang tanggapin ang Kanyang kapangyarihan at mga pangako—ay nagbibigay ng pananaw, kapayapaan, at kagalakan sa ating buhay. Ang Kanyang Pagbabayad-sala ay para sa bawat indibiduwal; ito ay personal. At ito ay para sa bawat isa sa atin.”

Elder David A. Bednar, Facebook, Mar. 14, 2021, facebook.com/davida.bednar.

Sundan ang Liwanag at Halimbawa ng Tagapagligtas

Elder Quentin L. Cook

“Sa magandang araw na ito ng Linggo ng Pagkabuhay, nagninilay at nagagalak tayo sa lahat ng nagawa ng Tagapagligtas para sa atin. Ibinigay Niya ang Kanyang buhay bilang Pagbabayad-sala para sa iba, na dumaig sa kamatayan at tumubos sa buong sangkatauhan. Ipinapangako ko na ang pagsunod sa Kanyang liwanag at halimbawa ay maghahatid sa atin ng higit na kagalakan, kaligayahan, at kapayapaan sa buhay na ito kaysa anupaman.”

Elder Quentin L. Cook, Facebook, Abr. 17, 2022, facebook.com/quentin.lcook.

Magtiwala kay Jesucristo

Elder Ulisses Soares

“Karangalan namin ni Rosana na makausap kamakailan ang mga estudyante sa BYU–Idaho. Gumugol kami ng ilang oras sa pagtalakay sa mga alalahaning naipahayag ng maraming kabataan kung paano ka makadarama ng tiwala at kapayapaan tungkol sa hinaharap kapag hindi gayon kaganda ang mga kundisyon ng mundo.

“Tinitiyak ko sa inyo na ang tiwala natin sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo ay magpapalakas sa atin upang patuloy na sumulong sa buhay, sa kabila ng mga hamon na pinagdaraanan natin.

“Sa paglapit sa Kanya ay hindi tayo pinipigilan o nililimitahan ang ating kalayaan! Sa halip, nagbibigay ito sa atin ng dahilan para magkaroon ng matibay na pag-asa at naglalaan ng matibay na angkla sa ating kaluluwa, na nagbibigay sa atin ng walang-hanggang kapayapaan ng kalooban na kailangan natin para mabuhay sa mga panahong ito at makasumpong ng kapahingahan sa Kanya.

“Kung hindi tayo tatalikod sa liwanag na natatanggap natin mula sa Tagapagligtas, hindi tayo magkakaroon ng damdamin ng kahungkagan sa ating buhay kundi ng isang kaganapan na sumasakop sa kaibuturan ng ating kaluluwa.

“Sa pamamagitan ng Tagapagligtas na si Jesucristo at sa Kanyang nagpapagaling na nagbabayad-salang sakripisyo tayo nakakatayo nang matatag at matibay, maging sa mahirap na sitwasyon. Pinupuspos ng nagpapagaling na kapangyarihan ng Tagapagligtas ng kapayapaan, liwanag, pag-unawa, kagalakan, at pagmamahal ang ating kaluluwa.”

Elder Ulisses Soares, Facebook, Mayo 20, 2021, facebook.com/soares.u.