“Handang Maging Missionary,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Mar. 2023.
Handang Maging Missionary
Paano mo malalaman na handa ka nang magmisyon?
Ipinaalala na sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson ang kahalagahan ng gawaing misyonero at hinikayat ang mga kabataang lalaki at babae na maghandang maglingkod.1 Ang pagiging full-time missionary ay nangangailangan ng pagsisikap, pero kailangan din ito para maging missionary!
Ang paghahanda para sa misyon kung minsan ay parang napakahirap gawin dahil parang napakaraming gagawin:
“Kailangan kong mag-ipon ng pera.”
“Dapat kong pag-aralan ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo.”
“Paano ako magluluto o maglalaba para sa sarili ko?”
“Dapat akong makipag-appointment sa bishop ko.”
“Sapat ba ang tiwala ko para ibahagi ang ebanghelyo?”
Makatwirang isipin at alalahanin ito. Gayunman, ang pinakamainam ay magtuon sa mas malaking layunin ng iyong paglilingkod.
Ang Iyong Dahilan
Makakatulong na itanong mo sa sarili mo: “Bakit ko ba gustong magmisyon?”
Pakiramdam mo siguro, tungkulin mo iyon. Sabik ka sigurong manirahan sa isang bagong lugar o matuto ng bagong wika. Marahil ay gusto mong ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo o sa doktrina ng mga walang-hanggang pamilya. O naniniwala ka, tulad ng sinabi na ni Pangulong Nelson, na “lahat ay nararapat na magkaroon ng pagkakataong malaman ang tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.”2
Ang ilang dahilan sa paglilingkod sa misyon ay mas mainam kaysa sa iba, at hindi lang iisa ang magandang dahilan para magmisyon. Dapat ay nakasentro sa huli ang mga dahilan mo sa iyong pagmamahal sa Panginoon at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo. Pag-isipan ang iyong mga dahilan at kung tutulungan ka nitong maglingkod sa Panginoon “nang iyong buong puso, kakayahan, pag-iisip at lakas” (Doktrina at mga Tipan 4:2). At kung wala kang hangarin, maaari kang manalangin sa Ama sa Langit na tulungan kang makamtan iyon.
Ang Iyong Patotoo
“May patotoo ba ako sa ebanghelyo ni Jesucristo? At naniniwala ba ako talaga na tinawag Niya akong maglingkod?”
Ang layunin ng isang missionary ay anyayahan ang iba na lumapit kay Cristo. Kung inaanyayahan mo ang mga tao na matuto tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, mahalagang magkaroon ng sarili mong patotoo.
Hindi kailangang maging perpekto ang iyong patotoo; laging may puwang para mapalakas ito. Ang talagang mahalaga ay ang pundasyon: si Jesucristo. Personal mo Siyang makikilala sa pag-aaral ng Kanyang mga salita sa mga banal na kasulatan, pagdarasal sa Ama sa Langit sa Kanyang pangalan, at pagsisikap na mamuhay na katulad Niya.
Ang pagiging mahusay na missionary ay hindi nangangahulugan na lagi kang mahusay makipag-usap sa mga tao o naisaulo mo ang bawat talata sa banal na kasulatan (bagama’t maaari mong sikapin palagi na paghusayin ang iyong mga kasanayan). Basta’t nagtitiwala ka sa Panginoon, naniniwala ka sa Kanya, at handa kang gawin ang Kanyang gawain, pupurihin Niya ang iyong mga pagsisikap at tutulungan kang maging isang epektibong missionary.
Ang Iyong Endowment sa Templo
“Handa na kaya akong magpunta sa templo?”
Bago ka magmisyon, malamang na matanggap mo ang iyong endowment sa templo kung hindi mo pa ito nagagawa.
Ngayon, gusto kong talakayin nang bahagya ang “isang mahalaga subalit kadalasan ay hindi napapansing aspeto ng paghahanda para sa tawag sa gawain.” At “ang pagiging marapat ang pinakamahalagang kailangan upang matanggap ang mga pagpapala ng templo.”3 Habang naghahanda ka at karapat-dapat kang pumunta sa templo at gumawa ng mga sagradong tipan sa Diyos, ihahanda mo rin ang iyong sarili na maging missionary para sa Kanya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 105:33; 109:22).
Kalaunan, maaari kang kumuha ng temple preparation class. Pero samantala, maaari kang gumawa ng sarili mong pag-aaral at paghahanda. Nagrekomenda si Pangulong Nelson ng ilang talata sa banal na kasulatan at mga paksa ng ebanghelyo na maaari mong pag-aralan para malaman ang tungkol sa templo.4 Maaari mo ring malaman ang iba pa sa temples.ChurchofJesusChrist.org.
Marapat at Handa
Muli, maraming aspeto ng paghahanda para sa misyon. Oo, dapat kang mag-ipon ng pera, manatiling malusog ang iyong katawan, at mag-aral ng mga pangunahing kasanayan tulad ng pagsusulsi ng mga damit o pagluluto. Maaari mo pa ring mithiin ang mga iyon.
Pero huwag mong hayaang magpahirap sa iyo ang mga detalye. Ang pinakamahalagang paghahanda na magagawa mo ay yaong nagtutulot sa iyo na maging marapat at epektibong kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon.
Kung pakiramdam mo ay may kakulangan ka, nababalisa ka, o hindi ka sigurado na gusto mong maglingkod, natural lang iyan. Tandaan lamang na nais ng Panginoon na magtagumpay ka! Habang nagtitiwala ka sa Kanya at sumusunod sa patnubay ng Espiritu, tutulungan ka Niyang maghanda na maging napakahusay na missionary.