“Maaari Tayong Magsisi,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Mar. 2023.
Magagawa Ko ang Lahat ng Bagay sa Pamamagitan ni Cristo
Ibinahagi ng mga kabataan kung paano sila napalakas ni Cristo na gawin ang mahihirap na bagay (tingnan sa Filipos 4:13).
Maaari Tayong Magsisi
Kahit nabinyagan ako noong walong taong gulang ako, hindi ko palagiang ginawa ang mga tamang bagay. Noong tinedyer ako, nagsimula akong mabarkada sa isang grupo ng mga lalaki, at nagsimula kaming gumawa ng mga bagay na alam kong hindi mabuti.
Nang mag-asawa ang ate ko, tinulungan niya akong magbalik sa Simbahan. Nalaman ko ang kahalagahan ng Word of Wisdom at maayos na pagtrato sa aking katawan.
Pero isang araw, nakagawa ako ng isa pang mabigat na kasalanan. Nadama ko na hindi maaaring mapasaakin ang Espiritu o ang kapangyarihan ng priesthood. Pakiramdam ko ay napakawalang-kuwenta ko at hindi ko inisip na magagawa kong tapusin ang aking mga responsibilidad sa simbahan, tulad ng pagbabasbas at pagpapasa ng sakramento.
Pero itinuro sa akin ng ebanghelyo na maaari tayong magsisi palagi. Mahirap makipagkita sa bishop ko at ipagtapat ang aking kasalanan. Mahirap malaman na maaari akong makita ng mga tao na pumapasok sa opisina ng bishop. Pero gusto kong matamo ang kapayapaan ng Panginoon, at gusto kong magsisi.
Nagdasal kami ng bishop ko at sinabi sa akin na laging maawain ang Panginoon sa mga naghahangad na magsisi at na makakabangon ako mula sa aking pagkakamali. Sinimulan ko na ngayong basahin ang mga banal na kasulatan at magdasal, at alam ko na tinutulungan ako nitong labanan ang tukso.
Kung mahirap para sa iyo ang proseso ng pagsisisi, dapat mong alalahanin palagi ang kaloob ni Jesucristo at ang Kanyang mahimalang Pagbabayad-sala. Lahat tayo ay nagkakasala at nagkakamali, at hindi tayo magiging sakdal sa buhay na ito. Pero sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at ng dugong ibinuhos Niya para sa atin, maaari tayong magsisi palagi. Sa tulong ng Panginoon, maaari tayong sumulong sa pagiging sakdal.
Kenneth B., Tonga