2023
Paano Ako Natulungan ng Edukasyon—at Pananampalataya—na Tanggapin ang Kawalang-Katiyakan
Marso 2023


Digital Lamang: Mga Young Adult

Paano Ako Natulungan ng Edukasyon—at Pananampalataya—na Tanggapin ang Kawalang-Katiyakan

Matapos akong maputulan ng litid sa tuhod (ACL), hindi ko na sigurado kung ano ang magiging hitsura ng hinaharap, pero dahil sa karanasang iyon ay naisip ko ang mga bagay na higit pa sa kaya kong isipin.

mga daliring may hawak na circular polarizer filter sa harap ng isang tanawin sa taglamig

Naaalala ko na umuwi ako mula sa ospital sa araw na iyon. Tinulungan ako ng aking mga magulang na makalabas ng kotse, makapasok sa bahay, at makahiga sa kama ko. Naaalala ko na nakahiga ako roon, na walang magawa sa unang pagkakataon sa buhay ko.

Lumaki ako na naglalaro ng isports. Umasa pa akong makalahok sa track and field sa kolehiyo balang-araw. Pero nang malapit na akong matapos ng high school, naputulan ako ng litid sa tuhod (anterior cruciate ligament o ACL)—sa ikalawang pagkakataon. Nangailangan ng ilang operasyon at mahigit isang taon ng rehab para maisaayos ito. Ang unang operasyon ko ay saktong-sakto bago ako nag-graduate, at kinailangan kong manatili sa bahay nang magsimula ang mga kaibigan ko sa sumunod na kabanata ng kanilang buhay sa pag-aaral sa mga bagong kolehiyo, pagmimisyon, at paglipat sa kapana-panabik na mga lungsod. Ang aking kinabukasan, na dati’y sigurado, ay puno na ngayon ng kawalang-katiyakan.

Inaamin ko, alam ko na ang mga hamong ito ay hindi kakaiba o pambihira, pero ito ang naging mga hamon ko sa buhay—at mahirap ang mga ito! Ang naging reaksyon ko kaagad ay ang humingi ng tulong para sa anumang katiyakan at gumawa ng mga plano para sa aking kinabukasan. Pero sa prosesong iyon ng pagsisikap para sa personal na katiyakan o seguridad, isang proseso na patuloy pa rin ngayon, may natutuhan akong ilang bagay.

Oportunidad sa Kawalang-Katiyakan

Minsang sinabi sa akin ng isang matalinong bishop, “Ang isa sa mga layunin ng ebanghelyo ay hindi para alisin ang ating mga hamon kundi para tulungan tayong malampasan ang mga iyon.”

Kung hangad nating matuto mula sa kawalang-katiyakan, sa halip na iwasan ito, matutulungan tayo ng ating mga karanasan na mas mapalapit sa Tagapagligtas. Iminungkahi pa nga ng mga psychologist na ang pamumuhay nang may katamtamang kawalang-katiyakan ang pinakamainam para sa personal na paglago.1 Pero sa huli, hinaharap natin ang kawalang-katiyakan sa pamamagitan ng pagtanggap dito nang may pananampalataya.

Sinabing minsan ni BYU–Pathway Worldwide President Brian K. Ashton: “Sumulong nang may pananampalataya. Kung hindi ninyo makita ang solusyon sa inyong mga problema ngayon, maniwala na darating ang mga solusyong iyon habang sumusulong kayo kung ginagawa ninyo ang nais ng Diyos na gawin ninyo.”2 Ang kawalang-katiyakan ay higit na mapapangasiwaan kapag tiwala tayong kumikilos, patuloy na natututo, habang nagtitiwala na tutulungan tayo ng Diyos kapag umasa tayo sa Kanya.

Magagawang Mas Tiyak ng Edukasyon ang Ating Kinabukasan

Mahalaga ang naging papel ng edukasyon sa pagtulong sa akin na maunawaan ang kawalang-katiyakan. Habang nagpapagaling ako mula sa operasyon, nagsimula akong kumuha ng mga kurso sa Brigham Young University–Idaho online. Noong una ay hindi ako sigurado kung tama para sa akin ang mag-aral online, pero ang kahanga-hangang mga karanasan ko ay agad na nagpabago sa aking opinyon.

Marami akong natutuhan mula sa mga kaklase ko na magkakaiba ang sitwasyon. Natulungan ako ng aking pag-aaral na maiba ang iniisip ko tungkol sa aking sarili at sa mundo sa aking paligid, at nagsimulang magbago ang aking mga prayoridad. Nagsimula akong masiyahan sa pag-aaral sa halip na makaraos lang nang walang kibo, at nagkaroon ng mas malaking kabuluhan ang ebanghelyo ni Jesucristo sa aking buhay.

Kung hindi ako nakapag-aral, hindi ko mararating ang narating ko ngayon. Naniniwala ako na ang desisyon kong maglingkod sa full-time mission ay dahil sa mga kursong iyon. Naniniwala ako na ginagabayan ako ng Diyos at patuloy akong tinutulungan habang nananampalataya ako sa Kanya.

Pag-unawa sa Buong Sitwasyon

Bagama’t puno pa rin ng kawalang-katiyakan ang hinaharap, hindi na iyon nakakabalisa sa akin na tulad ng dati. Napatatag ng mga karanasan ko ang aking relasyon sa Diyos at natulungan akong baguhin ang pananaw ko sa buhay. Sa halip na labis na pag-isipan ang lahat (isang bagay na palagi kong ginagawa), natanto ko na kung minsa’y kailangan ko lang kumilos. Hindi ito isang saloobin ng pagwawalang-bahala, kundi tiwala na alam ko na ngayon na ako ay tutulungan, bibigyan ng inspirasyon, at bibigyan ng mga oportunidad ng Ama sa Langit habang sumusulong ako nang may pananampalataya.

Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson kamakailan, “Ang positibong espirituwal na momentum ang tutulong atin na patuloy na sumulong sa kabila ng pangamba at kawalang-katiyakan.”3 Sa momentum na nakuha ko, ang ulap ng kawalang-katiyakan ay napalitan ng maliwanag na pag-asa para sa hinaharap. Sa pagbabalik-tanaw, natanto ko na kasama ko na ang Diyos—siguro’y hindi sa mga paraang inaasahan ko, kundi lagi Siyang nariyan sa paraang higit ko Siyang kailangan.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Ronald A. Beghetto and Garrett J. Jaeger, Uncertainty: A Catalyst for Creativity, Learning and Development (Springer International Publishing AG, 2022), 3.

  2. Brian K. Ashton, “Learning is a Spiritual Endeavor” (Brigham Young University–Pathway Worldwide, Abril 30, 2019), 2, byupathway.org.

  3. Russell M. Nelson, “Ang Kapangyarihan ng Espirituwal na Momentum,” Liahona, Mayo 2022, 98.