2023
Alam ng Tagapagligtas Kung Paano Ako Tutulungan sa Pakikibaka sa Kanser
Marso 2023


“Alam ng Tagapagligtas Kung Paano Ako Tutulungan sa Pakikibaka sa Kanser,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Mar. 2023.

Magagawa Ko ang Lahat ng Bagay sa Pamamagitan ni Cristo

Ibinahagi ng mga kabataan kung paano sila napalakas ni Cristo na gawin ang mahihirap na bagay (tingnan sa Filipos 4:13).

Alam ng Tagapagligtas Kung Paano Ako Tutulungan sa Pakikibaka sa Kanser

dalagita

Medyo normal lang ang buhay ko hanggang sa sumapit ang taglamig ng 2020. Akala namin ay nagkaroon ako ng impeksyon, kaya pinainom ako ng sunud-sunod na mga antibiotic. Kalaunan, nagsimula akong makaramdam ng sakit ng ulo, pagod, at pagkahilo. Hindi nagtagal ay nagising ako nang bandang alas-10 n.g. na nag-aakalang umaga na at nagsimula akong maghandang pumasok sa paaralan.

Nang sabihan ako ng kapatid ko na gabi pa, tarantang tumakbo ako sa kuwarto ng mga magulang ko. Hinipo ng nanay ko ang ulo ko, at napakataas ng lagnat ko. Nagpunta kami sa doktor kinabukasan, na nagsagawa ng maraming test.

Nang gabing iyon pumasok sa kuwarto ko ang mga magulang ko, na umiiyak. Sinabi nila sa akin na may leukemia ako at na kailangan naming magpunta sa ospital para malaman ang iba pang tungkol dito. Nasa emergency room ako buong magdamag at nagsimula akong magpa-chemotherapy makalipas lang ang ilang araw.

Magpapatuloy ang panggagamot sa akin nang isa o dalawang taon pa, pero medyo mas nakayanan ko na iyon. Mas maganda na ang pakiramdam ko nitong huli at inaasam kong makapag-aral na muli kaagad. Pero hindi iyon madali. Maraming side effect ang chemo, kabilang na ang isang kundisyon sa buto na tinatawag na avascular necrosis na nagpapahirap sa akin na maglakad.

isang dalagita na nasa ospital

Sa kabila ng lahat ng iyon—siguro’y dahil din doon—mas napalapit ako sa aking Ama sa Langit. Ngayon ay mas nauunawaan ko na ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Inakala ko dati na ang Kanyang Pagbabayad-sala ay isang bagay na kailangan mo lang kapag nagkamali ka. Bahagi iyon noon, pero ang pag-asa sa Tagapagligtas ay isang bagay rin na nakatulong sa akin na madama na hindi ako nag-iisa.

Tinaglay ni Jesucristo sa Kanyang sarili ang lahat ng ating paghihirap at kasalanan, na ibig sabihin ay alam Niya kung paano ako talaga tutulungan habang may leukemia ako. Ang pagdaan sa anumang pagsubok ay maaaring magpadama na nag-iisa tayo, pero dahil sa Pagbabayad-sala ni Cristo, mapapanatag tayo sa kaalaman na nauunawaan Niya talaga ang pinagdaraanan natin.

Ruby H., Utah, USA