“Pagtitiwala sa Kapangyarihan ng Panginoon at sa mga Propeta,” Liahona, Mar. 2023.
Para sa mga Magulang
Pagtitiwala sa Kapangyarihan ng Panginoon at sa mga Propeta
Minamahal na mga Magulang,
Sa ating mundo na tumitindi ang kaguluhan, madaling makadama ng takot at kawalang-katiyakan. Pero kapag bumaling tayo kay Jesucristo para mapanatag, mabibigyan Niya tayo ng kapayapaan sa mga unos ng buhay. Basahin ang mga artikulo sa isyung ito para malaman kung paano kayo matutulungan ng Tagapagligtas na malampasan ang inyong mga hamon.
Mga Talakayan tungkol sa Ebanghelyo
Nag-aalok Kaagad ng Kapayapaan ang Tagapagligtas sa mga Panahon ng Kaguluhan
Kasama ang inyong pamilya, basahin ang artikulo ni Elder Uchtdorf sa pahina 4 kung paano makapagbibigay ng kapayapaan ang pagtitiwala sa nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ni Cristo sa mahihirap na sitwasyon. Sama-samang talakayin ang ilang paraan na nag-aalok ng ginhawa si Jesus. Ano ang magagawa ninyo para maanyayahan ang Kanyang kapangyarihan sa inyong buhay?
Paano Pinagpapala ng Priesthood ang Ating Pamilya?
Basahin ang artikulo sa pahina 22 na tungkol sa mga basbas ng priesthood. Anyayahan ang mga kapamilya na magbahagi ng mga pagkakataon na nakatanggap sila ng basbas ng priesthood. Ano ang naramdaman nila? Paano nakatulong sa kanila ang basbas? May basbas ba na makakatulong ngayon sa isang kapamilya?
Ginagamit ng Panginoon ang Kanyang Propeta para Tulungan Tayong Magkaroon ng Lakas-ng-Loob o Tapang
Sa artikulo sa pahina 30, tinalakay ni Elder Sikahema kung paano nakatulong sa kanya ang pagsunod sa mga turo ng propeta na maging matatag sa kanyang mga paniniwala at pamantayan sa kanyang propesyon bilang isang propesyonal na manlalaro ng American football at sa buong buhay niya. Matapos basahin ang artikulong ito, maaari mong ipabahagi sa bawat miyembro ng iyong pamilya ang isang pagkakataon na nakatulong sa kanila ang pagsunod sa propeta para magkaroon ng lakas-ng-loob o tapang.
Katuwaan ng Pamilya sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Lumalago nang Lumalago Araw-araw
Bilang mga miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo, responsibilidad nating tumulong na mapalago ang kaharian ng Diyos sa lupa. Sabi sa Mateo 13:31–32:
“Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang butil ng binhi ng mustasa na kinuha ng isang tao, at inihasik sa kanyang bukid.
“Iyon ang pinakamaliit sa lahat ng mga binhi, ngunit nang tumubo ay siyang pinakamalaki sa mga halaman at nagiging punungkahoy.”
-
Umupo sa isang bilog at mamaluktot na parang maliit na binhi ng mustasa.
-
Hayaang magsalitan ang lahat sa pagbibigay ng pangalan ng isang aktibidad na maaari nilang gawin bawat araw para tulungan ang Simbahan na lumago (magpatotoo, magbahagi ng isang talata ng banal na kasulatan sa social media, magbahagi ng katotohanan ng ebanghelyo sa isang kaibigan, atbp.).
-
Sa tuwing may babanggit ng isang aktibidad na tumutulong na mapalago ang Simbahan, uupo nang mas tuwid ang lahat at pagkatapos ay magsisimulang tumayo hanggang sa makatayo sila nang tuwid.
-
Talakayin sa inyong pamilya kung bakit mahalaga para sa bawat tao na gawin ang kanyang bahagi para makatulong sa paglago ng Simbahan.