“Jesucristo: Kapayapaan sa Gitna ng mga Unos,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Mar. 2023.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Jesucristo: Kapayapaan sa Gitna ng mga Unos
May mga araw na maaaring madama mo na parang sinisiklot ka ng mga unos sa buhay. Pero may kapangyarihan si Jesucristo na maghatid ng kapayapaan sa iyo na hindi mo matatagpuan saanman.
Sa kalagitnaan ng aking senior year ng high school, nakatanggap ako ng malaking sorpresa. Natawag na mamuno ang mga magulang ko sa Uruguay Montevideo Mission, na nangahulugan na lilipat sila sa kabilang dulo ng mundo kasama ang apat na mas bata kong mga kapatid. Balisa na ako noon tungkol sa pagtatapos sa high school, pero ngayo’y mag-isa akong mag-aaral sa kolehiyo, habang ang pamilya ko ay nasa ibang kontinente. Takot na takot ako.
Napakahirap ng paglipat ko mula high school papuntang kolehiyo. Bagama’t napaligiran ako noon ng mababait na roommate at libu-libong estudyante, noon ko lang mas nadama na nag-iisa ako. Nahirapan akong masyado sa pag-aaral. Hindi ko alam kung ano ang gusto kong pag-aralan at nahirapan ako sa mga klase. Nahirapan din ako sa emosyonal na relasyon sa isang mapagmanipulang tao, na nagkaroon ng malaking epekto sa kalusugan ng aking isipan. Nadaig ako ng takot sa hinaharap.
Hindi nagtagal ay nahirapan akong kumilos dahil sa depresyon, takot, at lumbay. Kahit ang mga normal na gawain ay parang imposible. Isang umaga, hiniling ko sa Ama sa Langit na bigyan ako ng lakas na makaraos sa buong maghapon. “Hindi ko kayang patuloy na gawin itong mag-isa,” pagdarasal ko. Sa isang bihirang sandali ng kalinawan ng isipan at damdamin, pumasok sa isipan ko ang mga salitang “Hindi mo kailangang gawin iyan.” Napuspos ng kapayapaan ang aking isipan. Natahimik ang bagyong nasa aking isipan.
Ang sumunod na ilang buwan (at taon) ay hindi naging madali. Hindi nawala kaagad ang aking depresyon at kalungkutan. Pero sa unang pagkakataon, personal kong naunawaan kung ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng Tagapagligtas. Alam ko na naunawaan Niya ang aking mga hamon at aking pasakit. Alam ko na Siya lamang ang makakatulong sa akin, at ginawa Niya iyon.
Makalipas ang ilang taon, returned missionary na ako, tapos ng kolehiyo, at maligaya sa piling ng aking asawa. At alam ko na hindi ko makakamit ang alinman sa mga mithiing iyon kung hindi ako nagtiwala sa Panginoon.
Pumayapa Ka, Tumahimik Ka
Tulog si Jesus sa bangka kasama ang Kanyang mga Apostol nang magkaroon ng malakas na bagyo. Ginising ng mga Apostol si Jesus, na sinasabing, “Guro, hindi ka ba nababahala na mapapahamak tayo?” (Marcos 4:38). Nang inakala nila na mamamatay sila sa nagngangalit na bagyo, bumangon ang Panginoon at “sinaway niya ang hangin, at sinabi sa dagat, ‘Pumayapa ka, tumahimik ka.’ [At] tumigil nga ang hangin at nagkaroon ng katahimikan” (Marcos 4:39).
Ilang beses mo na bang naisip sa buhay mo, “Hindi ka ba nababahala na mapapahamak ako?” Kung minsan, kapag nabubuhay ka sa mahihirap na hamon, madaling madama na nalulungkot ka at pinabayaan. Maaari kang magtaka kung bakit hindi pinatatahimik ng Panginoon ang iyong mga unos. Maaaring mukhang hindi aabutin ng buhay mo ang “malaking katahimikan” na binabanggit sa talata 39.
Gayunman, mahalagang bahagi ng kuwentong ito ang alituntuning sumunod na itinuro ng Tagapagligtas. Sabi Niya: “Bakit kayo natakot? Wala ba kayong pananampalataya?” (Marcos 4:40). Sa sandali ng kanilang takot at kawalang-pag-asa, nalimutan ng mga Apostol kung sino ang kasama nila. Ang Anak ng Diyos, na lumikha ng mismong lupa, ay natutulog sa kanilang bangka. Bakit sila matatakot?
Gayundin, may kapangyarihan ang Tagapagligtas na patahimikin ang anumang unos sa iyong buhay. Mapapagaling Niya ang pasakit na iyong nadarama, mapapagaan ang iyong mga pasanin, at matatanglawan ka kapag ikaw ay nasa kadiliman. Ang bahagi mo sa prosesong ito ay ang higit na manampalataya kay Jesucristo.
Pagkakaroon ng Lakas mula sa Panginoon
Ang pamumuhay nang may ibayong pananampalataya ay maaaring maghatid ng higit na kapangyarihan ni Cristo sa iyong buhay. Nang matapos ni Razafimalaza mula sa Madagascar ang isang mahirap na taon ng pag-aaral, namatay ang kanyang tita. Nanlumo siya. Halos naging imposibleng makapagtuon sa pag-aaral. Naghahanda siyang kumuha ng huling mga pagsusulit sa taon na iyon. Ipinagdasal niya, “Pawiin sana Ninyo ang aking kalungkutan at bigyan ako ng lakas na kumuha ng pagsusulit bukas.” Matapos magdasal, nadama ni Razafimalaza na lumakas siya. “Parang nalimutan ko ang lungkot ko,” sabi niya. “Binibigyan ako ng Diyos ng lakas na gawin ang anumang bagay.”
Mahalagang tandaan na kung minsa’y pinatatahimik ng Panginoon ang mga unos sa iyong buhay, at kung minsa’y pinapayapa at pinatatahimik at pinapanatag ka Niya habang nagngangalit ang bagyo. Kapag may pananampalataya ka sa Kanya, nagtitiwala ka rin sa Kanyang kalooban at takdang panahon. Naniniwala ka na tutulungan ka Niya, kailan mo man madama talaga ang kapayapaan at katahimikan.
Pagtitiwala sa Kanyang Takdang Panahon
May isang dalagitang nagngangalang Ann na pamilyar sa damdamin ng pagkatakot. “Mayroon akong matinding pagkabalisa at bahagyang ADHD,” sabi niya. “Kung minsan pakiramdam ko ay mali ang pagkaunawa sa akin ng iba, at mahirap magpanatili ng walang-hanggang pananaw. Kamakailan ay nabasa ko sa Genesis ang tungkol kay Sara, na kinailangang maghintay ng ilang dekada bago nagkaanak. Natanto ko na maaaring kailangan ko ring maghintay nang matagal para gumaling. Alam ko na hindi ako pababayaan ni Cristo kapag nababalisa ako. Nariyan Siya para tulungan akong makayanan ito.”
Ang pagpapasiyang magtiwala sa Panginoon ay hindi nangangahulugan na kailangan mong balewalain ang malalaking hamon sa iyong buhay. Gayunman, ang ibig sabihin nito ay dapat kang “magtuon sa walang hanggang kadakilaan, kabutihan, at walang katapusang kapangyarihan ng [iyong] Diyos, magtiwala sa Kanya … nang may galak ang puso.”1 Kapag ikaw ay nag-iisa, nalulungkot, nababalisa, o naghihintay sa ipinangakong mga pagpapala, alalahanin ang tanong na ito: Naghihintay ka ba ng “malaking katahimikan” nang may pusong natatakot o may tapat na puso?