“Paano Pinakitunguhan ng Tagapagligtas ang Kababaihan,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Mar. 2023.
Paano Pinakitunguhan ng Tagapagligtas ang Kababaihan
Maaari nating tularan ang halimbawa ng pagpapakita ng kabaitan at paggalang ni Jesucristo sa kababaihan sa ating buhay.
Sa Bagong Tipan, madalas magturo si Jesucristo ng mga bagay na hindi inaasahan. (Tulad ng: dapat nating mahalin ang ating mga kaaway at ipagdasal ang mga umuusig sa atin?1)
Ang ilan sa mga turong ito ay labag sa kultura noong panahong iyon. Pero hindi naman sinubukan ng Tagapagligtas na umakma. Tinatangka Niyang ituro noon ang mas mataas na batas at ipinakita Niya sa atin kung paano pakitunguhan ang isa’t isa. Nagpakita siya ng halimbawa ng pagmamahal na hindi limitado sa isang partikular na edad, kasarian, o nasyonalidad.
Noong panahon ni Jesus, karaniwa’y mababa ang tingin sa kababaihan. At sa ilang kultura ngayon, karaniwa’y hindi pinakikitunguhan nang may paggalang ang kababaihan. Marahil ay naninirahan ka sa isang lugar na katulad niyon. Kung gayon, maaari kang magpakita ng halimbawa na katulad ng halimbawa ni Cristo para sa inyong komunidad sa pagiging mabait at magalang sa lahat—pati na sa mga batang babae at kababaihan sa iyong buhay.
Inalagaan ni Jesus ang Kanyang Ina
Ang unang himala ni Jesucristo sa publiko ay nakatulong sa Kanyang ina. Siya ang responsable sa pagtulong sa pagpapakain sa mga tao sa isang kasalan. Nang maubusan sila ng inumin, ginawang alak ni Jesus ang tubig kaya nagkaroon ng sapat na inumin para sa mga panauhin.
Ang pananalita ng tugon ni Jesus sa Kanyang ina sa pag-uusap na iyon ay maaaring parang marahas sa ating makabagong mga tainga: “Babae, [ano ang] kinalaman niyon sa akin at sa iyo?” (Juan 2:4). Pero nilinaw ni Joseph Smith na itinatanong noon ni Jesus sa Kanyang ina kung ano ang kailangan nito”2. At ang pagtawag na “babae” sa isang tao noon ay isang titulo ng paggalang. Ang sinasabi Niya ay, “Mahal kong ina, anuman ang hingin mo sa akin nang may pananampalataya, ibibigay ko ito sa iyo.”3
Tingnan natin ang nangyari pagkaraan ng mga tatlong taon. Bago Siya namatay sa krus, ang isa sa mga huling ginawa ni Jesus ay tiyakin na mapapangalagaan ang Kanyang ina.
“Sinabi niya sa kanyang ina, Babae, narito, ang iyong anak! Pagkatapos ay sinabi niya sa alagad, Narito ang iyong ina! At mula noon ay dinala siya ng alagad sa kanyang sariling tahanan” (Juan 19:26–27).
Pinakitunguhan ni Jesus nang May Paggalang ang Kababaihang Itinakwil
Hindi kukulangin sa dalawa ang ating halimbawa ng pakikitungo ng Tagapagligtas nang may paggalang sa kababaihang itinakwil ng lipunan.
Sa panahon ng Tagapagligtas, mababa ang tingin ng karamihan sa mga Judio sa mga Samaritano. Ngunit nang makilala ni Jesucristo ang isang Samaritana sa tabi ng isang balon, pinakitunguhan Niya ito nang may habag at paggalang. Higit pa riyan, habang kausap Niya ito, saka Niya unang inihayag ang Kanyang sarili na Siya ang ipinangakong Tagapagligtas!4 (Tingnan sa Juan 4.)
Sa isa pang sitwasyon, isang babae ang nahuling gumagawa ng mabigat na kasalanan. Ayon sa batas ng mga Judio, babatuhin siya hanggang sa mamatay. Nang dalhin ng mga lider ang babaeng ito sa Tagapagligtas, may itinanong Siya sa kanila na naging dahilan para huminto sila sandali at mag-isip. Hindi nila siya binato. Pagkatapos ay hinikayat siya ng Tagapagligtas na magsisi, na sinasabing, “Humayo ka na at mula ngayo’y huwag ka nang magkasala” (Juan 8:11).
Nagpakita si Jesus sa Kababaihan Matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli
Matapos mabuhay na mag-uli si Jesus, una Niyang binisita si Maria Magdalena, na nagdadalamhati sa Kanyang libingan (tingnan sa Juan 20:11–18). Ang iba pang kababaihan—si Juana, gayundin si Maria na ina ni Santiago—ay kabilang sa mga unang nakaalam tungkol sa nabuhay na mag-uling Panginoon. Inanyayahan sila ng mga anghel na ibahagi ang kanilang patotoo tungkol sa nakita nila. (Tingnan sa Lucas 24:1–10.)
Matutularan Natin ang Kanyang Halimbawa
Ano ang magagawa natin para matularan ang halimbawa ng paggalang ng Tagapagligtas sa kababaihan?
Maraming praktis ang ating propeta, si Pangulong Russell M. Nelson, sa aspetong ito. Pinalaki nila ng kanyang asawang si Dantzel ang siyam na anak na babae at isang anak na lalaki. Nang mamatay ang kanyang asawa, pinakasalan niya si Wendy Nelson.
“Iginagalang natin ang kababaihan—hindi lamang sa ating pamilya kundi lahat ng kahanga-hangang kababaihan sa ating buhay,” pagtuturo niya.5
Gawin nating isa sa matatapang, mapagmahal na tulad ni Cristo at may kabaitan ang buwang ito sa kababaihan sa ating buhay. Sapat ang lakas ninyo para baguhin ang mundo, sa paisa-isang relasyon!